Bansag na ‘terorista’ sa 4 na lider-katutubo, inapela
Hiniling ng apat na lider ng Cordillera Peoples Alliance sa Court of Appeals na ipawalang-bisa ang pagbansag sa kanila ng pamahalaan bilang mga “teroristang indibidwal.”
Hiniling ng apat na lider ng Cordillera Peoples Alliance (CPA) sa Court of Appeals na ipawalang-bisa ang pagbansag sa kanila ng pamahalaan bilang mga “teroristang indibidwal” at ideklarang labag sa Saligang Batas ang probisyon ng Anti-Terrorism Act na pinagbatayan nito.
Inihain nina CPA chairperson Windel Bolinget, founding member Sarah Abellon-Alikes, Research Commission member Jennifer Awingan-Taggaoa at Regional Council member Stephen Tauli ang 84 pahinang joint memorandum on appeal noong Set. 24, katuwang ang National Union of Peoples’ Lawyers.
Hinihiling nila sa hukuman na baliktarin ang desisyon ng Baguio City Regional Trial Court (RTC) Branch 78, ipawalang-bisa ang Anti-Terrorism Council (ATC) Resolution No. 41 at alisin ang freeze order ng Anti-Money Laundering Council sa kanilang mga bank account at ari-arian.
Ibinasura ni RTC Branch 78 Judge Hilario Belmes noong Abril 30 ang petisyon ng apat laban sa ATC nang hindi tinatalakay ang mga isyung konstitusyonal na inihapag.
Walang abiso
Ayon sa kanilang apela, isinagawa nang lihim, o ex parte, ang proseso ng designation. Ibig sabihin, naisagawa ito nang walang paunang abiso at walang pagkakataong sagutin ang mga alegasyon. Wala ring naibigay na pagkakataon na ilatag ang mga ebidensiya bago ipinataw ang parusa.
Natuklasan lang nila ang designasyon noong Hulyo 10, 2023, ang araw ng paglalathala ng resolusyon sa pahayagan.
“Nalaman lang namin sa isang newspaper na kami pala ay na-designate bilang terorista,” ani Awingan-Taggaoa sa isinigawang street press conference sa harap ng Court of Appeals. “Isang bangungot na patuloy na lumiligalig sa aming buong pamilya.”
Mali rin umanong sinandigan ng RTC ang Calleja v. Executive Secretary. Pinagtibay ng Korte Suprema noong 2021 ang section 25, paragraph 3 ng Anti-Terrorism Act, pero sa isang facial challenge lang. Malinaw nitong sinabing hindi nito hinahadlangan ang mga as-applied challenge na nakabatay sa aktuwal na implementasyon.
Dinamay ang pamilya
Hindi lang ang apat na lider ang tinamaan ng freeze order. Kasama rin ang kanilang mga kaanak at ang CPA mismo.
“Ang aking asawa ay hindi designated na terorista. Hindi siya akusado ng anumang krimen. Pero na-freeze ang kanyang deposit account at credit cards,” ani Awingan-Taggaoa. “Tinawag ito ng Korte na ‘temporary’ at ‘provisional.’ Karapat-dapat na tawag dito ay financial strangulation.”
Ayon naman kay Abellon-Alikes, nalimitahan ng pagbansag ang kanilang pagkilos bilang mga tao. “Kailangan maging mapili sa mga dinadaluhang aktibidad sa pag-aalalang baka ma-implicate ang iba sa aming pakikilahok,” dagdag niya.
Naitala ng Karapatan ang 37 indibidwal na arbitraryong idineklarang terorista ng ATC mula nang maipatupad ang batas. Walo sa kanila ang pinaslang. Sa 256 na sinampahan ng kaso sa ilalim ng Anti-Terrorism Act at ng Terrorism Financing Prevention and Suppression Act, ibinasura ang 138 at nananatiling nakapiit ang 25.
Bago pa ang designasyon, sunod-sunod ang kasong isinampa ng pulisya at militar laban sa apat. Kabilang dito ang kasong rebelyong iniugnay sa isang ambus ng New People’s Army sa Abra. Pinawalang-sala rin si Abellon-Alikes sa kasong terrorism financing noong Hunyo 23. Ibinasura na rin ang iba pang kaso laban sa apat.
“Hindi ako terorista. Ako ay aktibista, isang researcher at organizer ng Cordillera Peoples Alliance. Ako ay isang asawa. Ako ay isang ina. Ako ay tagapagtanggol ng karapatang pantao,” ani Awingan-Taggaoa. “At hindi ito babaguhin ng isang designation na pinili ng Korte na basbasan.”