Paghahanda sa ‘super’ El Niño


Ang mga epekto ng El Niño ay mga suliraning nakaaapekto sa buong komunidad, hindi lang sa sektor ng agrikultura.

Nagpaalala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) sa publiko at mga ahensiya ng pamahalaan tungkol sa kasalukuyang malakas na El Niño na inaasahang magpapatuloy hanggang sa unang bahagi ng 2027.

Ang matinding init at mas mababang antas ng pag-ulan ay maaaring makaapekto hindi lang sa mga magsasaka kundi pati sa suplay ng tubig, presyo ng pagkain, kuryente at kalusugan ng mga pamilya.

Nangyayari ang El Niño kapag mas umiinit kaysa karaniwan ang temperatura ng karagatan sa gitna at silangang bahagi ng Karagatang Pasipiko na nakaaapekto pag-ulan at temperatura sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Kapag malakas ang El Niño, mas tumataas ang posibilidad ng matagal na tagtuyot at matinding init sa Pilipinas.

Ang kakulangan sa ulan ay maaaring magdulot ng kakulangan sa tubig, makaapekto sa produksiyon ng mga pananim at magpataas ng presyo ng pagkain. Maaring hindi mapunan nang sapat ang mga pangunahing imbakan ng tubig tulad ng Angat at Magat Dam na maaaring magdulot ng kakulangan sa supply sa tubig para sa mga tahanan, agrikultura at kuryente.

Samantala, maaring umabot sa 52 degrees Celsius hanggang 55 degrees Celsius ang heat index sa ilang mabababang lugar. Ang matinding init ay maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan, lalo na sa mga nagtatrabaho sa labas, mga bata, nakatatanda at iba pang bulnerableng sektor.

Dagdag pa dito, ang matinding pagbaba ng ulan sa mga pangunahing sakahan sa Central Luzon at Cagayan Valley ay maaaring makasira sa produksiyon ng palay at mais at magpataas ng presyo at pangangailangan sa mga imported na bigas.

Ano ang mga paghahandang maaari nating gawin?

Ayusin ang mga tumutulong gripo at tubo, i-reuse ang tubig kung naaangkop para sa paglilinis at mag-imbak ng sapat na tubig nang hindi nagdudulot ng dagdag na gastusin.

Uminom nang sapat na tubig, magsuot ng magaan na damit, iwasan ang mabibigat na gawain sa pinakamaiinit na oras (10 a.m. hanggang 3 p.m.), panatilihing maaliwalas ang bahay at regular na kumustahin ang mga bata, nakatatanda at iba pang miyembro ng pamilya na mas madaling maapektuhan ng init.

Unahin ang mahahalagang pagkain at gamot, iwasan ang panic buying at pumili ng abot-kayang pagkain upang mapagkasya ang badyet sa panahon ng posibleng pagtaas ng presyo.

Hindi kailangang mag-imbak ng maraming suplay upang maging handa. Unahin ang mahahalagang pangangailangan at alamin kung saan maaaring makakuha ng libreng tubig, serbisyong pangkalusugan at iba pang tulong mula sa komunidad at pamahalaang lokal.

Sundin ang mga abiso ng Pagasa at pamahalaang lokal, alamin kung saan maaaring makakuha ng tubig at serbisyong pangkalusugan at umasa sa beripikadong impormasyon sa halip na sa mga hindi kumpirmadong post sa social media.


Ang mga epekto ng El Niño ay mga suliraning nakaaapekto sa buong komunidad, hindi lang sa sektor ng agrikultura. Mahalaga ang paghahanda ng pambansa at lokal na pamahalaan, ngunit makatutulong din ang mga pamilya sa pamamagitan ng pagtitipid, pag-iingat laban sa matinding init at maagang paghahanda.

Higit sa lahat, hindi dapat nakabatay sa kakayahang bumili at mag-imbak ng maraming suplay ang pagiging handa, dapat magtulungan ang mga komunidad at gobyerno upang matiyak na naaabot ng mga higit na nangangailangan ang mahahalagang serbisyo at tulong.