Suporta ng Pilipino sa mamamayan ng Egypt, patuloy
Nagpiket ngayong araw sa harap ng embahada ng Estados Unidos sa Maynila ang iba’t ibang progresibong grupo para ihayag ang kanilang suporta sa pag-aalsa ng mamamayan ng Egypt para wakasan ang isang diktadurang sinuportahan ng Estados Unidos, isang malapit na alyado ng Pilipinas. Kasama ang grupo ng Overseas Filipino Workers na Migrante International, hinamon din […]

Nagpiket ngayong araw sa harap ng embahada ng Estados Unidos sa Maynila ang iba’t ibang progresibong grupo para ihayag ang kanilang suporta sa pag-aalsa ng mamamayan ng Egypt para wakasan ang isang diktadurang sinuportahan ng Estados Unidos, isang malapit na alyado ng Pilipinas.
Kasama ang grupo ng Overseas Filipino Workers na Migrante International, hinamon din nila si Pang. Benigno Aquino III na sumama sa umiigting na pandaigdigang presyur na bumaba sa poder si Hosni Mubarak. Ito umano ang pinakatumpak at mabilis na paraan para matigil ang tunggalian at masiguro ang kaligtasan ng tinatayang 6,500 OFW doon.

Sinabi sa Pinoy Weekly ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante, na bagaman naglaan na ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng P25-Milyon para sa ebakwasyon ng mga OFW, “sa totoo lang, mukhang wala silang balak mag-evacuate ng mga Pinoy dahil hanggang ngayon, hindi pa inaanunsiyo ang convergence points na maaari nilang puntahan, at wala pang na-e-evacuate kahit isa.”
Ngunit bukod sa pag-aalala sa kapakanan ng mga Pilipino sa Egypt, buong suporta ang mga Pilipino sa nasabing pag-aaklas na unti-unting nakakapagpahina ng kontrol ni Mubarak sa kapangyarihan.
Sa House Resolution 856 na inihain kanina ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano, inihayag nito na nararapat lamang na suportahan ng mga Pilipino ang pag-aalsa sa Egypt, na inihalintulad niya sa 1986 People Power na nagpatalsik sa diktadurang Marcos.
Ipinunto ng mambabatas na nangunguna sa pag-aalsa ang mga walang-trabahong kabataan at manggagawa mula sa mga sentrong industriyal ng Egypt at kanayunan. “The strikes today emphasized the economic and democratic demands by independent labor movement through thousands of strikes, sit-ins and protests by Egyptian workers in the past years,” aniya.
Binatikos din ni Mariano ang pagsuporta ng US sa mga paglabag sa karapatang pantao ng gobyernong Mubarak, sa pamamagitan ng pagbigay ng $2-Bilyon kada taon sa huling tatlong dekada. Ang Egypt ang ikalawa sa mga bansang tumatanggap ng pinakamalaking ayudang militar mula sa US.

Aniya, interesado lamang si US Pres. Barack Obama sa “mapayapang transisyon” para masiguro ang mga interes pang-ekonomiya, pampulitika, at pangmilitar sa Egypt. Sa halip, dapat umanong magtayo ng isang gobyernong “pro-people” o panig sa mamamayan kaysa anumang dayuhang interes.
Isa sa mga salik ng pag-aalsa ang mataas na antas ng kawalang-trabaho at kahirapan sa Egypt (tinatayang 23.4 porsiyento ng 80 milyong populasyon ang nabubuhay nang mababa sa poverty line), dahil sa neoliberal na mga patakarang pang-ekonomiyang ipinatupad ni Mubarak, korupsiyon, at kawalan ng mga demokratikong mga karapatan.
Samantala, sa walkout ng mga estudyante mula sa iba’t ibang unibersidad kaninang tanghali laban sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pamasahe, nagbabala si Vencer Crisostomo, tagapagsalita ng Anakbayan, na handa ring mag-alsa ang mga Pilipino kapag hindi natigil ng gobyernong Aquino ang mga kontra-mahihirap na hakbang.
“Inaabangan namin ang pakikibaka ng mga mamamayan ng Egypt laban sa kanilang sariling kontra-mahihirap at papet ng US. Dapat mag-ingat si Aqino dahil kapag naubos na ang aming pasensya, handa kaming gumaya sa mga Egyptian (walk like an Egyptian),” sabi ni Crisostomo sa isang pahayag.