Main Story

Pakana para palayain si Duterte, ‘di uubra


Hindi uubra ang mga pakanang house arrest, interim release at kabi-kabilang disimpormasyon ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court at sa mga kaanak ng kanyang mga biktima.

Kinondena ng mga pamilya ng biktima ng mga extrajudicial killing (EJK) ang ipinasang resolusyon ng Senado na nananawagan sa International Criminal Court (ICC) na isailalim sa house arrest si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa Hustisya, samahan ng mga kaanak ng mga biktima ng EJK, patunay ang resolusyon na mas pinapanigan ng mga institusyon sa bansa ang mga may sala kaysa mga biktima.

“Pinoprotektahan ng mga magnanakaw ang kapwa nila. Sinasanggahan ng mga mamamatay tao ang isa’t isa,” sabi ni VJ Topacio, national board member ng Hustisya.

Sa ipinasang Senate Resolution 144 noong Okt. 1, sinasabing dapat i-house arrest na lang si Duterte dahil matanda at lumalala na ang kalusugan nito, at hindi makakabuti ang patuloy na pagkakakulong.

Para kay ICC Assistant to Counsel Maria Kristina Conti, wala rin namang silbi ang naturang resolusyon dahil wala namang papel ang Senado ng Pilipinas sa proseso ng ICC. Hindi rin malinaw kung paano ipapaabot ang resolusyon sa ICC.

“Maliban na lang kung may direktang kaalaman ang Senado sa pisikal at mental na kalagayan ni Rodrigo Duterte at maipadala ang ulat nila sa ICC sa tamang daluyan, magiging pampolitikang ingay lang ang resolusyon ng Senado,” sabi ni Conti sa kanyang Facebook post.

Ipinahayag ni International Criminal Court Assistant to Counsel Maria Kristina Conti na gumaan ang loob ng mga kaanak ng mga biktima ng pamamaslang sa pagbabasura ng korte sa The Hague, The Netherlands sa hiling na pansamantalang pagpapalaya sa berdugong si Rodrigo Duterte. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Bumoto ang 15 senador pabor sa pagpasa ng resolusyon kabilang ang mga alyado ni Duterte sa minorya at maging mga senador na alyado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mayorya.

“Malinaw na ipinapakita ng suporta ng Senado na pambansa ang impluwensiya [ng mga Duterte], kaya ang pagpapauwi sa kanya sa bansa ay patuloy na tututulan ng mga biktima at ng prosekusyon, at magiging malabong mangyari,” ani Conti.

Isa si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa nagsulong ng resolusyon. Nauna nang pinangalangan ang senador bilang kasama sa mga iimbestigahan ng ICC sa mga krimen laban sa sangkatauhan ni Duterte.

Ikinasuklam ni Dahlia Cuartero, ina ni Jesus Cuartero na biktima ng pagpatay sa war on drugs noong 2016, ang aniya’y paggamit ni dela Rosa sa buong Senado para protektahan ang kaalyado.

“Sobrang kawalang-hiyaan naman ni Senador Bato para pangunahan ang resolusyon ng house arrest. Hindi sila nagsisilbi sa mga tao, mga pansariling interes at position lang nila ‘yong gusto nilang alagaan,” aniya.

Nakasanayan nang gamitin sa Pilipinas ang house arrest para makaiwas sa pagkakakulong ang mga kinakasuhang matataas na opisyal ng gobyerno.

Mahigpit naman ang panuntunan ng ICC sa house arrest bilang porma ng pansamantalang paglaya o interim release, sa batayang makatao at pangkalusugan. Pero hindi ito puwedeng basta igawad batay sa resolusyon. Dagdag pa na kumalas na sa ICC ang bansa noong administrasyong Duterte.

“Ang resolusyong ito ay hindi tungkol sa katarungan. Imbis na pananagutan, pinili ng Senado ang pagtatatwa. Imbes na katotohanan, pinili nito ang kataksilan,” sabi ni Topacio.

Sa isang pahayag, sinabi ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na kasabwat ang mga senador na bumoto para sa house arrest sa “malisyosong pagtatangka” ng kampo ni Duterte na magpakalat ng disimpormasyon para maipagpaliban ang paglilitis ng ICC.

Ipinasa ng Senado ang resolusyon kasunod ng muling paghiling ng kampo ni Duterte sa ICC para sa kanyang pansamantalang paglaya. Ito’y habang tinutukoy pa umano ng korte kung kaya ng kalusugan ng dating pangulo na humarap sa paglilitis.

Ipinagpaliban ng ICC Pre-Trial Chamber I ang naunang itinakdang confirmation of charges o pagkumpirma sa mga isinampang kaso kay Duterte na nakatakdang magsimula noong Set. 23 dahil sa hiling ng kanyang abogado.

Nangangamba naman ang mga pamilya ng mga biktima ng war on drugs ni Duterte para sa kanilang kaligtasan kung sakaling pansamantalang makalaya ang dating pangulo.

“Mariin kong tinututulan ang hiling na interim release ni Duterte mula sa ICC detention facility. Habang kami ay patuloy na naghahanap ng hustisya, kung siya ay palalayain, lalo lang kaming matatakot dahil malinaw na may kapangyarihan at impluwensiya pa rin ang kanilang pamilya,” ani Cuartero.

Sabi ni Nicholas Kaufman, abogado ni Duterte, may “cognitive impairment” o nag-uulyanin na ang tumatandang dating pangulo. Apektado aniya nito ang mga proseso sa paghahanda ng depensa at mahihirapan na ituloy pa ang paglilitis.

Nagsumite ang kampo ni Duterte ng mga medical record sa ICC para patunayan ang problema nito sa pag-iisip. Pero ayon naman sa bunsong anak niyang si Kitty Duterte, walang dapat ipag-alala dahil malakas pa ang kanyang ama para sa edad nitong 80. 

“Ano ba talaga? ‘Di man lang nga sila magkaisa sa sarili nilang kuwento,” ani Llore Pasco, ina ng dalawang biktima ng EJK sa panahon ni Duterte.

Duda siya at ang iba pang mga pamilya ng mga pinaslang sa ipinasang mga medical record sa ICC.

Si Llore Pasco, ina ng dalawang biktima ng pamamaslang sa ilalim ng giyera kontra droga ni Rodrigo Duterte. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

“Pinili ng depensa ang mga doktor na titingin kay Duterte. Wala kaming tiwala sa kanilang pagsusuri,” pahayag ng Rise Up for Life and for Rights (Rise Up).

Kinondena naman sa isang pahayag ng higit 50 lider ng mga bantay-karapatang pantao, abogado, mambabatas at mamamahayag ang pagpapakalat ng disimpormasyon ni Kaufman. Hiniling nila sa ICC na disiplinahin ang abogado ni Duterte dahil sa pambabaluktot nito sa katotohanan sa harap ng korte nang dalawang beses para sa aplikasyon nito ng interim release. 

Makakasama anila ang mga maling gawain ni Kaufman sa kompiyansa ng mga Pinoy sa korte at nakakabawas sa tiwala ng mga biktima sa kakayahan ng proseso ng ICC na magbigay ng katotohanan at pananagutan.

Itinuro naman ni Pasco si Pangalawang Pangulong Sara Duterte bilang pasimuno ng pagsisinungaling gamit ang kanyang opisina.

“Kaming mga nanay ay hindi mapapagod magpahayag na panagutin si Duterte sa kanyang krimen. Huwag na sanang pakinggan ng ICC ang sinasabi ng kampo ni Duterte. Matagal na naming hinihintay ang hustisya,” ani Pasco.

Para sa Rise Up, sinasamantala lang ng kampo ni Duterte ang iba’t ibang legal na remedyo para hindi matuloy ang paglilitis. Kabilang na anila ang pagkuwestiyon sa jurisdiction o saklaw ng kapangyarihan ng ICC sa Pilipinas, hanggang sa paghiling ng indefinite adjournement o walang taning na pagsasara ng paglilitis.

Nanawagan ang grupo na ituloy na ng ICC ang confirmation of charges dahil hindi naman kailangang dumalo doon si  Duterte, bilang isang proseso pa lang ito bago ang aktuwal na paglilitis.

“Ang tunay na katarungan para sa aming mga pamilya ng biktima ay hindi ang pagbibigay-laya sa may pananagutan sa malawakang pagpaslang sa aming mga mahal sa buhay,” sabi ni Cuartero.

Bagaman hindi natuloy ang confirmation of charges, isinapubliko na ng ICC Office of the Prosecutor noong Set. 22 ang mga isasampang kaso na crimes against humanity o krimen laban sa sangkatauhan laban kay Duterte para sa mga pagpatay kaugnay ng kanyang giyera kontra droga.

Kabilang sa mga kasong crimes against humanity ni Duterte ang tatlong ulit (three counts) ng murder kaugnay ng 19 biktima sa Davao City noong siya pa ang alkalde ng lungsod mula 2013 hanggang 2016, 14 biktima sa ilalim ng operasyon para tugisin ang “high-value targets” mula 2016 hanggang 2017 sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas, at 45 biktima (43 na murder at dalawang attempted murder) sa ilalim ng barangay clearance operations mula 2016 hanggang 2018 sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.

Paliwanag ni Conti, maaaring estratehiya ng prosekusyon ang pagtukoy sa maliit na bilang lang ng mga napatay, pero kapinsalaan naman ito sa mga biktima ng malawakang pagpatay at iba pang krimen ni Duterte.

“Hindi ito ang gusto ng mga biktima, siyempre. Ipaaabot namin ang mga pananaw at agam-agam ng mga biktima sa tamang proseso at panahon,” ani Conti.

Pagkilos para sa katarungan sa labas ng Ateneo de Manila University sa Quezon City noong Mar. 11, 2025 matapos arestuhin si Rodrigo Duterte sa Ninoy Aquino International Airport. Deo Montesclaros/Pinoy Weekly File Photo

Tinukoy lang sa detalye ng kaso ang mga biktima ng pagpatay mula 2013, noong alkalde si Duterte ng Davao City, hanggang 2018, sa pagkapangulo niya ng bansa hanggang bago niya itiwalag sa ICC ang Pilipinas.

“Tiningnan namin ang ICC bilang pinakahuling korte na malalapitan. Matagal na kaming naghihintay at nagdurusa. Hindi kami [puwedeng sumuko] at hindi kami susuko,” sabi naman ni Pasco.

Tinataya ng mga bantay-karapatang pantao na lampas 30,000 ang mga pinatay sa mga operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa buong bansa mula nang naupong pangulo si Duterte hanggang 2022.

“Ano’t ano pa man, malinaw pa rin para sa mga biktima na higit na mas marami ang bilang nila, at mas maraming klase ng krimen ang ginawa ni Duterte. Dapat pa rin syang manatili sa ICC detention facility dahil banta sya sa seguridad ng mas nakararami,” sabi ni Conti.