Repleksiyon

Hindi kalamidad ang kalaban, kundi kasakiman


Ang tunay na kalaban ay hindi ang ulan o bagyo—kundi ang mga taong nagkamal ng yaman habang winawasak ang ating mga tahanan at kinabukasan.

Marami na ang nagsalita, marami na rin ang nadismaya sa patuloy na epekto ng mga flood control project, quarrying, mining at iba pang mapanirang proyekto sa ating bayan.

Sa bawat bagyong dumarating, muli tayong nagbibilang ng mga patay, nawawalan ng kabuhayan at mga pamilyang nangangailangan ng relief at rehabilitation. Ngunit hanggang kailan tayo magtitiis sa ganitong paulit-ulit na siklo?

Hindi ito likas na trahedya—ito ay gawa ng tao, bunga ng mga desisyong inuuna ang tubo kaysa buhay. Ang mga proyektong naglalayong “pigilin ang baha” ay siya mismong nagiging sanhi ng pagkasira ng ating mga ilog, bundok at kapaligiran. Sa ngalan ng “kaunlaran,” sinira ang likas na depensa ng kalikasan laban sa sakuna.

Tama lamang ang sigaw naming mga makabayang mamamayan at aktibista mula sa iba’t ibang sektor na “Scrap Mining Act of 1995!”—isang batas na nagbukas ng pinto sa pagsasamantala ng mga dayuhang korporasyon at sa pagkakamal ng yaman ng iilang nasa kapangyarihan.

Dapat panagutin ang lahat ng sangkot sa mga mapanirang flood control project—mula sa mga kontraktor at lokal na opisyal, hanggang sa presidente mismo.

Sa ilalim ng rehimeng Duterte hanggang sa kasalukuyang administrasyon ni Marcos Jr., nagpapatuloy ang sistemang pinapaboran ang iilan habang nagdurusa ang nakararami. Kapag kami ay nagsalita, tinawag ninyo kaming terorista, rebelde o kalaban ng estado.

Ngunit ngayon, kayo na mismo ang nakararanas ng pinsalang dulot ng kanilang kapabayaan. Hanggang kailan natin ipipikit ang ating mga mata? Hihintayin pa ba natin na tayo, o ang ating mga mahal sa buhay, ang isunod sa listahan ng mga nasawi?

Ipanawagan natin ang pagtigil ng lahat ng mapanirang proyekto sa ngalan ng “development.” Ipaglaban natin ang pangangalaga sa kalikasan bilang karapatan ng bawat Pilipino.

Manawagan tayo ng pananagutan mula sa baba hanggang taas ng pamahalaan. Magsama-sama tayong mga mamamayan, simbahan, kabataan, at mamamahayag upang labanan ang kasakiman at katiwalian.

Dahil ang tunay na kalaban ay hindi ang ulan o bagyo—kundi ang mga taong nagkamal ng yaman habang winawasak ang ating mga tahanan at kinabukasan.