Pamalakaya, ginunita ang World Fisheries Day
Nagprotesta ang daan-daang mga mangingisda at mga residente ng tabing-dagat sa tapat ng Department of Environment and Natural Resources sa Quezon City, Nob. 21, kasabay ng paggunita sa World Fisheries Day.
Nagprotesta ang daan-daang mga mangingisda at mga residente ng tabing-dagat, sa pangunguna ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas) sa tapat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Quezon City, Nob. 21, kasabay ng paggunita sa World Fisheries Day.
Dala ng grupo ang panawagan para sa pagpapanagot sa DENR at sa rehimeng Marcos Jr. sa nagpapatuloy at tumitinding pandarambong ng mga pribado at malalaking korporasyon sa yamang tubig ng bansa.
Ayon sa Pamalakaya Pilipinas, liban sa matinding korupsiyon sa likod ng mga flood control project sa bansa, ang laganap na reklamasyon, pagmimina at quarrying sa sahig ng dagat ay lalong nagbubunsod ng bulnerabilidad sa baha at iba pang kalamidad sa mga komunidad sa baybaying dagat.

“Hindi lamang ang direktang korapsiyon ng kaban ng bayan ang dapat imbestigahan, dapat ding panagutin ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng DENR, na walang-habas mag-apruba ng mga proyektong nagpapalala ng kalamidad tulad ng reklamasyon at dredging,” ani Pamalakaya national chairperson Fernando Hicap.
Dagdag ng grupo, sa Manila Bay pa lang ay nasa 13 reklamasyon na ang binigyan ng environmental permit ng DENR.
Anila, ang malawakang reklamasyon ng Manila Bay ay nakadugtong sa nararanasang malawakang pagsira sa mga baybayin ng Zambales at Ilocos Sur. Biktima ang dalawang probinsiya ng matinding operasyon ng dredging na ginagamit pantambak sa ilang proyektong reklamasyon sa Manila Bay.
Dredging sa Zambales, mariing nilalabanan
Ilang residente at mamamalakaya mula sa Zambales ang lumuwas upang makiisa sa nabanggit na kilos-protesta. Bitbit ng mga residente ang kanilang mariing pagtutol sa malaganap na dredging na sumisira sa baybayin ng mga bayan ng San Felipe, San Narciso, Marcelino at Botolan.

Sa naunang pahayag ng Pamalakaya Pilipinas noong Nob. 3, nagdulot ng coastal erosion at pagkasira ng mga bahay at estruktura ang dredging sa probinsiya. Nasa higit 5,000 mangingisda ang apektado ang kabuhayan habang patuloy na nalalagay sa bulnerabilidad ang mga komunidad sa kahabaang-baybayin. Inulat din ng Pamalakaya Pilipinas ang pagkabuwag ng higit 300 na matatandang puno ng aguho dahil sa pag-urong ng baybayin buhat ng dredging.
Giit ng Pamalakaya Pilipinas, dapat na ipatigil at ibasura ang DENR Department Administrative Order (DAO) No. 13, Series of 2019 na nagpapahintulot sa dredging operation sa probinsya ng Zambales. Hindi umano rehabilitasyon kundi lalong pagkasira sa baybayin at palaisdaan ang binunsod nito.
Imbestigahan ang mga mapaminsalang proyekto
Itinutulak ng Pamalakaya Pilipinas na imbestigahan ang lahat ng mga “batbat ng korupsiyong” proyektong inaprubahan ng DENR pabor sa mga malalaking korporasyon.
Anila, ang mga ito ay mabilis na nakakakuha ng Environmental Compliance Certificate kahit hindi nakasunod sa mga rekisito kagaya ng pagsasagawa ng konsultasyon sa publiko.
“Dahil sa kapabayaan, kundi man lantarang pakikipagsabwatan ng DENR sa mga malalaking kumpanya, lubog ang mga komunidad ng mangingisda at bagsak ang kabuhayan dahil sa pagkasira ng mga pook-pangisdaan,” ani Hicap.