Hindi ako ang pinili
Sa hapag ng Diyos, hindi lang mahalaga kung sino ang unang pinili. Mahalaga rin kung sino ang handa nating paupuin sa tabi natin.
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon – Isaias 56:1, 6-7 | Salmo 66 | Roma 11:13-15, 29-32 | Mateo 15:21-28
May mga pagkakataong napakasimple lang ng paraan kung paano natin natutuklasang hindi pala tayo pinili.
Naalala ko noong isang exam namin na kailangang gawin nang triad. Katabi ko ang isang kaibigan, kaya natural na kaming dalawa ang magkagrupo. Kailangan namin ng isang kasama. May isang kaklase kaming nakita na parang sigurado na kaming siya na ang ikatlo.
Ngunit nang dumating ang oras ng pagbuo ng grupo, may iba siyang pinili. Walang eksenang nangyari. Nakabuo rin kami ng grupo at nagpatuloy ang exam. Pero may sandaling napaisip ako, “Ah, hindi pala ako ang pinili.” Maliit na bagay iyon, pero pamilyar ang pakiramdam. Hindi ka tahasang tinatanggihan. Sadyang may ibang mas pinili kaysa sa iyo.
Ngayong Linggo, maaari nating pag-ugnayin ang mga pagbasa sa pamamagitan ng salitang “pinili” o “hinirang.” Hindi kasi sa lahat ng panahon na ang pagiging pinili o pagkahirang ay nangangahulugan ng pribilehiyo. Kasabay nito ang responsibilidad.
Sa Unang Pagbasa, naririnig natin ang isang mahalagang pagbabago sa pag-unawa ng Israel tungkol sa kanilang pagkakakilanlan bilang bayan ng Diyos: ang mga dating dayuhan ay maaari nang mapabilang sa mga naglilingkod sa Panginoon at nag-iingat sa kanyang tipan. Sinasabi ng Diyos na dadalhin niya sila sa kanyang banal na bundok at ang kanyang Templo ay tatawaging “bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.”
Kaunting konteksto lang. Ang Isaias 56-66 ay karaniwang inilalagay ng mga biblical scholar sa panahong matapos ang exile ng Israel. Matapos ang pagkawasak at pagkawala ng kanilang bayan at templo, para silang nawalan ng pagkakakilanlan at kinailangang muling isipin kung sino sila bilang bayan ng Diyos. Ipinakita ng Diyos na maaaring magkaroon ng lugar sa kanyang bayan ang mga dating nasa labas.
Ang pagpapalang tinanggap nila ay may direksiyong palabas. Ito ang maririnig natin sa tugon ng Salmo, “Nawa’y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.” Nawa’y maakit din ang ibang bayan sa pagkilala at pagsamba sa iisang Diyos.
Ang babaeng hindi kabilang ang siyang pinuri ni Hesus, “Napakalaki ng iyong pananalig!” Kung sino pa ang taong nasa labas, isang outsider, ang naging halimbawa ng pananampalataya para sa mga nasa loob.
Ngunit sa Mabuting Balita, tila may pader na muling lumitaw. Isang Cananeang babae ang lumapit kay Hesus. Hindi siya kabilang sa Israel at may mahabang kasaysayan ng hidwaan sa pagitan ng mga Cananeo at mga Judio. Ngunit lumapit siya dahil naghihirap ang kanyang anak, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!”
Hindi siya agad sinagot ni Hesus. Nang mamagitan ang mga alagad, sinabi niyang sa mga tupang naliligaw ng sambahayan ng Israel lamang siya sinugo. At nang ipagpatuloy ng babae ang kanyang pagsusumamo, sinabi pa niya, “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga tuta.”
Masakit pakinggan ang salita. Ikaw ba naman tawaging aso, ‘di ba? Sa konteksto ng panahong iyon, ang “aso” ay maaaring gamitin bilang mapanlait na tawag sa mga Hentil. Alam ng babaeng ito kung saan siya inilalagay, nasa labas siya ng sambahayan, hindi kabilang sa mga “anak.”
Ngunit hindi siya umalis. Ipinagpatuloy niya, “Tunay nga po, Panginoon, ngunit ang mga tuta man ay nagsisikain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon.” Hindi niya ipinilit na agawin ang pagkain ng mga anak. Ang pinanghawakan niya ay ang kasaganahan ng Diyos. Kung may hapag ang Diyos, naniniwala siyang may biyayang aabot kahit sa isang taong nasa labas.
Ang babaeng hindi kabilang ang siyang pinuri ni Hesus, “Napakalaki ng iyong pananalig!” Kung sino pa ang taong nasa labas, isang outsider, ang naging halimbawa ng pananampalataya para sa mga nasa loob.
Ganito rin ang binibigyang-diin ni Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Sa gitna ng tensiyon sa pagitan ng mga Judio at mga Hentil, ipinapaalala niya na “ang Diyos ay hindi nagbabago ng isip tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag.” Ang lahat ay inilalagay sa ilalim ng habag ng Diyos.
May hamon ito sa paraan natin ng pagtingin sa pagiging pinili. Kapag hindi tayo ang pinili ng isang tao, madaling isipin na may kulang sa atin. Minsan, natututo tayong magbaba ng inaasahan, “Okay na siguro kahit hindi ako ang unang piliin.” Ngunit hindi dapat maging sukatan ng ating halaga ang pagpili ng ibang tao.
At sa usapin ng mga pinili at hinirang, tayo naman ngayon ay inaanyayahang kilalanin at bigyang-pansin ang mga taong hindi natin pinipili. Sa ating pamilya, mga kaibigan, paaralan, komunidad, trabaho at maging sa Simbahan, may mga taong madaling lapitan dahil komportable tayo sa kanila. May iba namang nananatili sa gilid dahil hindi sila kabilang sa ating circle. Walang kailangang magsabi sa kanila na “hindi ka kabilang.” Minsan, sapat nang paulit-ulit silang hindi mapansin.
Kung pinili tayo ng Diyos, hindi ito lisensiya upang mamili kung sino ang karapat-dapat mahalin. Ang pagiging pinili ay paanyaya ring maging bukas sa mga nasa labas. At kung tayo naman ang nakaranas na hindi mapili, tandaan natin ang Cananea: ang pagtanggi ng tao ay hindi nangangahulugang tinanggihan na tayo ng Diyos.
Sapagkat sa hapag ng Diyos, hindi lang mahalaga kung sino ang unang pinili. Mahalaga rin kung sino ang handa nating paupuin sa tabi natin.