10 trending at viral sa social media sa 2025
Hindi lahat ng viral ay may saysay. Ngunit mayroong 10 trend na umingay dahil ito’y mga may pinanggagalingan. Sa bawat meme, kanta at diskurso, mababanaag ang mga tanong ng kapangyarihan, pananagutan at dignidad.
Sa gitna ng sunod-sunod na bagyo, malalang pagbaha at pagkalantad ng bilyong pisong katiwalian, hindi naging pahingahan ang social media para sa maraming Pilipino nitong 2025. Sa halip, ito’y naging talaan ng kolektibong pagod at galit, at paminsan-minsan, espasyo ng pagtawa at paggunita upang makaraos.
Ang mga nag-trend ngayong tao’y hindi lang likha ng algorithm, kundi repleksiyon ng materyal na kalagayan ng pamumuhay sa isang bansang patuloy na binibigo ng mga pampublikong institusyon.
Hindi lahat ng viral ay may saysay. Ngunit mayroong 10 trend na umingay dahil ito’y mga may pinanggagalingan. Sa bawat meme, kanta at diskurso, mababanaag ang mga tanong ng kapangyarihan, pananagutan at dignidad.
Brainrot at ang 6-7 na Wika ng Pagkapagod

Isa sa pinakamatibay na pahayag ng 2025 ang tinaguriang “brainrot,” partikular ang paggamit ng “6-7.” Ang salitang ito’y tila walang kahulugan, ngunit mabilis itong naging kolektibong wika ng pag-iwas at pagtanggi. Ginamit ito bilang sagot sa seryosong tanong, bilang biro sa gitna ng mabibigat na usapan at bilang pahiwatig na wala nang lakas ang isang tao para makipagdiskurso sa mga problemang paulit-ulit ngunit walang resolusyon.
Sa konteksto ng Pilipinas, ang ganitong uri ng humor ay hindi simpleng kababawan. Ito’y produkto ng pagkadismaya ng kabataang nahaharap sa mataas na gastusin sa edukasyon, mababang sahod at kakulangan ng serbisyong panlipunan. Ang pagtawa sa kawalan ng kahulugan ay nagiging mekanismo ng survival sa isang lipunang tila walang malinaw na direksiyon.
Sierra Madre AI at ang Politika ng Imahen

Ang pag-viral ng AI generated videos na ginawang personipikasyon ang Sierra Madre bilang tagapagtanggol ng bansa laban sa bagyo ay sumabay sa pananalasa ng malalakas na unos. Sa unang tingin, ito ay anyo ng environmental awareness. Ngunit mabilis ding nalantad ang mga limitasyon at panganib ng ganitong representasyon.
Nilinaw ng mga eksperto na hindi nagbibigay ng ganap na proteksiyon ang kabundukan at binatikos ang maling impormasyon na kalakip ng mga bidyo. Lumitaw din ang kritisismo sa mataas na environmental cost ng AI. Sa halip na mapanagot ang mga responsable sa pagkakalbo ng kabundukan at maling land use, ang diskurso ay nauwi sa viral aesthetics. Ipinakita ng trend na ito kung paanong ang kalikasan ay madaling gawing simbolo ngunit bihirang ipaglaban sa antas ng polisiya at pananagutan.
Performative Male at ang Komodipikasyon ng Pagiging Progresibo

Ang diskurso sa “performative male” ay umusbong sa gitna ng pagbabago sa usapin ng masculinity. Sa social media at campus publications, naging popular ang imahen ng lalaking emotionally aware at progresibo, ngunit kasabay nito ang pagdududa sa sinseridad ng ganitong presentasyon.
Sa mas malalim na suri, ipinapakita ng trend na ito kung paanong ang progresibong identidad ay maaari ring gawing produkto. Ang pagiging woke ay nagiging aesthetic na kailangang ipakita at i-perform. Sa isang lipunang nananatiling pyudal at patriyarkal, ang pressure na magmukhang ideal ay nagiging panibagong anyo ng kontrol. Ang tanong ay hindi na lang kung may pagbabago kundi kung kanino ito nakikita at pinakikinabangan.
Roblox at ang Digital na Repleksiyon ng Lipunang Pilipino

Noong 2025, ang Roblox ay naging higit pa sa online game platform, naging espasyo rin ito ng protesta para sa mga hindi makadalo sa pisikal na kilos laban sa katiwalian. Ang virtual rally sa isang Luneta-themed server ay patunay ng paghahanap ng alternatibong lansangan sa gitna ng limitadong pampublikong espasyo.
Kasabay nito, lumabas ang mga kuwento ng adiksiyon, pagkakautang ng magulang at pagkalugmok ng mga batang walang sapat na gabay. Ipinakita ng Roblox ang dalawang mukha ng digital platforms. Para sa ilan, ito ay espasyo ng pakikilahok. Para sa marami, isa itong negosyo na kumikita sa oras at pera ng mga pamilyang madalas ay nasa laylayan. Ang digital divide ay hindi lang usapin ng access kundi ng proteksiyon at regulasyon.
OPM at ang Politika ng Damdamin

Sa gitna ng krisis, muling umangat ang Original Pilipino Music (OPM) sa social media bilang daluyan ng damdamin. Sa TikTok, ginamit ang mga kanta sa mga bidyong naglalarawan ng pag-ibig na naputol, pangungulila at tahimik na pakikibaka. Halimbawa na rito ang paggamit sa kantang “Upuan” ni Gloc 9 at ang “Kapangyarihan” ng Ben&Ben. Ang paggamit nito’y hindi pinangunahan ng industriya kundi ng mga ordinaryong taong naghahanap ng salitang sasalo sa kanilang karanasan.
Sa panahong kulang ang suporta sa serbisyong panlipunan, ang musika’y nagiging pansamantalang kanlungan, lalo na sa isyu ng korupsiyon. Ngunit kasabay nito ang tanong kung bakit sa kultura napipilitang humanap ng ginhawa ang mamamayan sa halip na sa mga pampublikong institusyong dapat sumusuporta sa kanila.
Celebrity Breakups at ang Gendered na Moralidad

Barbie Forteza at si Jak Roberto, isa sa mga celebrity couples na naghiwalay ngayong 2025
Sunod-sunod ang hiwalayan ng mga celebrity couple nitong 2025, at ang bawat anunsyo’y naging pampublikong diskurso. Hinimay ang joint statements, katahimikan at cryptic posts. Ngunit malinaw ang pattern. Madalas mas mabigat ang hatol sa kababaihan, habang ang kalalakihan ay binibigyan ng espasyo para sa pananahimik at paghilom.
Ipinapakita ng trend na ito ang pyudal at patriyarkal na moralidad na nakabaon sa digital culture. Ang pribadong buhay ay nawawalan ng hangganan at ang social media ay nagiging hukuman kung saan umiiral ang dobleng pamantayan. Sa ganitong espasyo, ang kababaihan ang patuloy na masusing sinusuri at hinahatulan.
Anne Curtis at ang Politika ng Pahinga

Ang “fairy walk” ni Anne Curtis
Ang “fairy walk” ni Anne Curtis ay nagbigay ng bihirang kolektibong tawa. Ang “expectation vs reality” videos ay naghatid ng aliw na walang galit at walang malinaw na panig. Sa isang taong punong-puno ng tensiyon, ang ganitong uri ng virality ay nagsilbing sandaling pahinga.
Ngunit ang pahinga ay hindi pantay na naipapamahagi. Sa isang bansang maraming manggagawa ang walang bakasyon, ang viral leisure ay paalala ng class divide. Ang kakayahang magpahinga at maglaro ay pribilehiyo sa isang sistemang inuuna ang tubo kaysa kapakanan.
Conclave at ang Politika ng Representasyon

Si dating Manila Archbishop at ngayo’y Pro-Prefect of Evangelization Cardinal Luis Antonio Tagle. Larawan mula sa NBC
Ang usapin ng conclave at ang posibilidad ng isang Pilipinong Santo Papa ay naglantad ng tensiyon sa pagitan ng pambansang pagmamalaki at pandaigdigang politika. Sa social media, mabilis itong tinawag na Pinoy pride. Ngunit kasabay nito ang smear campaigns at muling pagbuhay ng mga lumang video ni Cardinal Luis Antonio Tagle, kabilang ang mga clips kung saan siya ay kumakanta at nakikihalubilo sa publiko, na ginamit ng ilang konserbatibong grupo upang kuwestiyonin ang kanyang pagiging angkop bilang lider ng Simbahang Katolika.
Ang diskurso’y hindi umiikot sa pananampalataya kundi sa imahen at kapangyarihan. Ipinakita nito kung paanong ang representasyon ay nagiging larangan ng tunggalian. Ang isang Pilipino sa global stage ay sabay na inaangkin at pinupuntirya, habang natatabunan ang mas malalim na usapin ng pananagutan ng institusyon.
Nepo Babies at ang Galit sa Hindi Napapanagot

Kabataang galit sa hindi napapanagot. Joanna Robles/Pinoy Weekly
Sa gitna ng malalang pagbaha at isiniwalat na anomalya sa flood control projects, sumabog ang galit laban sa mga tinaguriang “nepo babies.” Ang marangyang pamumuhay ng mga anak ng politiko at kontratista ay naging simbolo ng sistemang patuloy na nagpoprotekta sa may kapangyarihan.
Hindi ito simpleng inggit. Isa itong panawagan para sa hustisya at pananagutan. Sa social media, pansamantalang nabaligtad ang kontrol sa naratibo, at ang mga dati ay panay ang post ay napilitang manahimik o mag-deactivate. Ngunit nananatili ang tanong kung may tunay na pananagutan bang susunod.
Young Stunna at ang Wika ng Kabataang Lumalaban

Young Stunna sa Mendiola, kuha ni Neil Ambion/Pinoy Weekly
Ang young stunna aesthetic ay hindi lang uso kundi anyo ng identidad ng kabataang hinubog ng kulturang hip hop, kahirapan at pakikibaka. Ang slang ay nagsilbing survival code at porma ng pagkakaisa. Ginamit ito sa memes, captions, at maging sa mga kilos protesta laban sa korupsiyon.
Sa isang panahong patuloy na minamaliit ang tinig ng kabataan, ang wika ang naging sandata. Ang kultura ay hindi hiwalay sa politika kundi mismong larangan nito.
Kung may malinaw na aral ang social media nitong 2025, ito’y ang katotohanang ang virality ay hinuhubog ng kondisyon ng pamumuhay. Ang mga nag-trend ay hindi lang basta pang-aliw kundi anyo ng pagtugon sa sistemikong krisis.
Habang nananatiling hindi naririnig ang mga nasa laylayan, patuloy na magsasalita ang social media sa wika ng galit, pag-asa at paglaban.