Sa Pagitan ng Ordinaryo't Banal

May spare key ka na

Kay Pedro ipinagkatiwala ni Hesus ang mga susi ng kaharian. Sa atin naman, may maliliit na susi ring ipinagkakatiwala araw-araw.

Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon – Isaias 22:19-23| Salmo 137 | Roma 11:33-36| Mateo 16:13-20

Naranasan n’yo na bang bigyan ng susi sa isang lugar na dati’y pinupuntahan n’yo lang bilang bisita? Isipin niyo: nakatayo kayo sa harap ng isang bahay o opisina, hawak ang maliit na piraso ng metal na magbubukas doon, pero parang ramdam n’yo na higit pa sa bakal ang ipinagkatiwala sa inyo.

Kasama ng susi ang isang uri ng pagtitiwala na parang nagsasabing, “Maaari ka nang pumasok, maaari kang magbukas, at may bahagi ka nang pananagutan sa lugar na iyon.” Grabe, ‘no? Ang sarap sa pakiramdam na pinagkakatiwalaan ka dahil sa isang napakaliit na bagay. Pero para saan? Paano ba natin ito gagamitin?

Ganoon ang bigat ng mga salitang sinabi ni Hesus kay Pedro, “Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit.” Bago niya ito sabihin, tinanong muna niya ang mga alagad, “Sino ako?” Mahalaga ang pagkakasunod-sunod. Bago pagkatiwalaan ni Pedro ng mga susi, kailangan muna niyang kilalanin kung kanino nagmumula ang mga ito. Ang susi ay hindi lang tanda ng kapangyarihang ibinigay ni Hesus kay Pedro, ito rin ay tanda ng tiwalang ipinagkaloob niya sa kanya.

Ating balikan ang Unang Pagbasa, kung saan kay Eliaquim ipinagkatiwala ang “susi ng bahay ni David.” Ang may susi ay may awtoridad na magbukas at magsara. Gayunman, bago pa man makarating ang susi kay Eliaquim, may isang taong inalis sa kanyang katungkulan, si Sabnang. Ipinapaalala nito na ang posisyong ibinigay o ipinagkaloob sa atin ay hindi permanenteng pag-aari ng taong humahawak nito. Maaaring ipagkatiwala sa atin ngayon at ipagkatiwala sa iba bukas.

Marahil pamilyar sa atin ang ganitong karanasan. May pagkakataong napili tayo upang maging lider ng isang grupo, inatasang humawak ng isang gawain o pinagkatiwalaan ng isang responsibilidad. Sa simula, nakakatuwang marinig ang ating pangalan. May kakaibang saya kapag may nagsabing, “Ikaw na ang bahala rito.” Ngunit habang tumatagal, nauunawaan nating kasama ng pagtitiwala ang posibilidad na may masaktan sa paraan ng ating pagpapasya.

Dito nagiging mahalaga ang tanong ni Hesus kay Pedro, “Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?” Madali kasing malaman kung ano ang sinasabi ng iba tungkol kay Hesus. Madali ring malaman kung ano ang inaasahan ng mga tao sa isang lider. Mas mahirap ang personal na pagkilala. Sino si Hesus para sa akin kapag ako na ang may hawak ng susi? Sino siya kapag ako ang may kapangyarihang magpasya kung sino ang papapasukin at sino ang paghihintayin sa labas?

Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” Mula sa pagkilalang ito nagmula ang kanyang pagtanggap ng mga susi. Hindi nito ipinapakita na ang kaharian ay naging pag-aari ni Pedro o na nasa kanya ang huling salita. Ang ipinagkatiwala sa kanya ay para sa isang bagay na higit sa kanyang sarili.

Ito ang mahalagang paalala para sa sinumang may hawak ng kapangyarihan. Maaari tayong magkaroon ng posisyon sa Simbahan, sa paaralan, sa trabaho, sa ating mga komunidad o maging sa loob ng sariling pamilya. May mga pagkakataong tayo ang may kakayahang magbigay ng pagkakataon sa iba. May mga pagkakataon ding tayo ang nagiging dahilan kung bakit may nananatili sa labas.

Kaya ang susi ay hindi lang tungkol sa pagbubukas ng pinto. Tungkol din ito sa uri ng komunidad na nabubuo sa pamamagitan ng ating mga desisyon. Kapag ang isang lider ay puro sariling kagustuhan ang sinusunod, nagiging makitid ang pintuan. Kapag ang awtoridad ay ginagamit upang protektahan lang ang sarili, may mga taong unti-unting natututong hindi na kumatok.

Sa Salmo, naririnig natin ang tugon, “Pag-ibig mo’y di kukupas, gawain mo’y magaganap.” Ang katapatan ng Diyos ang nananatili habang nagbabago ang mga taong pinagkakatiwalaan niya ng gawain. Kaya hindi dapat maging dahilan ng yabang ang isang posisyon. Kung may susi man tayong hawak, alam nating ipinahiram lang ito sa atin ng Diyos.

Maging si Pablo, sa Ikalawang Pagbasa, ay nagtuturo ng ganitong kababaang-loob sa atin, “Sapagkat mula sa kanya at sa pamamagitan niya at sa kanya ang lahat ng bagay.” Ang lahat ng mayroon tayo ay may pinagmumulan. Ang ating kakayahan, impluwensiya, posisyon at maging ang pagkakataong makapaglingkod ay hindi natin nilikha nang mag-isa.

Tayo’y nabigyan ng mga susi. Tayo’y pinagkatiwalaan nito. Pero sa mga susing hawak natin, ano-ano ang mga nabubuksan nito? Baka sa paggamit natin ng mga susi, imbis na makapagpapasok tayo, may mga naiiwan sa labas.

Baka may taong matagal nang naghihintay na bigyan natin ng pagkakataon. Baka may tinig na hindi natin pinapakinggan dahil hindi ito galing sa mga taong sanay nating kasama. Baka may pintuang kaya naman nating buksan, ngunit pinipili nating manatiling sarado dahil mas komportable tayo sa loob.

Kay Pedro ipinagkatiwala ni Hesus ang mga susi ng kaharian. Sa atin naman, may maliliit na susi ring ipinagkakatiwala araw-araw. Sa mga susi na hawak natin, nawa’y maging maingat tayo sa paggamit ng mga ito. Dahil ang kapangyarihang nagmumula sa Diyos ay laging may kasamang pananagutan: may pinto tayong kailangang buksan upang mas maraming tao ang makaranas na may lugar sila sa kaharian.