10 isyung bayang ‘di malilimutan sa 2025


Hitik ang nagdaang taon sa mga kuwento ng pakikibaka at tagumpay ng mga marhinadong sektor. Narito ang listahan ng mga ‘di malilimutang isyu at laban ng mga karaniwang Pinoy ngayong 2025, in case you missed it.

Maligalig ang taong 2025. Umatikabo ang samu’t saring isyu at pangyayari na kinaharap ng mga Pinoy sa buong taon. 

Mula sa pagbasura sa impeachment ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte, hanggang sa pag-aresto ng International Criminal Court sa ama niyang si dating pangulong Rodrigo Duterte. Sala-salabat din ang mga isyu kaugnay ng ginanap na midterm elections. Kaliwa’t kanang kalamidad at sakuna ang sumalanta sa marami nating kababayan. Pinakamalaking pasabog ang pagkaungkat ang laganap na korupsiyon at katiwalian sa mga proyekto ng gobyerno.

Sa gitna ng malalaking isyung bayan, hitik din ang nagdaang taon sa mga kuwento ng pakikibaka at tagumpay ng mga marhinadong sektor. Narito ang listahan ng mga ‘di malilimutang isyu at laban ng mga karaniwang Pinoy ngayong 2025, in case you missed it:

Neil Ambion/Pinoy Weekly

Marso 5, ipinutok ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU) ang isa sa pinakamalaking welga sa nakalipas na 20 taon. Tumigil magtrabaho ang mahigit 2,000 manggagawa sa loob ng pabrika ng semiconductor. Nilabanan nila ang pambabarat sa sahod at pagtatangkang buwagin ang 40 taon na nilang unyon. 

Pinutol ng management ang suplay ng tubig, kuryente at pagkain sa pabrika. Pero hindi nagpatinag ang mga manggagawa. Apat na araw lang tumagal ang welga. Marso 8, pandaigdigang araw ng manggagawang kababaihan, bumigay ang management. Nakipagkasundo itong ibigay ang hinihingi ng mga manggagawa na P50 dagdag-sahod at na ibalik ang tinanggal na mga lider ng unyon.

Patunay ang NPIWU na ang unyon at welga pa rin ang pinakamabisang sandata ng mga manggagawa para makakamit ang kanilang mga kahingian at maipaglalaban ang mga karapatan.

Lawrence Franciso/Pinoy Weekly

Paulit-ulit na binaha ng putik ang mga bayan sa Laguna buong taon. Itinuturong salarin ang mga mapaminsalang renewable energy at development projects sa Laguna de Bay at kabundukan ng Sierra Madre. 

Wala na ang mga lanzones sa Bundok Ping-as sa Pakil, Laguna. Higit 3,000 puno pa sa kabundukang bahagi ng Sierra Madre ang sinagasaan sa pagratsada ng Ahunan Pumped-Storage Hydropower Project ni Enrique Razon Jr. Pinababaw at pinakipot naman ng Laguna Lakeshore Road Network ang tubig sa Laguna de Bay, isa sa pinakamalaking proyektong pangimprastruktura ng gobyerno. Bukod sa pagwasak sa kabundukan, pasakit din sa mamamayan ang militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao na dala ng mga ginagawang dam, solar power at windmill projects sa kahabaan ng Sierra Madre sa Rizal, Quezon at Laguna.

Ngayong taon,tuloy-tuloy at malakas na nilabanan ng mamamayan ng Timog Katagalugan ang mga atake sa kalikasan, paninirahan at mga karapatan.

Marc Lino J. Abila/Pinoy Weekly

Bukod sa agresyon ng China sa West Philippine Sea, mas malaking banta sa kabuhayan ng mga mangingisdang pinoy ang pagpasok ng malalaking korporasyong pangisda sa mga dagat munisipal sa buong bansa. 

Bago matapos ang 2024, naglabas ng hatol ang Korte Suprema na pinapayagang pumasok ang mga commercial fishing sa 15 kilometrong katubigan na karaniwan nang pinapangisdaan ng maliliit na mamamalakaya.

Buong taon, malakaw na ipinanawagan ng mga mangingisdang pinoy na “Atin ang Kinse Kilometro!” Noong Iktubre, naghain din ng House Bill 560 o “Atin ang Kinse Kilometro Bill” ang mga partylist ng Makabayan Bloc. Iginigiit nito ang ekslusibong karapatan ng mga maliliit na mangingisda sa dagat munisipal.

Zedrich Xylak Madrid/Pinoy Weekly

Tuloy-tuloy na ginamit ng administrasyong Marcos Jr ang mga batas kontra-terrorismo para supilin ang malayang pamamahayag at pagpapahayag. Umpisa pa lang ng taon, dalawang mamamahayag, sina Deo Montesclaros ng Pinoy Weekly at ang limang taon nang nakabilanggong si Frenchie Mae Cumpio ng Eastern Vista, ang sinampahan ng mga kasong terrorism financing. Bukod sa kanila, sinampahan rin ng parehong kaso ang maraming aktibista mula sa Northern Luzon, kabilang ang unyonista at musikerong si Mike Cabangon.

Malawak ang naging pagkondena sa loob at labas ng bansa laban sa mga gawa-gawang kaso sa mga mamamahayag. Patuloy rin naman itong nilabanan ng mga tanggol-karapatan at mamamayan.

Dalawang araw pagkatapos ng pasko, inaresto si Cabangon sa kanilang bahay sa Baguio City. Nitong Disyembre rin, ibinasura naman ng Korte ang kaso laban sa isang may ari ng sari-sari store na sinampahan rin ng terrorism financing dahil sa pagluluto ng adobo noong 2024.

Pamalakaya Pilipinas/Kontribusyon

Ngayong taon tumampok ang dredging, o ang paghuhukay ng lupain sa ilalim ng dagat o ilog, partikular sa mga probinsya ng Zambales at Ilocos Sur. Sa parehong kaso umaalma ang mga mangingisda at kalapit na komunidad pagkat sinisira nito ang natural na ecosystem na siyang pinagkukunan ng kabuhayan ng mga lokal.

Hindi lang mapanira, kundi batbat ng anomalya ang dredging. May sangkot na dayuhang korporasyon sa anyo ng China Harbor Engineering Company (CHEC) sa Zambales, at kawalan umano ng mga nararapat na permit sa Ilocos Sur ang Isla Verde Mining and Development Corp. At sa parehong kaso, katwiran pa rin ang flood control at sinong mga lokal na pulitiko ang makikinabang sa mga operasyon?

Altermidya

Barikada ang sumalubong sa mga operasyon ng pagmimina sa Nueva Vizcaya at Benguet, matapos ang matagal na panahong pananahimik. Sa barangay Guinaoang at Bulalacao, Mankayan, Benguet hinarangan ng mga residente noong October ang Crescent Mining and Development Corporation (CMDC) mula sa pagtapak sa kanilang lupang ninuno.

Ito’y maganap sa parehong buwan kung saan pinaboran ng Benguet Regional Trial Court ang Itogon-Suyoc Resources Inc. (ISRI) at binasura ang petisyon ng mga residente para ikansela ang permit ng kumpanya.

Sa Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya naman, hinarangan ng buong bayan, suportado ng simbahan ang sa paghahanap ng ginto at tanso ng Woggle Corporation mula sa United Kingdom. Sinabayan din ito ng mga protesta ng mga kabataang Pilipino sa London para ipatigil ang mga operasyon. Sumiklab ang tensyon nitong Oktubre nang wasakin ng kapulisan ang barikada sa utos ng lokal na korte. Inaasahang babawi ang mga residente sa susunod na taon.

Deo Montesclaros/Pinoy Weekly

Napilitang magpatupad ang gobyerno ng 60-days na ban sa mga imported na bigas noong Agosto dahil sa lala ng pagbulusok ng kabuhayan ng mga magsasaka. Paliwanag ng mga grupo ng mga magsasaka, dulot din naman ang krisis ng Rice Liberalization Law ng gobyerno o ang pagbibigay prayoridad nito sa imported na bigas.

Mula nang ipatupad ang batas noong 2019, bumagsak ang produksyon ng palay at nabawasan ng P6,268 kada ektarya ang kita ng mga magbubukid samantalang tumaas nang 17% ang presyo ng bigas sa palengke.

Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Sa tala ng Tsek.ph, nasa sangkapat ng 127 na sampol ng balitang inaral nila ang lumabas bilang fake news na pabor sa imahe ng pamilyang Duterte.

Sa ibang pagkakataon, gumamit pa ng AI para “buhayin” ang mga na-biktima ng giyera kontra-droga at itanggi ang karahasang sinapit nila. Lumabas din sa isang ulat ng OpenAI na inatasan ang kumpanyang Comm&Sense para lumikha ng pro-Marcos at anti-Duterte na mga account at post sa Tiktok.

Kontribusyon

Kilala sa mga manunulat at publisher ang Frankfurt Book Fair (FBF) bilang isa sa mga pinakamalaking kumperensya sa kalakalan ng panitikan. Pero sa nakaraang dalawang taon nakilala din ito dahil sa akusasyon ng marami na binubusalan nito ang mga Palestinong manunulat habang inilalagay sa entablado ang mga Israeli na magtatanggol sa nangyayaring henosidyo.

Ngayong 2025, Pilipinas ang Guest of Honor sa FBF, at gumastos pa ang gobyerno ng Php30 milyon para sa promotion at pagpapakilala ng mga aklat sa Europa. Samu’t saring talakayan ang naganap at mukhang patuloy na nagaganap hinggil sa dapat sana’y papel ng mga Pilipino sa FBF sa gitna ng henosidyo. Ang malinaw na tindig sa maraming progresibo: dapat i-boykot at suportahan ang panitikan na naglilngkod sa inaapi.

Neil Ambion/Pinoy Weekly

Nagulantang ang bansa nang maglabas ng galit sa talamak na korupsiyon at kabulukan ng sistema ang mga ‘Gen Z’ sa protesta sa Mendiola noong Set. 21. Ang lehitimo nilang hinaing at galit, tinugunan ng karahasan ng kapulisan. Umabot sa 200 ang inaresto, binugbog at kinasuhan. Naiulat namang napatay sa marahas na dispersal si Eric Saber, manggagawang pauwi lang galing trabaho.

Ang mga naka-itim, nakamaskara, at may bitbit na banderang halaw sa isang anime, tinawag na nanggugulo, bayaran at itinuring na kriminal nina Manila Mayor Isko Moreno at DPWH Secretary Jonvic Remulla.

Naungkat naman sa pagsiyasat ng Pinoy Weekly at Altermidya ang talamak na paglabag sa karapatan ng mga inarestong kabataan. Lumabas ring labis-labis ang ginamit na karahasan ng Philippine National Police.

Mula sa ispontanyong pagkilos, binuo ang Alyansa Laban sa Korapsyon at Brutalidad ng Kapulisan (AKAB) ng mga kabataang lumahok sa Mendiola. Organisado at patuloy silang kikilos para wakasan ang korupsiyon, brutalidad at para baguhin ang kinamumuhian nilang bulok na sistema.