Pop Off, Teh!

Ang maging trans sa panahon ng dahas


Walang makapagsasabi kung paano nararapat mabuhay ang isang tao kung hindi siya. Batayang karapatan ito ng tao: ang mabuhay nang may dignidad.

Wala pang isang porsiyento ng populasyon ang mga transgender na indibidwal—babae man o lalaki. Ngunit may preokupasyon ang maraming konserbatibo at relihiyoso sa pagbura sa identidad na ito. Let me count the ways, ang sabi nga ng isang makata.

Una, naalala niyo ba si Imane Khelif, isang Algerian na boksingera, na tumalo sa isang puting boksingera? Tinawag siyang transgender at may katawang panglalaki raw kahit na ang totoo ay isa siyang cisgender na babae. Isang dating solicitor general, ilang propesor at ilang daang indibidwal na wala namang alam sa pagkababae ang naglabas ng opinyon at kinondena si Khelif na para bang kasalanan niya na natalo ang isang puting babae.

Ang dulo nito ay naging atake sa partisipasyon ng kababaihang transgender sa isports. Anila, mas malakas at ‘di patas ang mga trans sa isports, pero sa totoo lang, kahit magalit kayo sa akin, wala namang such thing as patas sa isports. Usapin pa lang ng uri at kakayahan, hindi lang ang ari ang nagtatakda, lalo pa kung ang gobyerno ay walang maayos na suporta sa isports.

Pangalawa, si Gretchen Diez na nag-CR sa pambabaeng CR at kinaladkad ng janitor, ikinulong at ginawang pambansang isyu na para bang krimen ang pag-ihi sa isang espasyong limitado lang sa kasariang dinidiktahan ng ari. Kahit wala, o mangilan-ngilan ang kaso ng pang-aabuso, lalo na sa Pilipinas, itinuturo ang trans na may kasalanan. Naalala ko ang sabi ng isang kakilala na pati nga raw lesbiyanang trans, marahas at nag-aagaw na raw ng espasyo sa mga espasyong pang-lesbiyana (payag ba kayo?).

Pangatlo, at marahil pinakanakasusuklam, ang transfemicide o ang pamamaslang sa trans kababaihan. Marami-rami na ang trans kababaihan na pinapaslang dahil sila ay trans. Si Jennifer Laude ang indikasyon ng paggamit ng trans-panic na dahilan upang tanggapin ang pamamaslang at karahasan. Nanormalisa na ang pamamaslang, nanormalisa na rin ang pananahimik at pagkibit-balikat.

Sa totoo lang, madaling magpakalat ng galit at dahas sa isang grupo na kakaunti lang. Ginamit itong taktika ni Donald Trump upang ituro sa isang identidad o grupo ang mga kamalasan upang pagtakpan ang tunay na kasamaan at karahasang dala ng giyera, kahirapan, inflation at kawalan ng serbisyo.

Nagtagumpay si Trump at iba pang konserbatibo sa pagbura ng identidad na trans, at pagpapatupad pa nga ng mga batas na lumalabag sa karapatan. Madali lang isisi sa iba ang kahungakagan, ibaling ang sisi sa isang grupong walang kalaban-laban, at maghasik ng takot upang magtago na lamang sa karimlan. Easy target, ika nga. 

Ang pagsasabing hindi lehitimo ang isang grupo katulad ng mga trans ay maihahalintulad na rin sa pagsasabing hindi lehitimo ang pakikibaka ng mga magsasaka o manggagawa.

Simple lang naman ang gusto kong sabihin: tao rin ang mga trans at mayroon din silang mga pakikibaka na marapat lang na harapin, pakinggan at tugunan. Hindi totoong ang katawan lang ang nagtatakda ng materyal na kondisyon. Materyal na kondisyon din ang danas, ang karanasan ng isang tao, kung paano niya isinasabuhay ang kanyang identidad.

Walang makapagsasabi kung paano nararapat mabuhay ang isang tao kung hindi siya. Batayang karapatan ito ng tao: ang mabuhay nang may dignidad.

Ngayong Buwan ng Kababaihan, mahalagang maglimi tayo. Hindi iisa ang anyo ng kababaihan. Hindi ba’t may iba’t ibang danas ang kababaihan? Ang pagiging trans ay isang danas na dapat ding kilalanin at bigyan ng espasyo. Hindi ba’t nananawagan tayo ng pagrespeto sa karapatang pantao?

Kung gayon, wala tayong dapat pagtatangi kung sino ang katawan at identidad na lehitimo. Sapagkat walang tunay na pagkakapantay-pantay kung may isang grupong naiiwan.