Repleksiyon

Sa lansangan ipinapanganak ang katarungan


Sa panahong ito ng pandarambong at panunupil, ang tawag ng Ebanghelyo ay malinaw: Lumabas sa lansangan, makibaka at manindigan.

May mga Kristiyanong masigasig sa pagsamba, tapat sa panalangin at aktibo sa gawaing pansimbahan, ngunit nananatiling negatibo ang pagtingin sa rally o people’s mobilization. Para sa kanila, ang rally ay magulo, delikado, “makamundo” o hindi raw nararapat sa isang “banal” na mananampalataya.

Mayroon ding mga nagpahayag na progresibo ngunit umiiwas sa kolektibong pagkilos dahil sa init ng araw, pagod o simpleng kaginhawaan—mas pinipili ang malamig na opisina at air-conditioned na espasyo kaysa makipaglakad sa lansangan kasama ang mga maralita at inaapi.

Ang ganitong pananaw ay hindi inosente. Ito’y manipestasyon ng pagkakulong ng pananampalataya sa komportableng espasyo at ng unti-unting paglayo nito sa kongkretong pakikibaka ng sambayanan. Kapag ang pananampalataya ay nananatili lang sa loob ng simbahan at hindi humahantong sa sama-samang pagkilos, ito’y nagiging hungkag—isang relihiyosong aliw na walang kapangyarihang magpalaya.

Ang pagtanggi sa rally ay madalas nakabalot sa moral at espiritwal na wika, ngunit sa ilalim nito’y takot sa abala, takot sa sakripisyo at takot na makisangkot. Ang ganitong saloobin ay nagpapalagay na maaaring maganap ang pagbabago nang hindi ginagalaw ang umiiral na kaayusan.

Ngunit malinaw sa kasaysayan: walang makatarungang pagbabago ang naipanalo nang walang sama-samang pagkilos at pagtindig laban sa mapaniil na kapangyarihan.

Hindi rin maikakaila na ang ganitong pag-iwas ay nagmumula sa pribilehiyo. Hindi lahat ay may opisina. Hindi lahat ay may air con. At lalong hindi lahat ay may kakayahang manahimik. Para sa manggagawa, magsasaka, katutubo, kabataan at maralita, ang rally ay hindi opsiyon—ito’y pangunahing sandata upang ipagtanggol ang buhay, lupa, karapatan at dangal.

Kung walang sama-samang pagkilos, wala sana ang marami sa mga karapatang itinuturing nating “normal” ngayon.

Ang otso oras na araw sa paggawa ay hindi regalo ng mga kapitalista kundi bunga ng militanteng pakikibaka ng uring manggagawa. Ang karapatan sa makatarungan sahod, benepisyo at pag-uunyon ay ipinaglaban sa welga, protesta at lansangan. Ang mga kalayaang sibil at demokratikong espasyo katulad ng karapatang magpahayag, magtipon at tumutol ay bunga ng kolektibong pagkilos laban sa panunupil.

Kamakailan, sinuspinde ang exploration permit ng Woggle Corporation sa Dupax del Norte, Nueva Vizcaya. Isa itong sariwa at kongkretong patunay na kapag nagsanib ang lakas ng mamamayan, simbahan at komunidad, napipigilan ang pandarambong sa kalikasan at lupaing ninuno.

Mahaba pa ang listahan ng mga tagumpay. Ang mga tagumpay na ito’y patunay na ang kasaysayan ay umuusad dahil sa organisado at militanteng pagkilos ng mamamayan, hindi dahil sa tahimik na panalangin lang.

Walang masama sa rally. Ang rally ay hindi sanhi ng kaguluhan—ito’y bunga ng kaguluhan at inhustisya. May nagra-rally dahil may inaapi, may ninanakawan ng lupa, may pinapatay ang kabuhayan at may pinatatahimik ang tinig.

Kung walang mali sa lipunan, walang lalabas sa lansangan. Ang tunay na problema’y hindi ang mga nagra-rally, kundi ang sistemang nagtutulak sa mamamayan na mag-aklas at manindigan.

Malinaw ang paninindigan ng Kasulatan: “Sumigaw ka nang malakas, huwag kang magpigil; ipahayag mo sa aking bayan ang kanilang pagsuway” (Isaias 58:1). Hindi tahimik ang Diyos sa harap ng kasamaan. Ang tunay na kabanalan, ayon sa Isaias, ay ang pagpapalaya sa inaapi at pagbuwag sa mga tanikala ng kasamaan (Isaias 58:6–7).

Si Hesus mismo ay radikal na saksi ng kaharian ng Diyos: Pinalayas Niya ang mga mapagsamantalang mangangalakal sa templo; pinanigan Niya ang mahihirap at itinakwil ang mapagkunwaring kabanalan ng makapangyarihan; at hinarap Niya ang imperyo at relihiyosong elitismo—at dahil dito, Siya’y ipinako sa krus. Ang krus ay patunay na ang tunay na pananampalataya ay laging banta sa mapaniil na kapangyarihan.

Sa huli, malinaw ang hamon: Kanino ka papanig? Sa kaayusang mapaniil o sa sambayanang lumalaban? Sa tahimik na simbahan o sa nag-aalimpuyong lansangan? Sa kaginhawaan o sa katarungan?

Hindi lahat ay hahawak ng megaphone, ngunit walang Kristiyanong dapat manatiling nyutral sa harap ng malinaw na inhustisya. Ang hindi pagkilos ay isang anyo ng pakikiayon. Ang sama-samang pagkilos ay hindi laban sa pananampalataya—ito ang kongkretong pagsasabuhay nito.

Sa panahong ito ng pandarambong at panunupil, ang tawag ng Ebanghelyo ay malinaw: Lumabas sa lansangan, makibaka at manindigan. Sapagkat sa sama-samang pagkilos, ipinapanganak ang katarungan.