Lider-katutubo sa Pantabangan, Nueva Ecija ‘ilegal na inaresto’


Madalas na may kaugnayan sa usapin ng lupa ang panghaharas sa mga katutubo, at totoo ito sa kaso nina Ernesto Bubod at Eddie Cruz. Pagpataw ng mga gawa-gawang kaso ang sagot nila sa pakikibaka ng mga katutubo laban sa pag-agaw sa kanilang katutubong lupain.

Napaiyak si Lita Umas Bubod, asawa ng lider-katutubo na si Ernesto Bubod, habang isinasalaysay ang nangyari sa kanyang asawa. (Macky Macaspac)
Napaiyak si Lita Umas Bubod, asawa ng lider-katutubo na si Ernesto Bubod, habang isinasalaysay ang nangyari sa kanyang asawa. (Macky Macaspac)

Kinondena ng Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (Kamp) at Alyansa ng mga Magbubukid  sa Gitnang Luzon (AMGL)  ang diumano’y ilegal na pag-aresto at pagkabilanggo sa isang lider-katutubo sa Nueva Ecija.

Ayon sa naturang mga grupo, ilegal umanong inareso si Ernesto Bubod, lider ng tribung Kalanguya-Igorot at residente ng Sityo Maluyon, Brgy. Villarica, sa Pantabangan, Nueva Ecija noong Marso  22 ng limang armadong lalaki at nagpakilalang mga tauhan ng Energy Development Corporation (EDC).

Isa ang EDC na pag-aari ng pamilyang Lopez sa grupong nagpapatupad ng proyektong Casecnan Multipurpose Irrigation Project, kasama ang National Irrigation Administration at ang dayuhang kompanyang California Energy (CalEnergy).  Na ayon sa mga naturang  grupo, bahagi umano ang proyekto at ang Pantabangan Dam sa Public-Private Partneship ng gobyerno.

Sa isang press conference, sinabi ni Lita Umas Bubod, asawa ng biktima, na limang armadong lalakinumano ang  lumapit sa kanilang mag-asawa habang nagpapahinga sila sa kanilang bukid. Nagpakilala ang mga ito na mga tauhan ng EDC at  tinanong umano ang biktima kung siya si Bubod. Matapos umanong umamin na siya si Bubod, inimbitahan umano si Bubod at kinuhanan ng larawan ng mga armado.

“Nagpapahinga kami sa silong ng punong mangga nang lapitan kami. Sinabi nila na ’yung asawa ko raw ang sumunog sa isang lugar na tinaniman ng EDC,” kuwento ni Lita sa panayam ng Pinoy Weekly.

Ayon pa sa kanya, pinaalis umano siya ng kanyang asawa nang saktong kukuhanan na siya ng larawan ng mga armado at imbitahan umano sa opisina ngEDC upang magpaliwanag hinggil sa panununog sa isang proyekto ng kompanya. Hindi umano alam ni Lita na aarestuhin ang kanyang asawa.

Diumano, isinasangkot si Bubod sa panununog noong Marso 17 sa isang reforestration project ng EDC ngunit sinampahan ng kasong ilegal na pag-iingat ng baril ng mga umarestong mga miyembro ng 81st Infantry Batallion ng Philippine Army.

Ayon sa sinumpaang salaysay nina Pfc. Marvin Galzim at Pfc. Michael Labarda sa Pantabangan Police Station, rumesponde umano sila sa isang intelligence report na nagsasabing isa sa mga sumunog sa proyekto ang nakita sa Sityo Luyon.

Inabutan umano nila ang dalawang tao (isang lalake at babae, tumakbo umano ang babae matapos nilang magpakilala na mga sundalo) at nakita umano nila ang baril na shotgun na nakasandal sa punong mangga.

Pinabulaanan naman ni Beatriz Bawigan, coordinator ng Katribu sa Pantabangan, ang akusasyon laban kay Bubod. “Kasama ko siya mula Marso 16 hanggang 18, umuwi siya noong Marso 18 dahil mag-aani sila,” kuwento ni Bawigan.  Diumano, magkasama sina Bawigan at Bubod sa isang seminar sa San Leonardo, Nueva Ecija.

Kinondena ng iba't ibang grupo ang diumano'y ilegal na pag-aresto sa isang lider-katutubo sa Nueva Ecija. Mula kaliwa, Antonio Flores, convenor ng Tanggol Magsasaka; Carlito Hungduan, tribal chieftain ng tribung Kalanguya; Beatriz Begawin, coordinator ng Katribu-Nueva Ecija; Lita Umas Bubod, asawa ng biktima; Piya Macliing-Malayao, tagapagsalita ng Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas o KAMP at Joseph Canlas, tagapangulo ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon o AMGL. (Macky Macaspac)
Kinondena ng iba't ibang grupo ang diumano'y ilegal na pag-aresto sa isang lider-katutubo sa Nueva Ecija. Mula kaliwa, Antonio Flores, convenor ng Tanggol Magsasaka; Carlito Hungduan, tribal chieftain ng tribung Kalanguya; Beatriz Begawin, coordinator ng Katribu-Nueva Ecija; Lita Umas Bubod, asawa ng biktima; Piya Macliing-Malayao, tagapagsalita ng Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas o KAMP at Joseph Canlas, tagapangulo ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon o AMGL. (Macky Macaspac)

Dahilan ng pag-aresto

Naniniwala naman ang AMGL na bunga ng pagtutol ni Bubod sa pagpapaalis sa mga katutubong magsasaka sa naturang lugar.

Ayon sa AMGL, ang mga komunidad umano ng mga katutubo sa Pantabangan at Caranglan, Nueva Ecija at Dupax del Sur at Alfonso Castaneda sa Nueva Viscaya ay nakakaranas ng matinding militarisasyon kasabay ng  pribatisasyon ng Pantabangan Multi-Purpose Dam at hydro-electric power plant na iginantimpala sa kompanya ng enerhiya na First Gen Hydro-Power Corporation noong 2006.

Ibinenta umano ito ng First Gen sa isa pang kompanyang kontrolado din ng pamilyang Lopez, ang EDC at sa diumano’y pakikipagtulungan ng CalEN.

“Ang pag-aresto kay Ernesto Bubod ay bahagi ng sabwatan ng malalaking kompanya ng enerhiya at ng gobyerno.  Si Bubod ay isang lider-Igorot at lider-magsasaka na naggigiit sa karapatan ng kanyang pamilya sa lupa, na nagging dahilan ng pagtarget ng mga military sa kanya,” ani Joseph Canlas, tagapangulo ng AMGL.

Ayon naman kay Carlito Hungduan, chieftain ng tribung Kalanguya, lumikas umano sila mula sa Carranglan at namuhay sa Pantabangan, matapos maganap ang malakas na lindol noong 1991.

“Pinagyaman at pinaunlad namin ang sityo Maluyon, ngayon paalisin uli kami. Wala naming kabuhayan sa relocation site na ibinigay nila. Kaya bumabalik kami sa dating lugar upang magtanim,” aniya.

Binigyan umano ng NIA ang 34 na pamilya sa Sityo Maluyon ng malilipatan, sa isang sityo na malapit sa kalsada na hindi saklaw ng idineklarang watershed ng NIA.  Ngunit ayon sa mga katutubo, hindi umano sila makapagtanim dahil sa mabundok ang relocation site at malapit sa dam ng Pantabangan.

Ayon naman kay Piya Macliing Malayao, tagapagsalita ng KAMP, pangalawa na umano si Bubod kay Eddie Cruz, na isang Dumagat na taga-Rizal, sa mga lider-katutubo na ilegal na inaresto sa ilalim ng administrasyong Arroyo.

“Madalas na may kaugnayan sa usapin ng lupa ang panghaharas sa mga katutubo, at totoo ito sa kaso nina Bubod at Cruz. Pagpataw ng mga gawa-gawang kaso ang sagot nila sa pakikibaka namin laban sa pag-agaw sa aming katutubong lupain,” aniya.

Inilapit na ng Tanggol Magsasaka ang kaso ni Bubod sa tanggapan ni Sek. Leila de Lima, at diumano’y tutugon ang tanggapan ng Department of Justice sa karaingan ng mga kaanak ng biktima.

Kasabay ng panawagan ng mga ito na dapat umanong palayain si Bubod at iba pang bilanggong pulitikal, magsasampa rin sila ng pormal na reklamo sa GPH (Government of the Philippines) Section ng Joint Monitoring Committee ng Human Rights Committee nt usapang pangkapayapaan ang hinggil sa paglabag umano ng mga militar sa karapatan ni Bubod.