Ang gubat ay hindi namamatay
Noong Nob. 15, 2010, pinaslang ng militar si Leonard Co at mga kasamang forest guard at guide sa kagubatan ng Kananga, Leyte habang nagsasagawa ng pananaliksik para sa isang reforestation project
Sa gitna ng mga puno sa Institute of Biology sa University of the Philippines (UP) Diliman nitong Nob. 15, tila naramdaman muli ang presensiya ng isang higanteng nawala sa atin 15 taon na ang nakararaan.
Hindi dahil sa multo, kundi dahil sa muling paglitaw ng libo-libong mga larawan na inakala ng marami ay tuluyan nang nilamon ng panahon at kalawang.
Ang pagtitipong tinawag na “Bayani Ko” ay hindi lang paggunita sa ika-15 anibersaryo ng pagpaslang kay Leonard Co—ang tinaguriang “People’s Botanist” at marahil ay ang pinakamahusay na plant taxonomist ng kanyang henerasyon. Ito’y isang pagdiriwang ng tagumpay ng alaala laban sa paglimot.

Noong Nob. 15, 2010, pinaslang si Co, kasama ang forest guard na si Sofronio Cortez at magsasakang guide na si Julius Borromeo, sa kagubatan ng Kananga, Leyte.
Habang nagsasagawa ng pananaliksik para sa isang reforestation project, pinaulanan sila ng bala ng mga elemento ng 19th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Ang palusot ng militar: crossfire daw laban sa New People’s Army, isang kasinungalingang agad pinabulaanan ng mga nakaligtas at ng mga ebidensiya sa lugar.
Ngunit sa halip na manatili sa madilim na kabanatang iyon, ang pagtitipon ngayong taon ay nagdala ng liwanag.
Inilunsad ng Constantino Foundation at Green Convergence ang nasa 4,000 “rescued photos” mula sa isang lumang hard drive na ipinagkatiwala ni Leonard sa kanyang kaibigang si Imelda Sarmiento bago siya mamatay.
Sa loob ng mahabang panahon, inakalang sira na ang mga files dahil sa amag at kalawang, ngunit sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya, muling nasilayan ang mundo sa mata ni Leonard Co.
Puso sa Kordilyera
Bago pa man siya kilalanin bilang haligi ng botanika sa bansa, hinubog muna si Co ng matarik na daan at payak na pamumuhay sa Kordilyera.
Hindi lang siya nakakulong sa laboratoryo. Noong dekada ’80, nagsilbi siya bilang staff ng Community Health Education, Services and Training in the Cordillera Region (Chestcore).
Sa panahong ito, nilakbay niya ang matatarik na bundok at mababatong kalsada upang abutin ang mga komunidad sa Mountain Province, Ifugao, Benguet, Abra at Kalinga—mga lugar na kadalasang salat sa serbisyo ng gobyerno.
Dito niya pinatunayan na siya ay isang tunay na siyentista ng masa. Sa panahon kung saan ang katutubong panggagamot ay minamaliit ng gobyerno at tinataguriang pamahiin lamang pabor sa komersiyalisadong medisina, itinaas ni Co ang antas ng siyentipikong pagkilala sa bisa ng mga halamang gamot.
Hindi malilimutan sa kanyang mga paglalakbay ang ugnayan nila ni Ama Domin-eng, isang mannakem o elder ng mga Igorot mula sa Aguid, Sagada. Bagaman hindi nakapag-aral sa pormal na paaralan, si Ama Domin-eng ang nagsilbing gabay at katuwang ni Co.

Ayon sa mga kuwento, walang humpay ang kanilang palitan ng kuro-kuro—isang estudyante at guro sa isa’t isa—habang humihigop ng walang katapusang tasa ng kape matapos ang maghapong paghahanap ng halaman.
Tinuruan rin ni Co ang mga health worker sa paggamit ng mga halamang gamot at acupuncture. Matiyaga siyang nakipagkuwentuhan sa mga matatanda at katutubong manggagamot, inaral ang kanilang kultura, at sininop ang kanilang kolektibong kaalaman.
Ang bunga nito’y ang librong “Common Medicinal Plants of the Cordillera Region” na nagsilbing bibliya ng mga health worker sa kabundukan.
Ayon sa mga naging kasamahan niya sa Chestcore, ang librong ito ay inalay niya sa alaala ng mga martir na health workers na nauna sa kanya. Isa itong mahalagang ambag hindi lamang sa rehiyon kundi pati sa internasyunal na larangan—isang database na sumasalungat sa “profit-driven” na sistema ng kalusugan.
Ayon kay Propesor Erlinda Palaganas ng UP Baguio, maihahalintulad si Co kay Oble (Oblation) ng UP. “Pinili niya ang serbisyo sa bayan kaysa sa komportableng buhay,” aniya.
‘Bok, kumusta?’
Sa Baguio, higit pa sa siyentista ang pagkakakilala sa kanya. Siya si Leonard na mahilig magluto, kuwela at “cowboy” kasama.
Sariwa pa sa alaala ni Propesor Willy Alangui, matalik na kaibigan ni Co at guro sa UP Baguio, ang kanilang kabataan. Madalas makita noon si Co na naglalakad sa Session Road, suot ang kanyang signature na maluwag na pantalon at naglalakihang salamin, habang kumakanta ng “Bella Ciao” sa wikang Filipino, na tila sundalong nagmamartsa.
Naalala ni Alangui ang mga gabing tumatambay sila sa bahay ni Co sa Marcos Highway. Doon, ipinatikim sa kanila ni Co ang husay sa pagluluto ng Chinese food at pagpapakilala sa century egg. Minsan pa silang umakyat sa Mt. Sto. Tomas para lang panoorin ang paglubog ng araw nang tahimik.
Kahit nang maging tanyag na siya at lumipat sa Maynila, nanatili ang koneksiyon niya sa Kordilyera. Tumulong siya sa pagpapayaman ng herbarium ng UP Baguio, at ang kaniyang legasiya ay dumulo sa pagtatayo ng Native Plants Committee para itaguyod ang mga katutubong halaman laban sa mga invasive species.
Ang tao sa likod ng siyentista
Para sa marami, si Co ay ang henyong nakatuklas ng walong bagong species ng halaman at may higit dosenang halaman at hayop na ipinangalan sa kanya—gaya ng Rafflesia leonardi. Ngunit para sa kanyang pamilya at mga kaibigan, siya’y si Leonard na puno ng pagmamahal.
“Ang nami-miss ko talaga ay ‘yong pagluluto niya, [pati na] ‘yong mga walang katapusang kuwento niya tungkol sa field,” pagbabalik-tanaw ng biyudang si Glenda Flores-Co, habang pinipigil ang luha. Aniya, sa bawat kuwento ni Leonard tungkol sa kanyang fieldwork, laging may pagsambit na sana ay kapiling niya ang kanyang mag-ina.

Sa pamamagitan ng mga nasagip na larawan, tila natupad na rin ang hiling na iyon ni Co. Nakita ng publiko ang ganda ng kagubatang kanyang minahal at ipinaglaban.
Naging aktibista si Co noong panahon ng batas militar at sumulat sa ilalim ng pen name na “Siling Labuyo” sa diyaryo ng Philippine Chinese High School.
Ayon sa yumaong malapit na kaibigan at dating direktor ng UP Institute of Biology na si Perry Ong, ang aktibismong ito ang nagtulak kay Co na gamitin ang kanyang galing para sa karaniwang mamamayan.
“Hindi siya nakuntento sa apat na sulok ng unibersidad,” ani Ong sa isang lumang panayam na muling binuhay sa exhibit.
Mabagal na usad ng hustisya
Sa kabila ng mainit na paggunita, hindi maikakaila ang mapait na katotohanang 15 taon na ang lumipas ngunit mailap pa rin ang hustisya.
Reckless imprudence resulting to multiple homicide ang kasong isinampa laban sa siyam na sundalo sa halip na murder.
Ayon kay Flores-Co, tapos na ang presentasyon ng parehong prosekusyon at depensa. Hinihintay na lang nila ang hatol mula sa Kananga Municipal Trial Court.
Ang bagal ng usad ng hustisya ay tila repleksiyon ng kung paano tratuhin ng estado ang mga tanggol-kalikasan sa bansa.
Ayon sa mga grupong makakalikasan, ang Pilipinas ay nananatiling isa sa pinakamapanganib na bansa para sa mga tanggol-kalikasan.
Namatay man ang puno
Sa pagtatapos ng programa, inanunsiyo ang paggawa ng bust ni Leonard Co ng kilalang iskultor na si Toym Imao. Nagkaroon din ng lecture series noong Nob. 21 at maglulunsad naman ng isang librong pambata sa Disyembre tungkol sa kanyang buhay.
Ang 4,000 na larawan na “sinagip” mula sa kalawang ay ilalagay sa UP Data Commons para magamit ng libre ng sinumang estudyante at mananaliksik.
Ayon kay Red Constantino ng Constantino Foundation, ito ang huling regalo ni Co sa bayan.
Ngunit higit sa mga larawan at estatwa, ang tunay na pamana ni Leonard ay ang hamon na ipagpatuloy ang laban. Si Leonard ay itinuturing na isang tunay na “maingel”—isang mandirigma ng mga Ilokano—sa kanyang walang pag-iimbot na pagtatanggol sa karapatan ng mamamayan sa kalusugan at kalikasan.
Labinlimang taon matapos ang mga putok ng baril na umalingawngaw sa Kananga, ang pangalan ni Leonard Co ay hindi naging simbolo ng takot.
Sa halip, ito’y naging simbolo ng pagmamahal sa bayan at sa kalikasan na yumayabong, namumulaklak at hindi kayang patayin ng bala.
Namatay siyang may hawak na halaman, hindi baril. Ngunit ang kanyang alaala ay nananatiling mapanganib sa mga nagnanais na wasakin ang ating kalikasan at karapatan.
Hindi pa tapos ang kanyang fieldwork. Ipinagpapatuloy ito ng mamamayang lumalaban para sa kalikasan, kalusugan at karapatan.