Lampas sa bangayan
Kung nais natin ng bagong direksiyon, kailangan ng bagong pamantayan.
Hindi tunggalian nina Marcos at Duterte ang tunay na usapin ng bayan. Ang kanilang bangayan ay salamin lang ng mas malalim at mas matagal nang sugat ng lipunan—ang sistemang burukrata-kapitalista na matagal nang pinamumunuan ng mga dinastiyang makapangyarihan.
Sila ang mga pamilyang paulit-ulit na nakaupo sa poder, kilala sa katiwalian, pagnanakaw at pang-aabuso. Ang kapangyarihang hawak nila ay ginagamit hindi para paglingkuran ang bayan, kundi para paglingkuran ang sarili nilang interes.
Sa ganitong kalakaran, wala sa dalawa ang tunay na opsiyon ng mamamayan. Kahit sino pa ang maluklok mula sa iisang naghaharing uri, mananatili tayong umiikot sa parehong siklo ng kahirapan at katiwalian.
Ang pag-uulit ng parehong uri ng lider ay hindi kailanman magbubunga ng ibang resulta. Ang mali ay ang sistemang patuloy na nagbibigay ng puwang sa mga gahaman, habang iniiwan ang mamamayang Pilipino sa walang katapusang paghihirap.
Ang tunay na pag-asa ay nasa mamamayan—sa ating pagkakaisa, pagkilos, at pag-angkin muli ng kapangyarihan. Sa pagtatayo ng alternatibong nakaugat sa bayan, hindi sa dinastiya. Sa pagpapalit hindi lang ng tao, kundi ng mismong sistemang nagluluwal ng katiwalian at kahirapan.
Kung nais natin ng bagong direksiyon, kailangan ng bagong pamantayan. At dito pumapasok ang alternatibo: hayaan natin ang mamamayan mismo ang magtakda ng landasin ng bansa sa pamamagitan ng isang National Transition Council.
Isang konsehong binubuo hindi ng mga tradisyonal na politiko, kundi ng mga kinatawan ng sektor ng mamamayan—manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, relihiyoso, propesyonal at maralita. Isang mekanismong naglalayong ibalik sa tunay na may-ari ng kapangyarihan—ang taumbayan—ang kakayahang pumili, magtakda, at maglatag ng bagong simula.
Kaya’t napakahalaga, napapanahon at makatarungan ang panawagang “Resign Marcos and Duterte.” Hindi dahil may alternatibong maliligtas mula sa sinuman sa kanila, kundi dahil wala sa kanila ang tutugon sa matagal nang hinaing ng bayan. Wala sa kanila ang may kakayahan o kagustuhan na ituwid ang landas na sila rin ang nagliko.
Ang tunay na pag-asa ay nasa mamamayan—sa ating pagkakaisa, pagkilos, at pag-angkin muli ng kapangyarihan. Sa pagtatayo ng alternatibong nakaugat sa bayan, hindi sa dinastiya. Sa pagpapalit hindi lang ng tao, kundi ng mismong sistemang nagluluwal ng katiwalian at kahirapan.
Sa huli, ang ating panawagan ay malinaw: Hindi sapat ang palitan ang mga mukha sa poder. Kailangang palitan ang sistemang nagluluwal sa kanila.