Marinong Pinoy, umapela ng suporta sa gobyerno
Nakiusap ang mga Pinoy seafarer sa Department of Foreign Affairs na magsampa ng diplomatikong protesta dahil sa ilegal na deportasyon at detensiyon na dinanas mula sa United States Customs and Border Protection.
Naglunsad ng picket-dialogue ang mga Pilipinong marino sa Department of Foreign Affairs nitong Nob. 5 dahil sa kanilang naranasang deportasyon at detensiyon habang nasa trabaho.
Mahigit 100 marino ang pinauwi ng United States Customs and Border Protection (USCBP) at pinaratangan ng kasong child pornography kahit na hindi sila sumailalim sa anumang imbestigasyon.
Ibinahagi ng mga marino na tinakot sila at pinagbintangang may hawak na maseselang bidyo ng habang nakadaong ang kanilang barko sa pantalan sa Norfolk, Virginia.
Dagdag pa nila, dinala sila sa USCBP at pinagbawalang kumontak sa mga abogado at pamilya. Pinapirma rin sila ng mga dokumento na hindi na ipinabasa at sinabihan na lang na pauuwiin na sila sa Pilipinas. Habang nasa biyahe, nakaposas at nakakadena ang mga marino.
Nang manghingi sila ng paliwanag sa manning agency, sinabihan lang sila na wala na silang trabaho at hindi na maaaring bigyan pa dahil binawi na ng US ang kanilang visa.
“Humihingi kami ng hustisya sa nangyari sa amin. Kami ay inabuso, tinakot at pinilit papirmahin sa dokumentong kinalaunan ay nalaman naming tungkol pala sa boluntaryong pag-atras sa aing US Visa,” pahayag ng International Seafarers Action Center sa Ingles.
Nanawagan sila ng paghahain ng diplomatikong protesta laban sa diskriminasyon, pananakot, pang-aabuso at paglabag sa karapatan nilang sumailalim sa due process.