Petisyon para sa pagpapalaya sa NDFP consultant, inihain sa Korte Suprema
Naghain ng petition for writ of habeas corpus sa Korte Suprema si Fides Lim para sa pagpapalaya ng kanyang asawa na si Vicente Ladlad, 77, na mahigit walong taon nang nasa detensiyon.
Naghain ng petition for writ of habeas corpus sa Korte Suprema si Fides Lim, spokesperson ng Kapatid, isang organisasyon ng mga kaanak at kaibigan ng mga bilanggong politikal, para sa pagpapalaya ng kanyang asawa na si Vicente Ladlad, 77, na mahigit walong taon nang nasa detensiyon.
Inaresto si Ladlad, isang peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) noong 2018 sa kasong illegal possession of firearms and explosives.
Sa petisyong inihain kasama ang Free Legal Assistance Group noong Hulyo 31, hiniling ni Lim sa Korte Suprema na maglabas ng kautusang mag-uutos sa jail warden ng Manila City Jail Annex IV na si Mar Jan Mabungan na iharap si Ladlad sa loob ng 24 oras mula sa pagkatanggap ng nasabing writ.
Dagdag dito, hiniling din sa korte na atasan si Mabunga na magpaliwanag hinggil sa umano’y walang sapat na legal na basehan na pagkakakulong kay Ladlad.
Idiniin ni Lim na 69 taong gulang na si Ladlad noong arestuhin at ikinulong na nakararanas na noon ng chronic obstructive pulmonary disease at hypertensive cardiovascular disease. Aniya, nakakapagpalala sa kondisyon ng kanyang asawa ang pagkaantala sa kaso.
“Bawat araw ng pagkaantala ay may kaakibat na sikolohikal na epekto kay Vic. Ang dapat sana’y simpleng detensyon ay maaari nang mauwi sa kamatayan,” sabi sa petisyon sa Ingles.
Sinabi rin ni Lim na ibinubunyag ng petisyon ang paulit-ulit na paggawa ng dahilan ng mga pulis kaugnay sa pag-aresto kay Ladlad.
Aniya, ilegal ang pagkaaresto at pagpapanatili sa detensiyon ni Ladlad dahil inamin ng pulisya sa cross examination na tinaguriang “high-value target” si Ladlad kahit na inaresto lang siya noong 2018 sa bisa ng search warrant at walang arrest warrant.
Kinondena ni Lim ang halos walong taong umanong pagkaladkad ng prosekusyon sa paglilitis dahil sa paulit-ulit na pagliban, kawalan ng paghahanda at nawawalang ebidensiya.
“Ang pagkaantala ng hustisya sa loob ng hukuman ay nagiging parusang kamatayan sa loob ng selda,” pahayag ni Lim.