May siyudad sa itaas ng bundok ng basura


Marami nang napaalis mula sa Upper Smokey Mountain dala ng matinding panliligalig sa kamay ng R-II Builders.

Inanunsiyo ng Philippine Ecology Systems Corporation (Philreco) ang pagtatayo ng kauna-unahang waste-to-energy facility sa Smokey Mountain, Barangay 128 sa Tondo, Maynila na naglalayong magsunog ng 3,000 toneladang basura upang gawing kuryente araw-araw. Pagmamay-ari ito ni Reghis Romero pati na ang R-II Builders na kompanyang nagpapatayo ng naturang pasilidad. 

Nakasaad sa Seksiyon 20 ng Republic Act 8749 o ang Philippine Clean Air Act of 1999 na ipinagbabawal ang kahit anong uri ng pagsunog na naglalabas ng nakakalason na usok.

Nakasaad naman sa Seksyon 28 ng Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 na dapat mayroong sapat na tambakan ang mga basura at may responsibilidad ang mga naturang sistema na ihiwalay ang mga nakakalasong materyal kagaya ng baterya at gulong na parte sa kabuuang tambak.

Hinihikayat ng naturang batas ang mga pamahalaang lokal na magpatupad ng isang komprehensibong sistema ng pagsasaayos ng basura na nakasandig sa mga makakalikasang pamamaraan kagaya ng waste segregation, recycling at composting. 

Ipinagbabawal din nito ang pagsusunog ng solid waste sa ilalim ng Seksiyon 48 ng naturang batas.

Gayunpaman, makasaysayan na ang apoy na lumiliyab sa mga basura ng Smokey Mountain na isang bundok ng basura na ipinasara noong 1995. Giniba ang mahigit 20 ektaryang tambakan at inilipat ang karamihan sa mga residente sa karatig na Barangay 105 o mas kilala sa pangalang Aroma Compound sa Tondo.

Ngunit hindi lahat ay umalis ng Smokey Mountain. Sa katunayan, ilang dekada makalipas mula ng ipasara ito, maraming mga residente ang bumuo pa rin ng matatag na pamumuhay sa lupa nito. 

Tumigas ang dating basura at naging pataba para sa mga pananim nilang talbos ng kamote, saluyot at talong.

Nang dumating ang R-II Builders sa kanilang lupain, sapilitan na pinaalis ang marami o pinilit na tumanggap ng kabayaran na nagkakahalaga na P60,000 kapalit ng kanilang paglipat.

Nagsimula ang banta ng demolisyon at pagpapalayas noong Nobyembre 2020 sa kasagsagan ng pandemya. Mahigit 21 pamilya na ang naapektuhan. 

Dalawang taon makalipas, ipinaalam ni Barangay 128 Chairperson Sigfred “Bobby” Hernane na kailangang lumikas ng mga residente upang bigyang daan ang pagtatayo ng Tondominium, isa sa mga pabahay na pinondohan ng mahigit P10 bilyong utang mula sa Development Bank of the Philippines. 

Sa kasalukuyan, nagpalabas na ng demolition notice ang Manila Department of Engineering and Public Works na nilagdaan ni City Engineer Armando L. Andres.

Dalawang beses dumulog sa Manila City Hall ang mga residente upang makipag-usap kay Manila City Mayor Isko Moreno, ngunit ayon sa kanila, pinagpapasa-pasahan lang sila sa mga iba’t ibang mga opisina sa city hall. 

Marami nang napaalis mula sa Upper Smokey Mountain dala ng matinding panliligalig sa kamay ng R-II Builders. 

Mayroong lumalagong siyudad sa itaas ng bundok ng basura  kung saan namumuhay ng payapa ang mga residente nito. Bagaman marami na ang umaalis, hindi nagpapatinag ang mga taong nagpayabong sa lupaing ito.

Isang taniman ng talbos ng kamote sa itaas ng Upper Smokey Mountain, Tondo, Maynila. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Paninda ang isa sa mga pangunahing kabuhayan sa lugar. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Tanaw mula sa itaas ng Smokey Mountain ang Pier 4. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Kinawayan ng isang matandang residente ang delegasyon ng mga mananaliksik na bumisita sa Upper Smokey Mountain. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Mayabong na tumutubo ang bougainvillea ng isang residente sa lupang binungkal sa Upper Smokey Mountain. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Tanawin sa taniman ng talbos ng kamote nga isa sa mga residente sa Upper Smokey Mountain. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Binuksan ng isang bata ang kanyang alagang kitikiti upang ilipat sa isang bakal na lalagyan. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Nagbebenta ang isang residente ng Smokey Mountain ng ice cream palabas ng Mel Lopez Boulevard kung saan nakaestasyon ang mga guwardiya ng R-II Builders. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Bakas pa rin ang basura sa tapat ng bahay ng isa sa mga residente ng Upper Smokey Mountain. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Pagkaway ng isang residente ng Upper Smokey Mountain sa mga dumadaang mananaliksik. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Isang makipot na daan sa Smokey Mountain na napapaligiran ng bakal na tinipon ng mga residente. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly

Isa sa mga tindahan sa Upper Smokey Mountain na pinagkukunan ng mga residente ng pang-araw-araw na pangangailangan. Charles Edmon Perez/Pinoy Weekly