Ang lohika ng Diyos, lohika ng Krus
Ang lohika ng Diyos ay laging nagtutuwid sa lohika ng lipunan.
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon – Zacarias 9:9-10 | Salmo 144 | Roma 8:9, 11-13| Mateo 11:25-30
Bakit nga ba kalakasan ang laging pamantayan ng mundo? Kapag mahina ka, para bang wala ka nang saysay. Wala ka nang halaga. Tila umiikot ang daigdig sa iisang lohika, ang lohika ng kapangyarihan. Kaya sa isang mundong ang sukatan ay lakas, impluwensiya at tagumpay, mas nauunawaan natin kung bakit tila ilohikal ang paraan ng pagkilos ng Diyos.
Sinasabi nga sa literatura ng Karunungan na walang sinumang ganap na nakauunawa sa isip at mga paraan ng Diyos. Ganito rin ang ipinahayag ni San Pablo nang kanyang ipangaral ang lohika ng Krus. Ang Kristong ipinako sa krus ay katitisuran para sa mga Hudyong naghahanap ng mga tanda at kahangalan para sa mga Griyegong naghahanap ng karunungan. Ang mismong paraan ng Diyos sa pagliligtas ay salungat sa inaasahan ng tao. Kaya nga ang lohika ng Krus ay nananatiling tila kabaliwan sa paningin ng mundo.
Ito rin ang makikita sa mga pagbasa ngayong Linggo. Makikita natin ang isang paulit-ulit na galaw ng Diyos sa kasaysayan ng kaligtasan: ang dakilang pagbabaliktad. Ang inaasahan ng tao ay binabaligtad ng Diyos. Ang itinuturing na mahina ang siyang pinipili. Ang tila walang halaga ang siyang itinataas. Ang tila kabiguan ang nagiging daan ng tunay na tagumpay.
Ang pagbabaliktad na ito ang tumatakbo sa lahat ng ating mga pagbasa. Sa Unang Pagbasa, sinabi ni propeta Zacarias, na ang hari na ipinangako ng Diyos ay hindi dumarating na sakay ng kabayong pandigma, kundi sakay ng isang asno. Sa pamantayan ng daigdig, ang isang hari ay kailangang magpakitang-gilas, magpasindak, at magpakita ng lakas upang kilalanin.
Ngunit ang Mesiyas ng Diyos ay hindi naghahari sa pamamagitan ng takot. Ang Kanyang kapangyarihan ay nakikita sa kababaang-loob. Hindi siya nagdadala ng digmaan kundi kapayapaan at lalo’t lalo nang hindi siya nagpapalawak ng kaharian sa pamamagitan ng dahas kundi sa pamamagitan ng pag-ibig na handang magbigay ng sarili.
Kung ang mundo ay humahanga sa dominasyon, ang Diyos ay kumikilos sa pakikiisa. Kung ang lipunan ay sumusukat sa halaga ng tao batay sa yaman, impluwensiya at tagumpay, ang Diyos ay tumitingin sa dangal na taglay ng bawat tao bilang Kanyang larawan.
Ganito rin ang ipinakikita ng Ebanghelyo. Ang hiwaga ng Diyos ay hindi unang naunawaan ng mga eskriba at mga Pariseo na sanay sa Kautusan at may mataas na pagtingin sa kanilang sariling kaalaman. Sa halip, ang mga simpleng mangingisda, mga karaniwang tao, at maging ang mga makasalanang handang magsisi ang siyang naging bukas sa paghahayag ni Kristo. Hindi dahil kulang ang talino ng mga nauna, kundi dahil may uri ng karunungan na hindi kayang abutin ng isip na puno ng sariling katiyakan. Ang pusong marunong magpakumbaba ang nagiging tahanan ng paghahayag ng Diyos.
Kaya nang sabihin ni Hesus, “Matuto kayo sa akin sapagkat ako ay maamo at mapagpakumbaba,” hindi lang siya nagtuturo ng isang birtud. Inihahayag niya ang mismong mukha ng Diyos. Ang Diyos na ipinakilala ni Kristo ay hindi isang pinunong naghahari mula sa malayo. Siya ang Diyos na lumalapit sa tao, nakikibahagi sa kanyang pagod, dinadala ang kanyang mga sugat, at inaakay siya sa tunay na kapahingahan. Ang pagiging maamo ay hindi kahinaan. Ang kababaang-loob ay hindi kawalan ng tapang. Sa lohika ng Diyos, ito ang tunay na anyo ng lakas dahil ang pag-ibig ang pinakamakapangyarihang puwersang kayang magbago ng tao.
Sa Ikalawang Pagbasa, ito rin ang ipinapaalala ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Roma. Ang Espiritu ni Kristo ang nananahan sa mga mananampalataya. Ang ibig sabihin nito ay hindi lang tayo naniniwala kay Kristo; tinatawagan tayong magkaroon ng Kanyang pag-iisip, Kanyang puso at Kanyang paraan ng pamumuhay.
Kung ang laman ay nagtutulak sa tao na unahin ang sarili, ang Espiritu naman ang humuhubog sa atin upang matutong maglingkod, magpatawad, at magmahal. Ito rin ang Espiritung bumuhay kay Kristo mula sa kamatayan. Kaya ang pag-asa ng Kristiyano ay hindi nakatali sa pansamantalang tagumpay ng mundong ito. Ang huling salita ay hindi kamatayan, hindi kabiguan, at hindi kapangyarihan. Ang huling salita ay buhay.
Kaya umaawit ang salmista na ang Panginoon ay tapat sa Kanyang mga pangako at inaalalayan ang mga nabubuwal. Hindi pinapaboran ng Diyos ang may impluwensiya o ang may pinakamalakas na tinig. Ang Kanyang tingin ay laging nakatuon sa mga inaapi, sa mga napapagal at sa mga halos mawalan na ng pag-asa.
Ito ang dahilan kung bakit ang Simbahan ay hindi maaaring maging kampante sa piling ng kapangyarihan habang nananatiling hindi naririnig ang tinig ng mga nasa laylayan. Ang lohika ng Diyos ay laging nagtutuwid sa lohika ng lipunan. Kung ang mundo ay humahanga sa dominasyon, ang Diyos ay kumikilos sa pakikiisa. Kung ang lipunan ay sumusukat sa halaga ng tao batay sa yaman, impluwensiya at tagumpay, ang Diyos ay tumitingin sa dangal na taglay ng bawat tao bilang Kanyang larawan.
Nawa’y wag nating hayaan na tuluyan tayong mahubong ng lohika ng mundo, isang lohikang umiikot sa kompetisyon, paghihiganti at sariling kapakinabangan, at nawa tayo’y matuto sa lohika ni Kristo. Isang lohikang nagpapahayag at nagtuturo sa atin na yumuko upang maglingkod, makinig bago humusga, at magbuhat ng pasanin ng iba.
Sapagkat sa bawat pagkakataong pinipili natin ang kababaang-loob kaysa pagmamataas, ang habag kaysa paghihiganti, at ang katapatan kaysa pansariling pakinabang, doon unti-unting nahahayag ang kaharian ng Diyos sa gitna ng ating lipunan.