Sa Pagitan ng Ordinaryo't Banal

Siya’y kalakbay natin sa ating Emaus

Totoo pa ba ito o baka naman mali lang ang naging pagbasa ko sa lahat mula pa sa simula?

Ikatlong Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay – Mga Gawa 2:14, 22-23 | Salmo 15 | 1 Pedro 1:17-21 | Lucas 24:13-35

May mga pagkakataon sa buhay na hindi biglaang pagbagsak ang pinakamahirap, kundi ang unti-unting paglamlam ng sigla. ‘Yong dating malinaw ay unti-unting nagiging malabo. ‘Yong dating nagbibigay ng direksiyon ay nagiging sanhi ng pagkalito.

Kung ang ganitong karanasan ay nangyayari sa loob ng espasyo ng pananampalataya, mas mahirap itong aminin, dahil may inaasahan kang laging tama, laging maayos, laging maliwanag.

Noong ako ay nasa high school pa, naging miyembro ako ng isang Catholic Charismatic community. Bilang isang napaka-idealistic na bata, nahumaling ako at naging tapat na miyembro. Sumasali ako sa mga gatherings, sa mga worship at prayer session, at sa iba pang gawain ng grupo.

Sa panahong iyon, malinaw ang lahat. May direksiyon. May sigasig. May pakiramdam na tama ang aking tinatahak. Ngunit dumating ang isang yugto na unti-unting nabasag ang larawang iyon.

Habang sinusubukan kong maging faithful sa mga panuntunan at sa pamumuhay na itinuro sa amin, may mga bagay na hindi na umaayon sa inaasahan. May mga salitang malalim sa panalangin, ngunit hindi tugma sa kilos sa araw-araw. May mga sandaling ang “for God” ay nagmumukhang “for show.” At bilang isang kabataang seryoso sa pananampalataya, hindi iyon madaling baliwalain.

Dito nagsimulang pumasok ang isang tahimik ngunit mabigat na pakiramdam, disenchantment. Hindi ito agad galit, kundi pagkalito. Parang may mali, pero hindi ko matukoy kung saan. Parang may nawala, pero hindi ko alam kung ano.

Ang dating apoy ay naging tanong. Ang dating sigasig ay naging pag-aatubili. At sa gitna nito, hindi lang ang ibang tao ang kinukuwestiyon ko. Mas naging personal ang tanong: Totoo pa ba ito o baka naman mali lang ang naging pagbasa ko sa lahat mula pa sa simula?

Sa ganitong karanasan, mas nagiging totoo ang daan patungong Emaus. Dalawang alagad na hindi lang nalulungkot, kundi disillusioned. “Siya pa naman ang inaasahan naming…” Isang linyang puno ng bigat ng nabigong pag-asa.

May inaasahan silang Mesiyas, may inaasahan silang direksiyon, may inaasahan silang kinalabasan. Ngunit ang krus ang tila sumira sa script. At sa puntong iyon, ang pinakanatural na galaw ay ang lumayo, umalis at bumalik sa dati nilang buhay.

Pero dito papasok ang hindi inaasahang galaw ng Ebanghelyo. Hindi sila hinabol para sermonan. Hindi sila pinilit maniwala agad. Sa halip, may sumabay sa kanila sa paglalakad. Si Hesus mismo, tahimik, hindi kaagad nakikilala.

At dito nagiging mahalaga ang isang katotohanan na madalas nating nakakaligtaan: ang Diyos ay hindi nahuhuli sa ating pagkalito. Hindi Siya nasa unahan lang na hinihintay tayong makahabol. Siya ay kasama mismo sa daan, kahit ang direksiyon natin ay tila palayo.

Iyon ang unang galaw ng grasya, ang Diyos na hindi natatakot sumabay sa mga taong disillusioned, litong-lito at unti-unting nawawalan ng gana. Nakikinig Siya. Hindi Siya nang-aagaw ng eksena. Hinahayaan Niyang mailabas ang bigat ng loob. At habang naglalakad, unti-unti Niyang binubuksan ang Kasulatan, hindi para ipahiya sila, kundi para ipakita na ang mga pangyayaring akala nilang kabiguan ay bahagi pala ng mas malalim na kuwento.

Hanggang sa maramdaman nila ito, “Hindi ba’t nag-aalab ang ating puso habang Siya’y nagsasalita sa daan?” Hindi pa nila Siya nakikilala, pero may gumagalaw na sa loob nila. Ito ang sinasabi ng Salmo, “Ituro mo ang landasin ng buhay kong hahantungin.” Dahil minsan, hindi natin kailangan agad ng kasagutan, kundi ng kasama sa paglalakad habang hindi pa malinaw ang lahat.

Sa paghahati ng tinapay, nabuksan ang kanilang mga mata. Nakilala nila Siya. At sa sandaling iyon, nagbago ang direksiyon ng kanilang buhay. Hindi na sila bumalik sa Emaus. Bumalik sila sa Jerusalem.

Mula sa paglayo, naging pagbabalik. Mula sa pagkalito, naging pagkamangha. Mula sa disillusionment, naging misyon. Hindi na sila tahimik na naglalakad palayo, kundi nagmamadaling nagbabalita: Buhay ang Panginoon!

Sa Unang Pagbasa, si Pedro ay nagsasalita hindi bilang taong walang sugat, kundi bilang saksi ng Diyos na marunong bumangon mula sa pagkabigo ng tao. Sa Ikalawang Pagbasa, malinaw na ang pundasyon ng pananampalataya ay hindi ang consistency ng mga tao, kundi ang katapatan ng Diyos na nag-alay ng sarili kay Kristo, kahit hindi ito ang inaasahang anyo ng tagumpay.

At kung ilalapat sa atin, lalo na sa panahon ngayon na mabilis tayong madismaya sa mga institusyon, lider, at maging sa sarili nating pananampalataya, ang Emaus ay paalala na hindi agad inaalis ng Diyos ang ating disillusionment. Mas madalas, pinapasok Niya ito. Sinasamahan Niya tayo rito. At doon, unti-unti Niyang binabago hindi lang ang sitwasyon, kundi ang direksiyon ng ating paglalakad.

Marahil ang tanong ay hindi kung bakit tayo nadismaya, kundi kung kaya ba nating kilalanin na sa buong panahon ng ating pagkalito, hindi pala tayo nag-iisa. At kung matutuhan nating makita ang Diyos hindi lang sa malinaw na sandali, kundi pati sa gitna ng ating Emaus, doon nagsisimula ang pagbabalik.

Nawa’y huwag tayong umalis agad sa Emaus ng ating pagdududa, sapagkat baka doon mismo nakatayo si Kristo, naghihintay na mapagod tayo sa pagtalikod upang matuto tayong lumingon.