KMU hinamon si Noynoy sa debate hinggil sa dagdag-sahod


Hinamon ng sentro ng militanteng unyonismo na Kilusang Mayo Uno (KMU) si Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III sa isang pampublikong debate hinggil sa panawagan ng mga manggagawa para sa “makabuluhang dagdag-sahod.”

"Tuta ng kapitalista!" Ito ang taguri ng mga lider-manggagawa at militante kay Pangulong Aquino sa patuloy na pagtanggi ng huli ng makabuluhang dagdag-sahod ng mga manggagawa at kawani ng gobyerno. (KR Guda)
"Tuta ng kapitalista!" Ito ang taguri ng mga lider-manggagawa at militante kay Pangulong Aquino sa patuloy na pagtanggi ng huli ng makabuluhang dagdag-sahod ng mga manggagawa at kawani ng gobyerno. (KR Guda)

Hinamon ng sentro ng militanteng unyonismo na Kilusang Mayo Uno (KMU) si Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III sa isang pampublikong debate hinggil sa panawagan ng mga manggagawa para sa “makabuluhang dagdag-sahod.”

“Gusto naming hamunin sila (sa Malakanyang) sa isang pampublikong debate nang madurog na ang kanilang mga kasinungalingan,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.

Maaaring maging proposisyon, ani Labog, ay: ‘Be it resolved that a significant wage hike is both necessary and possible’.

Sinabi pa ni Labog na paulit-ulit na raw kasing nagsisinungaling si Aquino hinggil sa panawagan para sa makabuluhang dagdag-sahod habang nasa loob ng komportableng opisina kung saan di siya masasagot ng mga manggagawa.

Sinabi ni Abigail Valte, deputy presidential spokesperson, na “walang kapangyarihan ang pangulo na magbigay ng dagdag-sahod, laluna kung across-the-board ito.”

“Kung gusto, maraming magagawa. Maaari niyang isertipika bilang urgent ang House Bill 375 na P125 across-the-board na dagdag-sahod na isinumite sa Kamara ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano,” paliwanag ni Labog.

Nasa opensiba sa propaganda umano ang Malakanyang para depensahan ang mariing pagtanggi nila na bigyan ng makabuluhang dagdag-sahod ang mga manggagawa, sa kabila ng tumitinding krisis sa ekonomiya.

Kabilang sa kasinungalingang ipinagkakalat diumano ng Malakanyang: na magdudulot ng pagsara ng mga pabrika, tanggalan at “inflationary spiral” ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa.

“Ito ang mga kasinungalingang di napapagod ang rehimeng Aquino na ipakalat. Mababaw, maka-kapitalistang mga reaksiyon ito sa mga panawagan (ng mga manggagawa),” paliwanag ni Labog.

Ayon sa Ibon Foundation, independiyenteng institusyon sa pananaliksik, makikita sa datos ng gobyerno na mangangahulugan lamang ng 15 porsiyentong pagbawas sa “malalaking” kita ng mga kapitalista ang P125 across-the-board na dagdag-sahod.

Masyadong maliit umano ang ibabawas sa kita ng mga kapitalista, kaya di posibleng maging dahilan ito ng pagsara ng mga pabrika, tanggalang malawakan at inflationary spiral, sabi pa ni Labog.

“Sabihin lang niya kung saan, at kailan – tara na, dahil di mo at ng iyong mga opisyal mapigilang magsinungaling hinggil sa makabuluhang dagdag-sahod,” ayon sa lider-obrero.