Main Story

Mendiola, Setyembre 21, 2025


Nabuo ang sumusunod na naratibo gamit ang interbyu sa mga saksi sa nangyari, daan-daang bidyo mula sa publiko, mga retrato at post sa TikTok, Instagram, Facebook, Youtube at X.

Makasaysayan ang panimula ng araw na iyon. Alas diyes ng umaga sa Luneta, inanunsiyo ng mga emcee na halos 80,000 na ang dumalo. Nagtipon ang kalakhan sa Bonifacio Drive at Roxas Boulevard, ‘yong kongkretong kahabaan na gumuguhit sa pambansang liwasan at itinuturing na “Kilometer Zero” ng bansa.

Naroon, nakabantay ang monumento ni Jose Rizal sa mga nagtipon sa Kilometer Zero, at sa mga lilim at puwang na pinuwestuhan rin ng mga tao. Iba’t ibang grupo ang dumalo, kasama ang mga kabataan na nakaitim at nakasuot ng ski mask. Bandang alas diyes, nakasalubong ko ang ilan pa sa Kalaw Avenue na nagbebenta nitong mga itim na ski mask.

Sa daluyong ng mga naroon sa Kilometer Zero, kitang-kita ang mga bulto ng nakaitim na mga kabataan, nakikinig nang maigi sa mga tagapagsalita, nagwawagay ng mga streamer at bandilang mula sa anime na “One Piece.” May isa o dalawa na may bitbit pa ng itim na bandilang may anarkistang “A” sa gitna.

Bandang 10:30 ng umaga, habang sinusubukan kong makalapit sa harap ng stage, nakita ko ang isa pang grupo ng mga kabataan na ganoon rin ang suot. Nakikipag-areglo sila para makapasok sa nakakordon na espasyo sa likod, harap at gilid ng stage dahil daw bahagi sila ng programa—o kabilang sa mga hip-hop performer. Tahimik at magalang sila. At nang hindi sila payagan doon, hindi sila nagpumilit pumasok.

Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Noong 1:00 ng hapon, lumobo sa higit 100,000 ang sumama sa protesta kahit pa magkasabay ang walang patawad na init at hampas ng hangin. Tapos na noon ang programa at nag-ayos na ang mga magmamartsa—hindi lahat ng 100,000 pero marami-rami pa rin—papuntang Mendiola. Dama ang diwa ng tagumpay.

Para sa mga organisador, lalo na ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), makukumpleto ang matagumpay na araw na ‘yon kapag nakapagmartsa na tungo sa tarangkahan ng kapangyarihan sa Malacañang. Mapayapang martsa ang plano. Naroon ang militanteng pagpapamalas ng kapangyarihan ng sambayanan, isang simbolikong pagtungtong sa Don Chino Roces Bridge (dating Mendiola Bridge) na saksi sa marami nang pagtutunggali.

Haluan pa rin ng iba’t ibang grupo ang nagmartsa sa Kalaw Avenue, tapos Taft Avenue, hanggang sa umabot na sa kanto ng Taft Avenue at United Nations Avenue. Sa puntong ‘yon, may grupo ng mga kabataan na nakaitim na ski mask ang bumaklas sa hanay ng mga nagmamartsa para gumamit ng ibang ruta papuntang Mendiola. Bandang 1:40 ng hapon, nag-iba ang direksiyon ng kuwento.

Nabuo ang sumusunod na naratibo gamit ang interbyu sa mga saksi sa nangyari, daan-daang bidyo mula sa publiko, mga retrato at post sa TikTok, Instagram, Facebook, Youtube at X.

Sininsin namin ang mga bidyo, kinumpara sa dokumentasyon ng ilang mga mamamahayag at sa coverage ng Altermidya, at itinahi ang mga detalye na magbibigay-linaw sa ipinintang imahen ng mga awtoridad at iba pang report.

(Ang mga bidyo na kasama dito ay mula sa mga citizen journalist at pinatunayan ng Altermidya. Nilagay ito sa ilalim ng Youtube account ng manunulat para protektahan ang identidad ng mga kumuha ng bidyo.)

Binalita sa brodkast na pinigilan ng mga pulis ang mga kabataang nagpoprotesta gamit ang mahabang ten-wheeler truck na nagsilbing barikada sa pagitan ng Ayala Boulevard at Ayala Bridge. Kasama rin sa mga ulat na binato ng mga nagpoprotesta ang pulisya, at ginamitan ng mga Molotov cocktail ang gulong ng trak para silaban ito at mauwi sa malaking apoy.

Binuwag ng mga pulis ang protesta. Nang-aresto sila, nangaladkad at naging marahas din. Patunay dito ang bidyo ng mga saksi sa insidente at mga mamamahayag. Nakaabot naman ng Recto Avenue at Mendiola ang nakalagpas sa kordon ng pulisya.

Ang makasaysayang Mendiola, saksi sa deka-dekadang tunggaliang politikal—mga pagbubuno ng mga militante at mga pulis—kasalukuyang construction site. May backhoe, malaking butas sa lupa, ilang linya ng mga concrete barrier, at sala-salabat na mga steel railing at barbed wire.

Sa likod no’n ang pormasyon ng riot police, suot ang kanilang neon green traffic jacket at asul na uniporme. Katabi ng backhoe ang ilang water cannon na nakapatong sa mga fire truck ng Bureau of Fire Protection (BFP). Sa likod no’n ang Mendiola Peace Arch, outer gate, at isa pang pormasyon ng mga pulis.

Alas tres ng hapon, dumating na sa Mendiola ang bulto ng mga nagpoprotesta na kasama ng Bayan, sumisigaw ng “Ayan na ang sambayanan!” bilang babala sa gustong mag-disperse sa kanila. Natapos ang maikling programa ng 3:25 ng hapon, at nagbilin na ang mga emcee para sa isang organisadong dispersal papuntang Nicanor Reyes Street (dating Morayta Street).

Sakto, noong minamaniobra na pabalik ng Recto ang trak na nagsilbing stage ng mga tagapagsalita at sinisimulan na ang lakad pabalik ng Morayta, lumapit ang mga kabataang pareho ang suot doon sa grupo mula sa Ayala Bridge at nagsimulang maghagis ng mga bote at bato sa mga barrier at linya ng mga pulis na nag-angat na ng riot shield.

Pampasabog pala ang isa sa mga ibinato at nagkaroon ng maliit na apoy sa harap ng pulisya. Agad itong naapula gamit mga water cannon. Mausok na noon at may ibinabatong tear gas na napaulat na mula sa linya ng mga pulis. Nananawagan na ng kaayusan ang mga marshal ng Bayan, pero nalunod ang pakiusap nila sa dagundong ng mga tao at mga kabataang umiiwas sa malakas na buga ng maruming tubig ng mga water cannon.

Makikita sa bidyo ng mga mamamahayag na sa pagitan ng 3:40 at 3:50 ng hapon, nagkaroon ng marahas na atras-abante. 

Sa kaliwa, malapit sa LRT-2 Legarda Station, sumugod ang mga pulis na agad ring umatras dahil sa pinapaulang mga bato at bote. Habang nagtapatan ang mga water cannon at mga nagpoprotesta sa gitna, may isang grupo na tumutok sa bandang kaliwa at kumuha pa ng tricycle para ibangga sa mga police shield. Nakalusot ang grupo papalapit sa Mendiola Peace Arch at nagdiwang dahil napilitang umatras ang pulisya. May isang lalaki na nakasuot ng mask ang tumungtong sa backhoe, nagwagayway ng placard, na parang imahen ng bida na nananaig sa usok at tubig.

Sa kaliwa kung saan dati may Jollibee, 3:50 ng hapon, may isa pang pagbubuno sa pagitan ng mga pulis at kabataan. Hindi kalaunan, nakorner at napalibutan ng mga nagpoprotesta sa kanto ng Mendiola at Casal Street ang mga pulis na hindi na makaatras dala ang mga shield nila.

May ilang mga nagpoprotesta ang namagitan. “Huwag ninyo idamay ang [mga pulis]!” sabi pa ng isa. Baka nagulat rin ang pulisya, pero nakinig ang mga nagprotesta at hinayaang makaatras sa likod ng Mendiola gate ang mga pulis.

Bandang 3:55 ng hapon, umalingawngaw ang matinis na tunog mula sa Long-Range Acoustic Device (LRAD) na sinalubong lang ng pangangantiyaw. Pero dumami pa ang ibinatong tear gas, kaya napaalis ang ilan at muling nakakuha ng buwelo ang pulis.

Nagsimula na ang paghahabol. Naging operasyon ng pagtugis ang nagsimula lang bilang pagpapaalis. Sa Casal Street, nakuhanan ng retrato ng ilang photojournalist tulad nina Zedrich Xylak Madrid at Lisa Marie David ang panghaharas ng pulisya sa mga nagprotesta, at pati na rin sa kanila mismo. Tapos dumating ang SWAT.

Lagpas 4:00 ng hapon pero atras-abante pa ang parehong panig. Umalis na ang ilang mga kalahok sa protesta pero may mga natira, tuloy-tuloy sa pagbato ng mga gamit sa pulisya habang umaatras papuntang Recto, Casal at Legarda.

Sa iba’t ibang bidyo ng mga sibilyan na nasa Recto, tulad ng mga nasa Uncle John’s, kita ang takot sa mukha ng mga saksi sa kaguluhan at pagtugis ng pulisya sa paatras nang mga nagpoprotesta at iba pang napadaan lang. May mga minalas na nahiwalay sa mga kasamahan, hinuli at pinagpapalo. May mga ulat din na ang ilang hindi naman kasama sa protesta at nagkataong naroon lang, pero sinaktan rin.

Nagsagawa ang Altermidya ng field inspection sa Recto Avenue noong Set. 23, dalawang araw matapos ang protesta, para makapanayam ang mga manininda at empleyado roon.

Hindi na sila nagpapangalan, pero ibinahagi nila na sa pagitan ng 6:30 at 7:00 ng gabi, may mga umaatras na mga nagprotesta na nanguha ng motorsiklong may marka ng NCRPO at isa pa (sabi ng ibang saksi, tatlong motorsiklo) na sinilaban sa gitna ng kalsada. Mukha raw na magsisilbi sana itong harang sa pagitan ng nila at ng papalapit na mga pulis. Sa puntong iyon, sumusugod na ang SWAT lagpas Morayta, papuntang Quezon Boulevard bitbit ang matataas na kalibre ng baril na dahilan para kumaripas paalis ang mga manininda at iba pang naroon.

Sumubok makahablot ng isa pang motorsiklo ang isa sa mga nagprotesta na menor de edad pa. Baka para sunugin ito tulad ng ginawa ng iba. Sa bidyo ng isang saksi, may malaking lalaki na nakadilaw ang humabol sa bata at tinaga ito.

Kalaunan, may post na sa Facebook page na Police-Big Brother ang gumamit doon sa video ng pagsaksak at dinugtungan ng interbyu kay Police Lt. Col. Arwen Nacional, commander ng Barbosa Police Station, Station 14 ng Manila Police District (MPD). Sabi ni Nacional, na nagpakilala bilang “ground commander” ng operasyon sa Mendiola, nakatanggap sila no’ng gabing iyon ng tawag mula sa security guard ng Jose R. Reyes Memorial Medical Center sa Sta. Cruz, Maynila. May isinugod daw doon na menor de edad na nasaksak at namatay na.

“Kinabukasan, nakakita kami ng bidyo ng aktuwal na pananaksak,” sabi ni Nacional. “Nakilala [‘yong nanaksak] ngayon ng kapulisan natin kasi lagi siya nakatambay sa area na ‘yon, sa Access [Computer College, building na katabi ng Hotel Sogo] sa kanto ng Recto at Quezon Boulevard. Nakilala siya tapos nakontak ‘yong kamag-anak. Ngayon, napag-usapan na mag-voluntary surrender.” Sa parehong bidyo, sinabi na may-ari raw ng maliit na business doon sa lugar ang nanaksak. 

Kinumpirma kinabukasan ng Jose R. Reyes Memorial Medical Center na may isinugod na pasyente roon na may stab wound na namatay sa gabi ng Set. 21. Nasa 48 katao na sugatan mula sa Mendiola ang dinala doon.

NASAWI SA GULO SA MENDIOLA Iniulat ng Department of Health (DOH) na isang lalaki ang kumpirmadong nasawi matapos…

Posted by News5 on Sunday, September 21, 2025

Sa gabing iyon at sumunod na araw, bumuhos ang malulungkot na post at tribute sa Facebook mula sa mga kaibigan ng namatay na menor de edad, na kumpirmadong mula sa Taguig City. May isa na nag-post ng black-and-white na retrato ng biktima, nakatago ang mukha, at may medical report sa dibdib.

Bago mailabas itong report, nagkaroon ng press conference si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, pasado 11 ng umaga noong Set. 24. Ipinakita niya sa midya si Richard Francisco, 52, technician ng mga relo.

Sabi ni Domagoso, pinoprotektahan lang ni Francisco ang ari-arian at kabuhay niya nopng gumamit siya ng “case knife” (pambukas ng mga relo, sabi ng alkalde) para tagain ang menor de edad. Tugma ang sinabi niya sa pahayag ni Nacional na matapos ipadala ang bidyo sa MPD, nahanap agad ang suspek at isinurender sa pulisya.

Samantala, lalo pang tumitindi ang kaguluhan sa Hotel Sogo noong gabing iyon ng Set. 21. Sa bidyo ng mga saksi, mapapanood ang dalawang lalaking nakasibilyan pero mukhang police operatives, may bitbit na mga baril pagsugod sa hotel. My isa pang bidyo ng isang SWAT officer na may hindi binibitawang lalaki—baka kasama sa protesta o napadaan lang—habang nanunutok ng baril sa iba, na parang ginagamit ang sibilyan bilang human shield.

May iba pang mga kuha na nagpapakita na hinabol ng mga nagpoprotesta ang pulis, tapos nagbasag at nanugod sa lobby. Nagkabatuhan pa raw ng molotov sa loob. Noong gabing iyon, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa midya na nagnakaw umano ng pera mula sa Sogo ang mga nagpoprotesta.

Lamang sa panangga at armas ang pulisya, kaya nakuha nila kalaunan ang kontrol sa hotel. Arestado at bugbog-sarado ang mga kalahok sa protesta.

May nakausap ang Altermidya na empleyado ng isang restawran malapit sa Hotel Sogo. Pinili niyang hindi isama sa ulat ang kanyang pangalan at ang pangalan ng restawran para sa kanyang seguridad, pero naninindigan siya sa kanyang nakita. “Parang giyera,” sabi niya. Nakaposisyon sa harap ng Sogo ang mga SWAT officer na itinututok ang mga long rifle nila sa kalsada.

May manipis na island na may iilang halaman ang humahati sa kalsada ng Recto. Nakita ng empleyado na nagpaputok ang armadong mga officer sa kabilang direksiyon. Nakita niyang may natamaan sa leeg. “Ligaw na bala,” sabi niya.

Kumalat kalaunan ang mga bidyo ng isang lalaki na may bigote, nakasuot ng pulang t-shirt, naglalakad sa Recto katapat ng Hotel Sogo bago biglang humandusay. Sumugod ang mga nagpoprotesta at iba pa para kargahin siya papunta sa sidewalk. Sa ilang bidyo, makikita na duguan siya dahil sa tama sa leeg. May mga kuha rin ng dugo sa kongkreto at sa island.

Sumunod na araw, inutos ni Domagoso ang agad na pagpintura at paglilinis sa Recto. Natakpan ang butas na galing sa bala. Sa inspeksiyon ng Altermidya, nakumpirma na mayroon ngang iniwan na bakas ang bala.

Pagdating ng Set. 24, sa press conference para ipakita sa publiko ang suspek sa pananaksak na si Francisco, tinanong ng midya si Domagoso tungkol sa balita na may kinuyog na nagpoprotesta ang mga pulis at mga empleyado ng Sogo, pati na ang napabalitang mga namatay dahil sa “riot.” Wala raw siyang natanggap na ulat.

“Ang una naming ginagawa kapag nakakakuha ng ganyang report, tinitingnan ang mga morgue at mga ospital. Walang mga report,” dagdag niya.

Pero sinabi sa Altermidya ng ilang taga-Jose R. Reyes Memorial Medical Center na may tinanggap silang biktima ng pamamaril noong gabi ng Set. 21, may tama sa leeg, at namatay Set. 23 dahil sa mga komplikasyong dala ng gunshot wound. Hindi pa kinumpirma ng ospital kung may nilunasan silang nagpoprotesta na may tama ng bala.

Nakita naman ng Altermidya sa ilang post sa Facebook tungkol sa parehong biktima, edad 35, at residente pala mula Paracale, Camarines Norte. Binaril noong kasagsagan ng mga protesta sa Mendiola, Set. 21. Sabi pa sa isang Facebook post, dinala ang biktima sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center bilang isa sa mga casualty sa rally noong Set. 21. Wala raw kamag-anak ang nakapunta sa kanya. Tanging staff lang ng ospital ang naroon.

Isa pang menor de edad na nagprotesta ang kita sa isang bidyo na kinakaladkad ng pulis paakyat ng Sogo. Pagpasok, agad siyang binugbog ng dalawang lalaking empleyado ng hotel. Sumisigaw pa ang bata ng “Ayoko na po!” Maya-maya, kinaladkad pababa ang biktima. Doon nagtapos ang bidyo.

Ito ang tinukoy ng midya nang tanungin si Domagoso sa press conference noong Set. 24. Sabi niya, hindi niya nabalitaan. Magpasa raw ng pormal na reklamo ang magulang.

Set. 23, inanunsiyo ng DILG na inaresto sa Mendiola ang 216 katao, kabilang ang 103 na menor de edad. Inulit nila na walang ginamit na tear gas. Wala rin daw pamamaril, kahit pa may mga bidyo na dinig ang ilang putok malapit sa Sogo. Tinawag ng Malacañang na “thugs” at batang hamog ang mga kabataang nagprotesta. Ayon naman kay Domagoso, baka pinondohan sila ng isang “Filipino-Chinese ex-politician at lawyer” nang wala pang naipapakitang ebidensiya.

Kinabukasan, sa isang press briefing sa Presidential Communications Office, itinanggi ni Remulla ang lahat. Sa Ingles, sabi niya: “Gusto kong purihin ang PNP sa kanilang performance. Sumunod sila sa batas. Sumunod sila sa instructions. Gusto ko pabulaanan lahat ng bali-balita na may namatay, na may patayan. Zero casualties. Inuulit ko, zero casualties. Fake news ang kumakalat sa social media. Pero may ilang nasaktan. Wala naman sa mga nagprotesta ang malubhang nasaktan. Inuulit ko, wala. Walang tear gas na ginamit ang PNP.”

Lahat ng ikinaila ni Remulla—paggamit ng tear gas, karahasan ng pulisya sa nagprotesta, pagkamatay—kontra sa ebidensiya. Kontra ito sa bidyo ng mga sibilyan at sa kuwento ng mga nakasaksi sa kaguluhan. Kahit ang Jose R. Reyes Memorial Medical Center na pasilidad ng gobyerno, kinumpirma na may kabataang nagprotesta ang namatay sa pananaksak. May iba pang mula sa ospital ang nagsabi na may namatay rin sa pamamaril.

Posibleng manaliksik mismo ang mga tao dahil nariyan ang social media at mga kuha mula sa cellphone camera ng mga saksi at mga kalahok. Napakahalaga ng impormasyon mula dito, para mapunan ang puwang na hindi nakukumpleto o hinaharangan sa propesyonal na midya.

Samantala, sa sunod na dalawang araw matapos ang kaguluhan, tila nagkaroon ng estasyon sa tapat ng punong himpilan ng MPD ang mga boluntir na abogado kasama ang kaanak ng mga inaresto. Humahagupit noon ang hangin at malakas na buhos ng ulan na dala ng Bagyong Nando pero naroon sila para lang masilayan ang mga mahal sa buhay.

Sa ikalawang araw, inanunsiyo ng isang social worker gamit ang megaphone: dadalhin sa pasilidad ng Department of Social Welfare and Development ang lahat ng nagprotesta na edad 14 at pababa, habang lahat ng edad 15 at pataas ang mahaharap sa mga reklamo.

Makasaysayan ang Set. 21, 2025 dahil sa daang libong tumungo sa kalsada para magprotesta laban sa sistemikong korupsiyon. At dahil rin sa muling paggamit ng sstado ng mapandahas na kamay na bakal laban sa kabataang Pilipino, muli, dumanak ang dugo sa Mendiola. /May ulat nina Neil Ambion, Avon Ang, Jaja Necosia, Adrian Puse at Chantal Eco. Salin mula sa Ingles ni Andrea Jobelle Adan.

*Unang nailathala sa Altermidya noong Set. 24, 2025.