Youth On Mission

Apat na Kabalyero ng Apokalipsis


Ang matinding kahirapan na nararanasan mula pa noong nakaraang administrasyon ay kapwa diyablong nagtutukso sa mas marami namangutang at magsugal. Sila ang promotor ng kasamaan at tahimik kapag namamayani ang kadiliman.

Hindi ako babad sa social media at bihirang mag-scroll. Ngunit sinuman, kahit saglit lang mamalagi sa anumang social media app o site, may tatlong uri ng app na madalas itinatalastas saatin: online sugal o e-gambling, pautang, at shopping. 

Isyu ngayon ang pamamayagpag ng online sugal, ang Unang Kabalyero ng Apokalipsis.Talagang nakakaadik at may mga kakilala akong baon na sa utang ang pamilya dahil dito.

Malaking target nito ang kabataan at young adult. Hindi lang ito nadadaan sa makukulay na patalastas at madaling user interface, ang mga artistang iniidolo at crush ng kabataan ang nagpapahiwatig na may malinaw itong target audience. Naka-link din ang mga ito sa e-wallet account.

Dalawampu’t isang taong gulang lang daw pataas ang maaaring gumamit ng mga ito. Ngunit malinaw na kung target ang kabataan, lalo silang napupunta sa peligrosong kalagayan.

Pinakamataas ang walang trabaho sa kabataan. Nasa 8.7% ang kabataang walang trabaho sa nakaraang taon. Dagdag pa ang katotohanang sa panahon ni Marcos Jr., walo sa 10 trabahong nalilikha ang part time. Uso nga raw sa kabataan ngayon ang doble-dobleng trabahong part-time dahil hindi nakasasapat ang isa.

Sa sobrang lala ng banta nito, mismong ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, sa kanilang pahayag, ang nagbansag dito bilang panibagong “salot” o “virus”at ipinawagan sa langit na palayain ang mga bihag nito.

At iyon naman ang Ikalawang Kabalyero ng Apokalipsis—mga app ng pautang. Kahit naglalaro ka ng games o nanonood ng video, talamak ang mga patalastas para rito. May kakilala akong may karanasan na nagtangkang mag-download nito, ngunit nang nag-atubili siya, paulit-ulit siyang tinawagan upang hikayating i-download ito. 

Disgusto ang nararamdaman ko tuwing nakikita ang isang patalastas ng isang app ng pautang nang gamitin nito ang kalagayan ng mga Pilipino na ang kanilang kapamilya ay nasasadlak sa matinding sakit.

Bukod sa mga nabanggit kong kalagayan sa trabaho, talamak ang mga kuwentong matinding pag-scam at mataas na interes na marami na raw ang naloko.

Ang Ikatlong Kabalyero ng Apokalipsis naman ay ang mga shopping app. Napakaraming patalastas ng iba’t ibang diskuwento, promo at hanay ng samu’t saring produkto nanaghihikayat ng pagbili ng higit sa kailangan ngunit itatapon kalaunan.

Kapag pinagsama-sama ang tatlong Kabalyero o app na ito, malabong tanong kung ano ang nauna. Salimbayan ang tatlong ito: tukso ng bumili higit sa kailangan, mangutang para sa konsumerismo at magsugal sa katiting na tiyansang manalo. Anuman ang mauna o kombinasyon, tiyak ang pagkalugmok ng malululong sa mga ito.

Talagang laganap ang mga ito sa kabataan, kahit sa mga menor de edad. Sa mga naging panayam ko sa iba’t ibang paaralan, kapag tinatanong ko kung ano ang tatlong klaseng app ang itinatalastas sa kanila, itong tatlo—e-gambling, pangungutang at shopping—ang laging sagot.

Ngunit may Ikaapat na Kabalyero ng Apokalipsis, at hindi ito app. At ito ay ang mga Marcos at Duterte—mga pinakamalaking sugarol ng bayan.

Ang matinding kahirapan na nararanasan mula pa noong nakaraang administrasyon ay kapwa diyablong nagtutukso sa mas marami namangutang at magsugal. Sila ang promotor ng kasamaan at tahimik kapag namamayani ang kadiliman.

Ang malala pa, matagal na nilang nilululong ang lipunan sa sugal. Ang Maharlika Investment Scam, ang budget para sa militar at imprastruktura, pondo para sa korupsiyon, dinarayang eleksiyon, at mga polisiya ng liberalisasyon na nagtatambak sa atin ng mga produktong inaangkat sa ibang bansa ay sugal lahat.

Ang kinakalabasan, yumayaman lalo ang mayayaman, naghihirap lalo ang mahihirap at nagpapalaganap ng pagkawatak-watak sa pamamagitan ng pagsabong sa kapwa pinagsasamantalahan.

Sasabihin nilang kultura din naman ang lahat ng ito. Ngunit gaya ng lahat ng bagay, ito ay kayang baguhin. Kung may hamon man sa kabataan dito, ito ang makita ang mga bagay na magkakaugnay at baguhin ang mga sistemikong ugat nito.

Ang lunas sa isang lipunang mapanukso ay aktibong pag-aaral paano makalilikha ng lipunang hindi sasalang sa anarkiya ng sugal at tutugon sa mga kongkretong aspirasyon ng taumbayan—huwag nating manahin ang lipunang apokaliptiko.

Hangga’t sugarol ang mga pinuno at mapaglaro ang lipunan, araw-araw, petsa de peligro para sa ordinaryong Pilipino.