Pasukan sa PUP, sinimulan sa protesta


Kasabay ng pagbubukas ng klase, nanawagan ang komunidad ng Polytechnic University of the Philippines laban sa nakaambang P12.2 bilyon budget cut sa 2027 at ang banta ng National Polytechnic University Bill.

Tinatayang higit 3,000 estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang kumilos sa taunang protesta na “First Day Fight” nitong Ago. 22.

Kasabay ng pagbubukas ng akademikong taon 2026-2027, nanawagan ang mga mag-aaral, lider-estudyante, guro, kawani at manggagawa ng pamantasan laban sa nakaambang P12.2 bilyon budget cut sa 2027 at ang banta ng National Polytechnic University (NPU) Bill.

Muling binubuhay ang NPU Bill matapos ibasura bunga ng naging pagkilos ng mga mag-aaral laban dito. Anila, banta ito sa libreng edukasyon at maaaring madagdagan ang mga bayarin sa pamantasan, habang binabawasan ang pondo para mga programa at iba pang serbisyo.

Dagdag pa nila, may mga higit pang dapat paglaanan ng pansin, katulad ng pagtataas sa badyet ng unibersidad nang mapaunlad ang mga pasilidad, serbisyo at kalidad ng edukasyon.

Bukod dito, inilarawan din nila ang kasalukuyang karanasan ng mga Pilipino gaya ng madalas na pagbaha, mataas na presyo ng bilihin at serbisyo, mababang pasahod at iba pa gawa ng patuloy na pagsasamantala ng gobyerno sa mamamayan.

Tumigindig din anila ang mga estudyante laban sa nakaambang pagpapatayo ng Pax Silica Economic Security Zone sa Tarlac sapagkat magpapalayas ito ng libo-libong katutubo, pagsira sa kalikasan at magbibigay ng ibayong kapangyarihan sa United States na kontrolin ang ating mga hilaw na materyales.

Bago nagtipon sa PUP University Avenue, isinagawa ang paunang programa sa tapat ng College of Communication. Dito ipinanawagan ng mga mag-aaral ang pagpasa sa Campus Press Freedom Bill, hustiya para sa “Toboso 19” kung saan kasamang nasawi ang mamamahayag na si RJ Ledesma at lider-estudyanteng si Alyssa Alano, at pagpapalaya sa community journalist na si Frenchie Mae Cumpio.