Karapatan at pagkakakilanlan
Hamon ngayon ang higit sa mga paisa-isang tugon dahil marami pang institusyon ang nagdidiskrimina at nagsasamantala sa mga LGBTQ+.

Mahaba pa ang kailangang tahakin ng mga institusyon, gaya ng mga paaralan, upang ang mga ito’y inklusibo at affirming sa mga kasapi ng LGBTQ+ community. Kapugay-pugay ang mga pagsusumikap kamakailan gaya ng pagpapahintulot sa mga piniling pangalan at piniling kasuotan sa mga paaralan bilang lalong pagtanggap.
Sa mga balita, mapapansin pa rin talaga ang mapang-ibang trato sa mga estudyanteng nagnanais magpahayag ng kanilang pagkakakilanlan batay sa pagkakakilala nila sa kanilang sarili.
Isa sa mga pinakamadalas na inirereklamo ay ang mga polisiya hinggil sa haircut at dress code. Nagiging dahilan pa ito para sa pagpigil sa kanilang pagtatapos o pag-e-enroll. Nakaraang taon pumutok ang isyu sa Earist Manila nang naging viral ang isang video ng isang estudyanteng trans woman na napilitang gupitin ang kaniyang buhok para lang papasukin sa paaralan.
Isang transgender naman sa Pangasinan State University noong 2022 ang hindi pinayagang dumalo sa kanyang pagtatapos dahil nakasuot siya ng “pambabae,” kahit sa tutuusin, wala naman talang kasarian ang mga damit. Samantala sa Cebu, isang estudyante ang tinawag na “imoral” ng kanyang guro buhat ng makeup at pananamit.
Ilan pa kayang mga kaso ng diskriminasyon ang hindi naitatala? Panigurado marami rin diyan ang nagkikimkim na lang ng nararamdaman dahil hindi alam kung ano ang gagawin. Naaalala ko tuloy ang matinding bullying na ginawa sa akin noong Grade 6, kasama na ang gaslighting ng guidance counselor.
Ang mga eskuwelahan ang inaasahan nating espasyo upang maging bukas sa lahat ng kabataan anuman ang kanilang katangian sa buhay o pinagmulan, gaya ng sa kasarian at seksuwalidad. Ngunit sa ilalim ng edukasyong neoliberal, ibig sabihin, edukasyong alang-alang sa merkado, may pagnanais na ipakete ang mga estudyante sa mga hitsura at gawi na katanggap-tanggap para sa mga employer.
Ito rin ang pinag-uugatan sa iba pang polisiya gaya ng English-only policy, pagtatanggal ng Filipino at mother tongue, pagbabawas ng mga asignatura sa agham panlipunan at kasaysayan, at pagiging priyoridad ng mga kurso at strand na ang mga kalalabasang trabaho ay ang mga “in-demand” sa ibayong dagat.
Sa kabila nito, unti-unting nababaka ng mga queer ang mga hadlang para sa representasyon, pagkilala at pagkapantay-pantay. Tampok ang balita kamakailan ang magkasintahang queer nasina Tristan at Lance na nagsitapos na may Latin honors.
Lagi’t lagi, napapatunayan ng mga queer na ang kanilang kasuotan, estilo ng buhok at anumang isinusumbat sa kanila ay hindi hadlang sa pag-aaral at sa paglilingkod sa kapwa. Ito ang isang bagay na nakikita ko rin kung bakit maraming LGBTQ+ ang bahagi ngayon ng mga progresibo at militanteng organisasyon, hanggang sa pagtangan ng mas matataas na uri ng tungkulin at pakikibaka.
Ang pangangalampag at protesta din mismo ng mga estudyanteng queer ng Earist Manila ang nagtulak sa Commission on Higher Education at sa administrasyon ng paaralan para sa mga pagbabago. Hamon ngayon ang higit sa mga paisa-isang tugon dahil marami pang institusyon ang nagdidiskrimina at nagsasamantala sa mga LGBTQ+.
At lalong naging malinaw ang pangangailangan para sa sistemikong pagbabago ng lipunan upang buong palayain ang kasarian sa pagkilos ng Stonewall Philippines Pride March noong nakaraang Hun. 26. Ninanais lang natin na makatuntong sa Mendiola upang singilin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kawalan ng mga polisiya.
Ngunit ang ipinantapat sa atin, malayo pa lang, ay mga pulis na namisikal, hanggang sa puntong sinasabunutan ng iilan ang katabi ko at ako ay pinunitan ng damit at tinangkang damputin. Walang isang tao ang makakabutas ng hanay ng mga puwersa ng estado, walang isang indibidwal ang makapagpapasa ng mga makabuluhang batas para sa mga isinasantabi.
Kaya sa pagtatapos ng pagbaba ng mga bahaghari sa dulo ng Hunyo ng mga korporasyong oportunistiko at estadong hindi sinsero, kailangang makita natin ang sangkabaklaan bilang komunidad, namamanatang magkaisa at makipagkaisa lalo para tugunan ang mga problemang hindi kakayaning bakahin ng iisa o iilan lamang.