Kaanak, detinido ikinagalak deklarasyon ni PNoy na iatras kaso vs Morong 43


Nagsiiyakan sila, at sumigaw sa tagumpay. Ganito inilarawan ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan, sa kanyang tweet, ang reaksiyon ng 43 manggagawang pangkalusugan na tinaguriang “Morong 43” matapos marinig ang deklarasyon na ipinaaatras na ni Pangulong Aquino ang kaso laban sa kanila. Kasama si Reyes sa mga bumisita sa Morong 43 […]

PW-kalbuhan-morong-43
Pinanguhan ng Karapatan ang "43 sa 43: Kalbuhan para sa Karapatan" na pagpaahit ng buhok ang mga kaanak at tagasuporta ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa bansa, gaya ng Morong 43. Isinagawa ang aktibidad sa Iglesia Filipina Independiente sa Taft Avenue kung saan nakatirik ang hunger strike para sa Morong 43. Bahagi din ang aktibidad ng paghahanda sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao. (Jeffrey Ocampo)

Nagsiiyakan sila, at sumigaw sa tagumpay.

Ganito inilarawan ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan, sa kanyang tweet, ang reaksiyon ng 43 manggagawang pangkalusugan na tinaguriang “Morong 43” matapos marinig ang deklarasyon na ipinaaatras na ni Pangulong Aquino ang kaso laban sa kanila. Kasama si Reyes sa mga bumisita sa Morong 43 ngayong pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao.

Sa simbahan namang ng Iglesia Filipina Independiente (IFI) sa Taft Avenue, Manila, kung saan naroon ang mga kaanak at tagasuporta ng Morong 43 na nagsasagawa ng hunger strike, masaya ring tinanggap ang balita. Pero may mga nagtaka kung bakit ngayon lamang nagawa ni Aquino ang anunsiyo, samantalang puwede naman niyang gawin ito noong nakaraang mga buwan pa.

“Magagawa naman pala niya, pinatagal pa (ni Pangulong Aquino). Malaking tulong ito sa aming kaanak,” sabi ni Ofel Balleta, ina ng isa Morong 43 na si Jane Balleta.

“Hihintayin na lang namin ang aktuwal na paglabas nila,” dagdag ni Ofel.

Natuwa rin ang apo ni Lydia Obera, 61 anyos na kabilang sa Morong 43. “Masaya ako at lalaya na si lola,” sabi ni Janna, siyam na taong gulang.

Para naman kay Maricris Macabenta, asawa ni Reynaldo Macabenta, hindi malulubos ang kasiyahan niya hangga’t hindi tuluyang napapalaya ang 43. Baka kasi harangin pa rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang naturang hakbang ni Aquino, o kaya magbagong-isip pa ang pangulo dahil sa presyur ng militar.

“Masaya pero malulubos ang saya kung makikita ko na lumaya na at kasama na namin ng mga anak ko (si Reynaldo). Pinaabot pa (ni Aquino) sa hunger strike,” ani Maricris.

Pero dinagdag niya na sana’y makalaya na si Reynaldo bago sumapit ang kaarawan niya sa Disyembre 16.

“Natutuwa naman, pero short ang pronouncement, hangga’t di nakakalaya,” sabi naman ni Neil Doloricon, asawa ni Angela Doloricon na isa rin sa Morong 43.

“Bakit ngayon lang? Walang ibang nagpalaya sa political prisoners kundi ang pagkilos nila (ng Morong 43),” paliwanag ni Doloricon.

Nagpasalamat naman si Edgar Gonzales, ama ni Jacqueline Gonzales na isa sa 43. “(Pero) di malulubos ang saya namin hangga’t di sila malaya.”

Para naman sa Karapatan, bunga lamang ang pahayag ni Aquino ng pakikipaglaban ng mga kaanak at tagasuporta ng Morong 43 sa buong mundo para sa pagpapalaya sa detinidong mga manggagawang pangkalusugan.

We consider the release of the Morong 43 as ‘fruit of the just struggle for human rights.’ This should pave the way for the eventual release of all political prisoners who are victims of illegal arrest, torture, detention and human rights violations,” pahayag ng Karapatan na ipinaabot sa text.

Kasama ang Morong 43 sa 374 bilanggong pulitikal sa buong bansa, sabi pa ng Karapatan.

We salute the health workers and all political prisoners. The detainees’ hunger strike and the broad unity and support shown by the broad people’s movement and staunch rights advocates in the international community finally convinced President Aquino to take the necessary step to effect the release of the Morong 43,” pahayag naman ni Karapatan Acting Secretary-General Jigs Clamor, asawa ng isa sa Morong 43 na si Dr. Merry Mia Clamor.