Repleksiyon

Hamon laban sa mapang-aping kapangyarihan

Paano natin huhugasan ang paa ng ating kapwa ngayon?

Hindi simpleng kababaang-loob ang ipinakita ni Hesus nang hugasan Niya ang paa ng Kanyang mga alagad. Isa itong tahasang pagwasak sa umiiral na kaayusang panlipunan, isang sistemang nakabatay sa kapangyarihan, pribilehiyo at pagsasamantala.

Sa lipunang hinati ng imperyo, kung saan ang mahihirap ay itinuturing na mababa at ang mga makapangyarihan ay itinatanghal, pinili ni Hesus na pumwesto sa hanay ng mga alipin.

Ang paghuhugas ng paa ay isang political act—isang deklarasyon na ang tunay na lider ay hindi naghahari kundi naglilingkod, at ang tunay na kaharian ay hindi itinayo sa dahas kundi sa pakikipagkapwa at katarungan.

Sa konteksto natin ngayon sa Pilipinas, malinaw ang hamon. Habang ang mga magsasaka ay inaagawan ng lupa, ang mga manggagawa ay binabarat ang sahod at ang mga komunidad ay ginagawang larangan ng militarisasyon, patuloy na umiiral ang isang sistemang nagpapayaman sa iilan at nagpapahirap sa nakararami.

Sa gitna nito, ang paghuhugas ng paa ay hindi lang ritwal ng simbahan, ito ay panawagan ng pakikibaka. Panawagan ito upang hamunin ang mga estruktura ng imperyalismo, piyudalismo at burukratang kapitalismo na patuloy na dumudurog sa bayan.

Ang tunay na paghuhugas ng paa ay ang pakikiisa sa mga magsasaka sa kanilang laban para sa lupa. Ito ay ang pakikibaka kasama ng mga manggagawa para sa makatarungang sahod. Ito ay ang pagtindig laban sa red-tagging, harassment at paglabag sa mga karapatang pantao.

Sa harap ng mga programang ginagamit upang supilin ang paglaban ng mamamayan at patahimikin ang mga kritikal na tinig, ang pagsunod kay Hesus ay nagiging isang mapanganib ngunit makatarungang landas. Sapagkat ang paghuhugas ng paa ay hindi lang kababaang-loob—ito ay pakikipagpanig.

Kung si Hesus ay nasa lupa ngayon, hindi Siya matatagpuan sa hanay ng mga naghahari-harian. Siya ay nasa komunidad ng maralita, kasama ng mga biktima ng karahasan ng estado at nakikibaka para sa hustisya.

Kaya ang hamon: handa ba tayong sundang ang Kanyang halimbawa?

Handa ba tayong yumuko—hindi lamang upang maglingkod—kundi upang makibaka, makiisa at makipaglaban para sa isang lipunang makatarungan?

Ang paghuhugas ng paa ay simula lamang. Ang tunay na pagsunod ay nagtatapos sa pakikibaka para sa paglaya. Siya nawa.