Kaninong boses ang iyong pinapakinggan?
Ang Mabuting Pastol ay hindi lang gumagabay mula sa malayo. Kasama natin siya sa gitna ng ating takot, sugat at pagkaligaw.
Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (Linggo ng Mabuting Pastol) – Mga Gawa 2:14a, 36-41 | Salmo 22 | 1 Pedro 2:20b-25 | Juan 10:1-10
Nitong kamakailan lang, nagbigay ako ng isang recollection para sa mga estudyanteng magtatapos ng mababang paaralan. Isa sa mga gawaing ibinigay ko sa kanila ay ang pagtawid mula sa point A patungong point B habang nakapiring, habang may isang tumutulong mag-guide sa gitna ng mga balakid at maraming sumisigaw ng kung ano-ano.
Nakakatuwa na sa tatlong set ng tigdalawang pares, may iba’t iba silang naging paraan. May isang nanatili sa gilid at parang sinuwerte na nakatawid nang walang natatamaang obstacle. May isa namang paikot-ikot muna, tila nadadala sa ingay ng iba, pero nang marinig ang tamang boses, tuloy-tuloy na. At mayroon ding isa na halos makipagtalo pa sa boses na sinusundan, habang pinapagalitan ang mga maingay.
At ganyan na ganyan ang buhay natin. Napakaraming boses na pumapalibot sa atin. Sabi ng mundo, “Sumikat ka, doon ka magiging masaya.” Sabi ng iba, “Magkapera ka, doon mo makukuha ang seguridad.” Sabi ng sistema, “Umangat ka kahit may matapakan.”
May boses ng approval na nagtatanong kung ano ang sasabihin ng iba. May boses ng takot na paulit-ulit na nagsasabing baka maiwan ka. May boses ng galit na nagtutulak na gumanti. May boses ng pagod na bumubulong na sumuko ka na. Sa dami ng boses na ito, minsan hindi na natin alam kung alin ang susundin.
Ngayong Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, na kilala rin bilang Linggo ng Mabuting Pastol, pinaaalalahanan tayo ng Mabuting Balita na hindi lahat ng boses ay dapat pakinggan. May mga boses na kahit gaano kalakas ay hindi nagdadala sa atin sa buhay. Ito ang mga boses na nagmumula sa mga magnanakaw at tulisan. Ang kanilang mga tinig ay nanlilinlang, hindi nang-aakay. At kung ang mga boses na ito ang susundin, magdudulot ito ng kapahamakan at pagkasira ng ating buhay.
Sa gitna ng lahat ng ito, may isang tinig na mahalagang makilala: ang tinig ng Mabuting Pastol. Sabi ni Hesus, nakikilala ng mga tupa ang kanyang tinig at sumusunod sila sapagkat kilala nila ito. Hindi dahil ang kanyang boses ay malakas o nananakot, kundi dahil ito ay puno ng pagmamahal at pagkilala, at tumatawag sa atin sa pamamagitan ng ating mga pangalan. Ang tinig ng Mabuting Pastol ay tinig ng isang kaibigang kilala at mahal tayo.
Sa isang lipunang puno ng ingay mula sa politika, social media at kompetisyon, may responsibilidad tayong piliin hindi lang kung sino ang pakikinggan kundi kung anong tinig ang ibibigay natin. Tinig ba ito ng paghusga o ng pag-unawa? Tinig ba ito ng galit o ng paghilom? Tinig ba ito ng sarili lang o ng malasakit sa kapwa?
At sino ba ang Mabuting Pastol na ito? Ibinigay sa atin ng Ikalawang Pagbasa, mula sa Unang Sulat ni San Pedro, ang kanyang larawan. Siya ang nagdusa para sa atin ngunit hindi gumanti. Siya ang inalipusta ngunit hindi nanlait pabalik. Siya ang nasaktan ngunit hindi nanakot. Sa halip, ipinagkatiwala niya ang lahat sa Diyos na makatarungan. Ito ang tinig na dapat nating sundan. Isang tinig na hindi nakabatay sa kapangyarihan kundi sa pag-ibig na handang mag-alay ng sarili.
Sa isang mundong sanay sa ingay ng pagpapakitang-gilas at pangingibabaw, ang tinig ni Kristo ay tila tahimik. Ngunit ito ang tinig na nagbibigay-buhay. Naparito siya upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, isang buhay na ganap at kasiya-siya. Hindi lang basta mabuhay kundi mabuhay nang may direksyon at kahulugan.
Naririnig din natin ito sa Salmo, ang ating pinakamamahal na awit tungkol sa Diyos na nagpapastol sa atin. Napakayaman ng mga larawan sa salmong ito: ang pagsama ng Diyos sa atin sa hirap at kaginhawaan. Patuloy tayong pinaaalalahanan na kahit dumaan tayo sa madilim na lambak, kasama natin siya kaya’t hindi dapat matakot. Ang Mabuting Pastol ay hindi lang gumagabay mula sa malayo. Kasama natin siya sa gitna ng ating takot, sugat at pagkaligaw.
Ngunit hindi dito nagtatapos ang paanyaya. Sa Unang Pagbasa, ang mga nakarinig sa tinig ng Mabuting Pastol ay hindi nanatiling tagasunod lang. Sila ay naging mga tagapag-akay din, naging mga pastol din. Si Pedro na minsang natakot ay ngayo’y matapang nang nangunguna. Inaakay niya ang iba pabalik sa Panginoon. Ang mga tupang nakarinig at sumunod ay naging instrumento upang tawagin ang iba.
Ito ang mahalagang paalala. Bilang mga tupa, tinatawag din tayong maging pastol sa isa’t isa. Sa pamilya, sa barkada, sa komunidad, tayo rin ang nagiging boses na naririnig ng iba. Ang tanong, anong klaseng boses tayo?
Sa isang lipunang puno ng ingay mula sa politika, social media at kompetisyon, may responsibilidad tayong piliin hindi lang kung sino ang pakikinggan kundi kung anong tinig ang ibibigay natin. Tinig ba ito ng paghusga o ng pag-unawa? Tinig ba ito ng galit o ng paghilom? Tinig ba ito ng sarili lang o ng malasakit sa kapwa?
Tayo’y inaanyayahang huwag lang maging kontento sa kakayahang kumilala ng iba’t ibang boses sa ating paligid. Tayo’y dapat ding matutong pumili kung aling tinig ang susundin. At sa dami ng boses, nawa’y patuloy nating sundin ang tinig ng Mabuting Pastol—isang tinig na payapa, nagmamahal, at kumikilala sa atin. Sa pakikinig sa kanyang tinig, maisabuhay nawa natin ang kanyang mga turo at marinig ng iba ang kanyang tinig sa pamamagitan natin.