Kabataan

Masalimuot ang tunay na mundo sa mga fresh grad 


Halos lahat ng mag-aaral ay may pangunahing layunin—ang makapagtapos sa kolehiyo. Para sa marami, ito ang magdadala sa kanila sa mas magagandang oportunidad sa buhay. 

Halos lahat ng mag-aaral ay may pangunahing layunin—ang makapagtapos sa kolehiyo. Para sa marami, ito ang magdadala sa kanila sa mas magagandang oportunidad sa buhay.  

Ngunit paano kung hindi naman ganito? Paano kung sa kabila ng apat na taong pag-aaral, mananatili pa ring hamon ang paghahanap ng trabaho?

Ito ang suliraning kinakaharap ngayon ni Regie Pillado, 23. Nakuha niya noong Hulyo 2025 ang kanyang Bachelor of Arts in Mass Communication, major in Convergent Media sa Far Eastern University Manila.

Isang taon na ang nakalilipas magmula nang grumadweyt pero hindi pa rin siya nakahahanap ng maayos na trabaho. 

Sa pinakabagong sarbey ng Philippine Statistics Authority (PSA), tinatayang 87.6% ang youth employment rate nitong Mayo 2026 sa bansa. Katumbas ito ng 6.10 milyon na mga kabataan. Bumaba ito kumpara sa naitalang 91.5% noong Mayo ng nakaraang taon o katumbas naman ng 6.18 milyon na kabataan. 

Ang mga employed youth ay tumutukoy sa mga kabataang edad 15 hanggang 24 na may trabaho sa panahong isinagawa ang sarbey at ang mga nakatakdang magsimula ng trabaho sa loob ng dalawang linggo mula sa araw ng sarbey. 

Kuwento ni Pillado, nagkaroon naman daw siya ng trabaho sa isang kompanyang e-commerce tatlong buwan pagka-gradweyt sa kolehiyo. Pero umalis rin siya kalaunan. Naging malaking hamon ito para sa kanya dahil bukod sa pagiging fresh graduate, hindi naman tumutugma sa kursong kinuha niya ang nauna niyang naging trabaho. 

“Ang expectation ko is makapunta agad sa gusto kong field or sa gusto kong gawin na related sa ginagawa ko noong college,” sabi ni Pillado. “Medyo nangangapa pa talaga ako no’ng time na ‘yon kasi wala naman akong experience pa talaga e. And different industry ‘to, sa e-commerce [ito].”

Napilitan na lang aniya siya na kunin ang trabaho kahit hindi tumutugma sa tinapos na kurso dahil kailangan niyang tumulong sa kanilang mga gastusin sa bahay. 

“Napakahalaga [na] gusto mo pa rin magtrabaho sa industriya na gusto mo, but at the same time kasi hindi palaging [napapasayo ‘yong] opportunity. Kung anong opportunity ‘yong dumating, ‘yon ‘yong tatanggapin [ko],” sabi ni Pillado.

Kinalaunan, napagtanto ni Pillado na hindi na siya masaya sa trabaho niya at hindi na rin sumasapat ang kinikita niya bilang empleyado sa kompanyang e-commerce kaya umalis na siya rito. 

Sa ngayon, patuloy pa rin siyang naghahanap ng trabaho. “Naghahanap pa rin ako ng work kasi super hirap makahanap in today’s job market kasi napaka-saturated ng job market,” sabi ni Pillado.

Dagdag pa niya, maraming kompanyang nagsasabing tumatanggap sila ng mga fresh graduate pero sa isang banda, naghahanap naman ito ng mga may isa hanggang tatlong taong work experience. 

Sa isang pag-aaral ng Bangko Sentral ng Pilipinas, tinawag na mas “vulnerable” ang mga kabataan sa job market kumpara sa ibang manggagawa. Inuugnay ang kondisyong ito sa kakulangan nila ng karanasan sa trabaho kaya mas nagiging kaunti ang pagkakataon nilang matanggap lalo na kapag mahina ang job market. 

Hindi nag-iisa si Pillado. Sa katunayan, sa pinakabagong datos ng PSA, umabot ng 12.9% ang youth underemployment rate ng Pilipinas nitong Mayo 2026. Ibig sabihin, katumbas ito ng 787,000 na mga kabataang may mga trabaho ngunit nais pang magkaroon ng karagdagang trabaho dahil mababa ang kinikita. Tumaas ito mula sa 708,000 na kabataan noong Mayo 2025. 

Sa iprinesentang Philippine Labor and Employment Plan 2023-2028 ng Department of Labor and Employment (DOLE), inilatag ng ahensiya ang mga plano nito para sa sektor ng paggawa. Kasama rito ang pagbibigay priyoridad sa pagpapataas ng antas ng employability ng mga kabataang Pilipino. 

Para maisakatuparan ito, sinasabi ng DOLE na mahalagang mabigyan ang mga kabataan ng mga angkop na kasanayan at kakayahan. Sa partikular, hinihikayat nila ang koordinasyon ng mga institusyon ng edukasyon at pagsasanay, pati na rin ang pribadong sektor, para sa aktibong interbensiyon at programang nagtataguyod ng employability ng mga kabataan.  

Ngunit kung titignan ang datos mula sa PSA sa mga nagdaang taon, hindi pa rin nagtutuloy-tuloy ang pagtaas ng youth employment rate sa bansa. 

Para kay Pillado na wala pa ring nagiging maayos na trabaho sa ngayon, magtutuloy-tuloy pa rin ang paghahanap. 

“Sana ‘yong hinihingi ng mga company is, sana naman be reasonable or sana naman ‘yong expectation nila is hindi napakataas agad para sa mga fresh graduate dito sa Pilipinas,” sabi ni Pillado. “Mas bigyang-pansin pa [sana] ng gobyerno na bigyan ng mas maraming pagkakataon ang mga Pilipino na magkaroon ng trabaho.”