Repleksiyon

Anti-Dynasty Bill sa ilalim ng dinastiya


Ang pananampalataya ay hindi panakip sa kapangyarihan, ito ay sandata laban sa pang-aabuso. Ang Diyos ng Bibliya ay laging nasa panig ng naaapi, hindi ng nagmomonopolyo ng kapangyarihan.

Ang pagsusulong ng Anti-Political Dynasty Bill nina House Speaker Bojie Dy at Rep. Sandro Marcos ay isang kilos na hindi maaaring tanggapin nang walang malalim na pagsusuri.

Sa ibabaw, ito’y ipinapakitang hakbang tungo sa reporma, isang deklarasyon laban sa monopolyo ng kapangyarihan ng iilang pamilya. Ngunit sa ilalim, ito’y naglalantad ng isang malalim na kontradiksiyon: Paano magiging kapani-paniwala ang panukalang laban sa dinastiya kung ito’y nagmumula mismo sa pamilyang nakikinabang sa dinastikong sistema?

Ang inconsistency ay hindi lang teknikal. Ito ay structural at moral. Ang Anti-Political Dynasty Bill nina Dy at Marcos ay nagsasabing wawakasan nito ang pamamayani ng pamilya sa kapangyarihan, ngunit ang mga nagsusulong ay patuloy na nakikinabang sa makinarya, pangalan at impluwensiya ng dinastiya.

Habang ang sambayanan ay hinihikayat na umasa sa batas, ang mga may-akda nito ay hindi nagpapakita ng anumang sakripisyo, pag-amin sa pananagutan o boluntaryong pagbitaw sa pribilehiyo. Sa ganitong kalagayan, ang panukala ay nagiging cosmetic reform—pagkukunwari at pagbabalatkayo.

Makatuwiran bang tawaging makatotohanan ang ganitong hakbang? Ang sagot ay malinaw: hindi, kung ang layunin ay tunay na pagbabago.

Ang katotohanan ay hindi nasusukat sa dami ng press release o sa husay ng political messaging. Ito ay nasusukat sa pagkakatugma ng salita at gawa. Kung walang malinaw na probisyon laban sa political succession, name recall advantage at kontrol sa lokal na makinarya, ang Anti-Political Dynasty Bill ay magiging isang batas na hindi sasakit sa makapangyarihan at hindi magpapalaya sa mamamayan.

Sa ganitong punto, nagiging mahalagang tanungin: Ano ang sinasabi ng Banal na Kasulatan? Hindi nyutral ang pananampalataya sa harap ng inhustisya. Ang panawagan ng mga propeta ay malinaw: “Ipinahayag na sa iyo kung ano ang mabuti: ang gumawa ng katarungan, umibig sa kagandahang-loob, at lumakad nang mapagkumbaba” (Mikas 6:8).

At mas tahasang babala: “Mapapahamak kayo, mga gumagawa ng hindi makatarungang batas na umaapi sa mga tao, upang pagkaitan ng katarungan ang nangangailangan, upang alisan ng karapatan ang mahihirap” Isaias 10:1).

Ang pananampalataya ay hindi panakip sa kapangyarihan, ito ay sandata laban sa pang-aabuso. Ang Diyos ng Bibliya ay laging nasa panig ng naaapi, hindi ng nagmomonopolyo ng kapangyarihan.

Kung seryoso ang mga mambabatas sa pagwasak sa mga political dynasty, magsimula sila sa sarili—sa pagbasag ng sariling pribilehiyo, sa pagtulak ng batas na tunay na may ngipin at sa pagtanggap na ang tunay na reporma ay may kaakibat na pagbitiw sa pansariling interes at pribilehiyo. 

Sa sambayanan, ang hamon ay maging mapagbantay at militante sa pag-asa: huwag paloko sa panlabas na salita lang o mga panukala na paborable pa rin sa kanila. Igiit ang batas na naglilingkod sa nakararami, hindi sa iilan.

Sapagkat ang tunay na anti-dynasty ay hindi lang panukala—ito ay pakikibaka para sa hustisya, pagkakapantay-pantay at tunay na demokrasya. Doon tayo susuporta sa panukala na isinusulong ng mga representante ng Makabayan bloc. Sila ang tunay na nagdadala sa boses ng mga batayang sektor at mamamayang sinasamantalahan.