Tayo’y pauwi sa tahanan, Siya nama’y nananahan
Ang galaw ng Diyos na hindi lang naghihintay sa atin sa dulo, kundi Siya mismo ang pumanaog upang makipamuhay sa atin.
Ikalimang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay – Mga Gawa 6:1-7 | Salmo 32 | 1 Pedro 2:4-9 | Juan 14:1-12
May isang awit na madalas nating marinig sa lamay o libing. Marahang inaawit habang ang mga tao’y tahimik na nakaupo, may hawak na kandila, o nakatitig sa kabaong. “Pauwi na sa tahanan Mo, pabalik na sa Iyo.” Kapag naririnig natin ito, parang malinaw ang mensaheng ating natatanggap: ang kamatayan ay pag-uwi, isang pagbabalik sa Ama.
Tunay ngang puno ng lungkot, ngunit patuloy itong nagtuturo sa atin na kumapit sa pag-asa: isang pag-asang ang ating mahal na yumao, nawala man sa ating piling, ay nauna lang, at tayo rin ay susunod sa landas na iyon.
Ngunit may isa pang awit na tila kabaligtaran ang direksiyon. Isang awit na hindi pataas ang tingin kundi pababa ang paanyaya: “Pumanaog ka, Poon, sa tahanang laan sa ’Yong kaluwalhatian. Puspusin mo ng biyaya ang dumudulog sa ’Yong dambana.” Kung ang “Pauwi na” ay awit ng pag-akyat pabalik sa Diyos, ang awit na ito’y panalangin ng pagbaba ng Diyos patungo sa atin.
Sa pamamagitan ng dalawang kantang ito, ating mas palalimin ang ating pagnilay sa Mabuting Balita sa Ikalimang Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay.
Sinasabi ni Hesus, “Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Pupunta ako upang ipaghanda kayo ng lugar.” Sa unang konteksto, ito’y bahagi ng Kanyang pamamaalam sa mga alagad, isang paaliw sa kanilang nalilito at nalulungkot na mga puso.
Ngunit sa konteksto ng panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, habang papalapit ang Kanyang Pag-akyat sa Langit, ang mga salitang ito’y muling umaalingawngaw bilang paanyaya na unawain ang Kanyang pag-alis hindi bilang pagkawala, kundi bilang pagbubukas ng isang bagong paraan ng Kanyang pananatili.
Madalas, iniisip natin na ito ay tungkol sa langit, isang tahanang pupuntahan natin balang araw, isang direksyong “pauwi.” Ngunit kung pakikinggan natin ito sa loob ng salvation history, may isa pang galaw na kasabay nito: ang galaw ng Diyos na hindi lang naghihintay sa atin sa dulo, kundi Siya mismo ang pumanaog upang makipamuhay sa atin.
Sa isang lipunang puno ng agwat, may naririnig at may hindi, may napapansin at may nalilimutan, nasaan ang tahanan ng Diyos? Hindi sapat na ituro ito sa mga simbahan o sa mga ritwal. Ang tanong ay kung ang ating mga komunidad ba ay nagiging lugar kung saan ang bawat isa ay may puwang.
Mula pa noong una, ito na ang hangarin ng Diyos. Sa Lumang Tipan, ninais Niyang manahan sa gitna ng Kanyang bayan. “Maninirahan ako sa kanila,” sabi sa aklat ng Exodo. Kaya nagkaroon ng tolda sa ilang at, kalaunan, ng templo sa Jerusalem. Ang mga ito’y naging kongkretong tanda na ang Diyos ay hindi malayo, kundi kasama ng Kanyang bayan.
Ngunit sa pagdating ni Hesus, mas lalo itong naging radikal. Hindi na lang gusali ang tahanan ng Diyos. Siya mismo ang naging templo. “Sirain ninyo ang templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay itatayo ko.” Ang presensiya ng Diyos ay nagkatawang-tao. Hindi na nakakulong sa bato, kundi lumalakad, nakikipag-usap at nakikisalo.
Dito natin mas nauunawaan ang Kanyang ibig sabihin sa “bahay ng Ama.” Hindi lang ito isang lugar na pupuntahan natin sa hinaharap, kundi isang realidad na sinisimulan na ngayon. Dahil sa Kanya, ang tahanan ng Diyos ay hindi na lang nasa itaas; ito ay itinatayo sa gitna natin.
Ito ang sinasabi ng Ikalawang Pagbasa mula sa Unang Sulat ni San Pedro. Tayo ay parang mga batong buhay na binubuo bilang isang espiritwal na tahanan, na si Kristo ang batong panulukan. Ibig sabihin, ang panalangin nating “Pumanaog ka, Poon” ay unti-unti nang tinutugon, hindi sa pamamagitan ng isang gusali, kundi sa pamamagitan ng isang pamayanang hinuhubog ng Espiritu.
At kahit napakaganda ng imaheng ito, hindi ito madaling tanggapin. Ang batong panulukan ay siya ring naging batong katitisuran. Eskandaloso ang ganitong pananampalataya. Ang isang makapangyarihang Diyos ay piniling bumaba sa antas ng tao at makipamuhay sa Kanyang nilikha, sa halip na manatiling malayo at mag-utos lang.
Ngunit hindi ito awtomatikong nangyayari. Hindi dahil may itinuro si Hesus ay agad na itong naisabuhay ng Kanyang mga alagad. Makikita natin sa Unang Pagbasa, isang kuwento mula sa mga Gawa, na kahit ang unang komunidad ay may tensiyon. May mga biyuda na napapabayaan at may mga boses na hindi naririnig. At kung hindi ito haharapin, mababasag ang mismong tahanan na kanilang binubuo.
Kaya kumilos ang Labindalawa. Hindi lang upang ayusin ang sistema, kundi upang tiyakin na ang bawat isa ay may lugar. Sapagkat kung ang Diyos ay tunay na nananahan sa kanilang gitna, hindi maaaring may naiiwan sa gilid. Oo, mahalaga ang panalangin at pangangaral ng Salita, ngunit hindi maaaring may napapabayaan. Ang presensiya ng Diyos ay nasusukat sa paraan ng pag-aalaga sa isa’t isa.
Sa ganitong liwanag, nagiging malinaw ang hamon sa atin ngayon. Sa isang lipunang puno ng agwat, may naririnig at may hindi, may napapansin at may nalilimutan, nasaan ang tahanan ng Diyos? Hindi sapat na ituro ito sa mga simbahan o sa mga ritwal. Ang tanong ay kung ang ating mga komunidad ba ay nagiging lugar kung saan ang bawat isa ay may puwang.
Mapakahalaga ng sinabi ni Hesus: “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay.” Hindi lang ito sagot kay Tomas tungkol sa patutunguhan, kundi paanyaya kung paano mamuhay. Siya ang daan, isang landas ng paglilingkod. Siya ang katotohanan, isang katotohanang hindi tumatalikod sa sugat ng lipunan. Siya ang buhay, isang buhay na umaabot lalo na sa mga madaling makaligtaan.
Marahil kailangan nating pakinggan ang dalawang awit na ito nang sabay. Oo, tayo ay “pauwi na sa tahanan.” Ngunit habang tayo’y naglalakbay, patuloy din nating ipinapanalangin at inaawit: “Pumanaog ka, Poon.” At ang nakakagulat na katotohanan ng Ebanghelyo ay ang dalawang galaw na ito ay nagtatagpo kay Kristo. Habang tayo’y pauwi sa Ama, ang Ama ay patuloy na pumapanaog sa atin.
Sigurado akong makakauwi at makakarating tayo sa Kanyang tahanan. Ngunit sana, sa ating paglalakbay, hayaan din nating manahan Siya sa ating buhay. Sa bawat pagkakataong pinipili nating magbigay ng lugar sa iba, lalo na sa mga madaling maiwan, doon unti-unting natutupad ang panalangin: “Pumanaog ka, Poon, puspusin mo ng biyaya ang dumudulog sa ’Yong dambana.”