KMU, nanawagan ng panukalang batas sa Senado para sa dagdag-sahod
Nanawagan ang mga manggagawa sa pagbubukas ng sesyon ng Senado na magkaroon ng panukalang batas sa Senado para sa makabuluhang dagdag-sahod sa buong bansa. Hinikayat din nila ang mga kongresista sa mababang kapulungan na suportahan ang P125 bill na muling isinumite ng Anakpawis Party-list.
Nanawagan ang mga manggagawa sa pagbubukas ng sesyon ng Senado na magkaroon ng panukalang batas sa Senado para sa makabuluhang dagdag-sahod sa buong bansa. Hinikayat din nila ang mga kongresista sa mababang kapulungan na suportahan ang P125 bill na muling isinumite ng Anakpawis Party-list.
Sa pamumuno ng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno, ipinarinig ng mga manggagawa ang kanilang panawagan para sa “lubos na nararapat at matagal nang ipinagkakait na makabuluhang dagdag-sahod para sa bayan.”
“Bigyan sana kami ng pag-asa ng mga bagong halal na mambabatas, dahil hindi nagpapakita ng senyales ng ‘pagbabago’ sa isyung ito ang Malakanyang. Hindi namin maramdaman ni kaunti ang katarungang panlipunan dahil pinananatiling napakababa ang sahod,” ayon kay KMU Executive Vice-Chairperson Lito Ustarez.
“Wage freeze ang malinaw na naging patakaran sa mahigit siyam na taon ng rehimeng Arroyo. Kaya nga, ayon sa Ibon Foundation, ang minimum wage sa National Capitol Region (NCR) na P404 ay katumbas lang ng P242 kapag inihambing sa mga presyo ng bilihin noong 2000 – mas mababa pa sa tunay na halaga minimum na sahod noon na P250,” sabi pa ni Ustarez.
Sinabi pa ni Ustarez na sa halip na tugunan ang isa sa pinaka-mayor na kahilingan ng mga mamamayan sa bagong administrasyon, iniiwasan pa umano ni Pangulong Aquino ang makabuluhang dagdag-sahod sa pamamagitan ng pag-uutos sa regional wage boards na magbigay ng barya-baryang di lalampas sa P20 sa marami nang rehiyon.
“Kung magkakaroon ng Senate bill at kagyat na maisasabatas ito kasama ng P125 bill ng Anakpawis sa Kamara, mas mabibigo ang mga maniobra ng gobyerno at ng malalaking kumpanya para iwasan ang makabuluhang dagdag-sahod,” paliwanag ni Ustarez.
Para sa KMU, hindi umano puwedeng habang-panahon tayong i-blackmail ng mga korporasyon at ng gobyerno magtiiis sa mababang sahod o matanggal sa trabaho.
“Pawis natin ang nagbibigay tubo sa mga negosyo at nagpapatakbo sa ekonomiya – dapat lang na lumaki ang parte natin dito sa pamamagitan ng dagdag-sahod,” pagtatapos ni Ustarez.