Youth On Mission

Hindi lang mga Discaya ang dapat panagutin


Tip of the iceberg lang ang kina Discaya. Marahil may nakabanggang politiko kaya natiyempuhan.

Umani ng negatibong rekasiyon ang mga naibunyag na ang pagiging contractor sa gobyerno ang naging daan tungo sa pagpapayaman ng mag-asawang Discaya. 

Isa ang kanilang kompanya sa mga idinadawit sa samu’t saring proyektong flood control na pinaiimbestigahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Bukod sa pagkakaroon ng mamahaling 40 kotse, naalala rin ng marami ang bigong enggrandeng kampanya ni Sarah Discaya sa pagkaalkalde ng Pasig City.

Hindi bago ang kuwento ng mga Discaya. Sa modernong kasaysayan ng Pilipinas, maya’t maya ang mga kaso ng malalawakang korupsiyon sa imprastruktura. Sa isang pag-aaral pa nga, umaabot ng 35% ng kita ng mga kompanya sa konstruksiyon ang ipinambabayad sa mga kurakot. Tip of the iceberg lang ang kina Discaya. Marahil may nakabanggang politiko kaya natiyempuhan.

Sa pag-usisa kung bakit nga ba tulay ng korupsiyon ang konstruksiyon, kailangang balikan ang intensiyon sa imprastruktura.

Naging unang malaganap ito noong pananakop ng mga Español sa pamamagitan ng puwersahang malaaliping pagpapailalim ng ating mga ninuno sa polo y servicio para sa mga gusaling magtataguyod ng kolonyalismo at lakas-militar ng mga mananakop. 

Simula 1834, nagbukas ang Maynila, at pagkatapos, ilan pang pantalan sa iba’t ibang probinsiya upang makipagkalakalan sa iba pang bansa (bago nito, halos eksklusibong Tsina, Espanya at Mexico lang ang kakalakalan ng kolonya). Noong 1867, ginawang pinuno ng pagawaing bayan ang mismong gobernador-heneral at 1875 naman ipinanukala ng hari ng Espanya ang paglalatag ng sistema ng riles.  

Ang layunin ng imprastruktura ang mabisang dambungin ang ating mga likas-yaman, primarya sa mga pananim gaya ng tabako, indigo, abaca at tubo na kailangan ng mga empresang dayuhan mula sa mga asyenda sa kanayunan tungo sa malalaking daungang pandaigdig gaya ng Maynila, literal na kongkretong daluyan ng malapiyudalismo sa Pilipinas.

Ito ang oryentasyon ng mga daan at daambakal na ipinagpatuloy ng mga Amerikano at ng kasalukuyang estadyong malakolonyal. Pansinin na ang kalakhan ng mga proyektong pang-imprastruktura ng pamahalaan, lalo na ang big-ticket projects, ay nakasentro sa Kamaynilaan at mga rehiyong nakapaligid.

Hindi dahil may umiiral na “Manila imperialism,” kundi dahil ito ang pinakamabisang pantalan ng mga totoong imperyalista upang mahuthutan tayo ng likas-yaman at bagsakan tayo ng anumang gusto nilang ibenta sa atin.

Kung magkakaroon man ng enggrandeng proyekto sa Visayas o Mindanao, tiyak na ang masamang na layunin nito ay mapadali ang pagkuha ng mga likas-yaman sa mga mas liblib na lugar. Tabing lang ang layuning panturismo. Pandarambong talagaang intensiyon ng imprastruktura.

Ugat ng malawakang korupsiyon sa konstruksiyon, sa hangarin ng mga imperyalista at ng kanilang mga tutang negosyante at politikong lokal, nagkakaroon ng kuntsabahan kung kaninong contractor ang makapagbibigay ng pinakamalaking kita.

Hindi ipagtataka kung bakit para sa 2026, pumapangalawa ang imprastruktura sa pinakamalaking alokasyon sa budget, at kaya ang pinakamalaking salarin sa korupsiyon ay ang gobyerno mismo ni Marcos Jr., gaano pa man sila naghuhugas-kamay.

Kapwa sangkot sa mga anomalya sa real estate, binola ng mga Villar mula pagkabata ang mamamayan na sa lantay na sipag at tiyaga ay makaaahon sa kahirapan. Ngunit malinaw sa sistema, na sa pamamagitan ng kanilang pagsasamantala at pagpapakatuta sa dayuhan, na ang pagiging mayaman ay kaakibat ng pagpapatong ng krus sa kalakhan ng mamamayang Pilipino.

Hindi dapat matapos ang pagpapanagot sa mga tulad nina Discaya na marahil napagti-trip-an lang ng pangulong kapwa sangkot. Sila’y mga bunga ng sistemang dapat wakasan nang magkaroon ng tunay na kaunlaran para sa mgasusunod na henerasyon ng mga Pilipino, nang ang imprastruktura ay magsilbi sa pambansang industriya, maging serbisyo at hindi negosyo ng iilan.