22 Palestinian short film, ipapalabas sa UPLB


Ipapalabas ang koleksiyon ng mga Palestinian short film bilang pangwakas sa Pelikultura: The Calabarzon Film Festival sa darating na Nob. 7 sa CAS Auditorium sa University of the Philippines Los Baños sa Laguna.

Mula sa suporta ng Embassy of the State of Palestine in the Philippines, ipapalabas ang “From Ground Zero: The Untold Stories Of Gaza,” koleksiyon ng mga Palestinian short film bilang pangwakas sa Pelikultura: The Calabarzon Film Festival sa darating na Nob. 7 sa CAS Auditorium sa University of the Philippines Los Baños.

Binubuo ang koleksiyon ng 22 maikling pelikula, kabilang ang mga dokumentaryo, fiction, animation at experimental na pelikula tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng mga Palestino sa Gaza Strip sa gitna ng henosidyo ng Israel.

Unang ipinalabas ang From Ground Zero sa 5th Amman International Festival sa Jordan noong Hul. 5, 2024 at nagkaroon ng North American premiere sa 49th Toronto International Film Festival (TIFF) sa Canada noong Set. 9 2024 bilang bahagi ng TIFF Docs. 

Napili rin ito bilang Palestinian entry para sa Best International Feature Film sa 97th Academy Awards at na-shortlist noong Disyembre 2024.

Kabilang sa mga ipalalabas ang “Selfie” ni Reema Mahmoud, “No Signal” ni Muhammad Alshareef, “Sorry Cinema” ni Ahmad Hassouna, “Flash Back” ni Islam Al Zrieai, “Echo” ni Mustafa Kallab, “Everything Is Fine” ni Nidal Damo, “Soft Skin” ni Khamees Masharawi, “The Teacher” ni Tamer Najm, “Charm” ni Basharm Al-Balbeisi, “A School Day” ni Ahmed Al-Danf, “Overburden” ni Ala’a Ayob, “Hell’s Heaven,” ni Kareem Satoum, at “24 Hours” ni Alaa Damo. 

Kasama rin sa line up ang “Jad and Natalie” ni Aws Al-Banna, “Recycline” ni Rabab Khamees, “Taxi Waneesa” ni E’temad Weshah, “Offerings” ni Mustafa Al-Nabih, “No” ni Hana Awad, “Farah and Mirayim” ni Wissam Moussa, “Fragments” ni Basil Al-Maqousi, “Out of Frame” ni Nidaa Abu-Hasna, at “Awakening” ni Mahdi Karirah.

Itinatag ng direktor na si Rashid Masharawi ang Masharawi Fund for Cinema and Filmmakers in Gaza sa layuning suportahan ang mga batang Palestinong filmmaker na nais magpahayag ng sarili at magbahagi ng kanilang mga kuwento sa pamamagitan ng pelikula.

Mapupunta naman ang lahat ng kikitain sa screening sa mga organisasyong nagdadala ng kinakailangang suporta sa sa mga Palestino sa Gaza.

Sa pinakahuling tala ng Palestinian Ministry of Health, hindi bababa sa 67,000 na Palestino ang patay mula nang magsimula ang pag-atake ng Israel noong 2023. Libo-libong iba pa ang nananatili sa ilalim ng gumuhong mga gusali.

Ibig sabihin, humigit-kumulang isa sa bawat 33 Palestino ang napatay o 3% ng populasyon. Hindi bababa sa 20,000 bata ang kabilang sa mga nasawi o isang bata kada oras sa nakalipas na 24 na buwan.

Ayon sa mga awtoridad, ang bilang ng mga namatay ay batay lang sa mga taong dinala sa mga ospital o opisyal na naitala. Malamang na mas mas mataas ang tunay na bilang dahil hindi pa naitatala ang mga nasawi mga durog na gusali o nawawala.