Pag-aayuno ikinasa ng mga bilanggong pulitikal, konsultant ng NDF nakalaya na


Sinimulan nitong Hulyo 23 ng mga bilanggong pulitikal sa buong bansa ang apat na araw na pag-aayuno (fasting). Ipinanawagan ng 230 bilanggong pulitikal sa iba’t ibang bilangguan at detention center ang pangkalahatan, walang kondisyon at omnibus na amnestiya sa kanilang pagpapalaya.

Piket ng mga Selda at Karapatan sa Kampo Crame para sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal. (Macky Macaspac)
Piket ng Selda at Karapatan sa Kampo Crame para sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal. (Macky Macaspac)

Sinimulan nitong Hulyo 22 ng mga bilanggong pulitikal sa buong bansa ang apat na araw na pag-aayuno (fasting). Ipinanawagan ng 230 bilanggong pulitikal sa iba’t ibang bilangguan at detention center ang pangkalahatan, walang kondisyon at omnibus na amnestiya sa kanilang pagpapalaya.

Sinabayan naman ng mga dating bilanggong pulitkal at mga miyembro ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda) ang pag-aayuno ng mga bilanggong pulitikal. Nagpiket ang Selda sa harapan ng Camp Crame sa Quezon City habang sinimulan ang pag-aayuno.

Sinabi ni Angie Ipong, dating bilanggong pulitikal at miyembro ng Selda, na sa loob ng isang taong panunungkulan ni Pang. Benigno Aquino III ay walang ginawa ang administrasyon upang mabigyan ng katarungan ang mga 354 bilanggong pulitikal na biktima ng ilegal na pag-aresto, tortyur at ilegal na detensiyon at patuloy pa rin na nakakulong sa mga bilangguan.

“Sa ilalim niya (Aquino), mayroon nang 45 bilanggong pulitikal. Lumilitaw na ang patakaran ng dating pangulong Arroyo tulad ng witch hunting, pag-aresto, criminalization ng mga political offense at pagpataw ng mga gawa-gawang kaso upang patahimikin at ikulong ang mga kritiko at mga tagapagtanggol ng karapatang pantao ay patuloy pa rin ang pagpapatupad sa panahon ni Aquino,” ani Ipong.

Ipinahayag naman ng mga konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na nakakulong sa Camp Crame, na dapat umanong tumupad ang administrasyong Aquino sa kasunduan sa pagitan ng NDF Peace Panel at ng panel ng gobyerno ng Pilipinas noong Pebrero.

Laman ng kasunduan ang pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal. “Karamihan sa kanila (bilanggong pulitikal) ay hindi makatarungan at ilegal na ikinulong. Bahagi dapat ang kanilang paglaya ng confidence building measures sa panig ng administrasyong Aquino, kung nais nitong umusad ang usapang pangkapayapaan,” pahayag nina Alan Jazmines, Eduardo Sarmiento at Eduardo Serrano, na nakapiit ngayon sa Crame.

Konsultant ng NDF pinalaya, dating Gabriela sa Ilocos inaresto

Samantala, pinalaya naman kahapon si Jovencio Balweg, lider-rebolusyonaryo sa Kordilyera at konsultant ng NDF. Inaresto si Balweg noong Mayo 2009 sa Baguio City habang nagpapagaling ng sakit sa gulugod at high blood, at kinasuhan ng rebelyon, murder multiple frustrated murder.

Inilinaw ng Karapatan, alyansang pangkarapatang pantao, na walang kinalaman sa isinasagawang pag-aayuno ng mga bilanggong pulitikal at sa naantalang usapang pangkapayapaan ang paglaya ni Balweg.

Sa pahayag ni Balweg sa midya pagkalabas sa Crame, iginiit niyang dapat palayain ang mga konsultant ng NDF at ang lahat na mga bilanggong pulitikal.

“Dapat kasama si Alan Jazmines sa peace panel. Dapat siyang makalaya bago ang State of the Nation Address (SONA, ni Aquino),” aniya.

Samantala, isang dating organisador ng Gabriela sa Ilocos ang inaresto noong Hulyo 21 ng tanghali. Ang biktimang si Gloria Floresca, 57-anyos, ay nagluluto ng pananghalian sa kanilang tahanan sa Barangay Ortiz, Naguillan, La Union nang dumating ang apat na pulis na nakilala lamang sa pangalang “Sabado, Calica, at Cambe” at isang hindi naka-unipormeng pulis.

Ayon sa pahayag ng Ilocos Human Rights Alliance (IHRA),  matapos tanungin ang biktima kung siya ang kanilang hinahanap, sinabihan ang biktimang siya ay inaaresto sa bisa ng isang warrant of arrest dahil sa kasong rebelyon.

Sa kabila ng pagkagulat ng biktima, nakiusap siyang patapusin muna ang kanyang pagluluto upang mapakain ang apat na taong gulang niyang apo, ayon sa IHRA. Iginiit rin niyang dapat mayroon siyang sariling abogado.

Tinanggihan umano ng mga umarestong pulis ang kahilingan ng biktima at sinabihang bibigyan na lamang siya ng abogado pagdating nila sa kampo.

Ayon pa sa  IHRA, binansagan daw na “most wanted criminal” sa Rehiyon 1 si Floresca batay sa press release ng PNP Regional Command sa lugar. Inakusahan si Floresca na namumuno raw siya ng “Finance Bureau” ng “Ilocos Cordillera Regional Committee EXECOM” ng rebeldeng New People’s Army o NPA.

Kilala sa kilusang kababaihan sa kanilang lugar si Floresca sa Ilocos bilang “Manang Glo” na  tumigil sa pag-oorganisa noong 2007 dahil sa  mga karamdaman.

Nakakulong siya ngayon sa Ilocos Sur Provincial Jail.

Kalagayan ng iba pang bilanggong pulitikal

Kaalinsabay ng paghangad ng pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal, binatikos ng mga grupong pangkarapatang pantao ang tila’y “espesyal na pagtrato” sa mga bilanggong mayayaman at maimpluwensiya.

“Nakakalungkot ang pagbibigay ng espesyal na pagtrato sa mga mayayaman at maimpluwensiyang mga bilanggo — yung mga madaling makakuha ng pagsang-ayon ng korte para makapagpagamot sa de-kalidad na mga ospital. ‘Yung mga binibigyan ng pahintulot na makalabas-pasok sa kulungan, samantalang may mga bilanggong pulitikal na naghihirap sa kulungan sa loob ng mahigit  23 taon o kaya ang mga may sakit na nagtitiis sa mga ospital sa loob ng bilangguan na walang sapat na gamot at iba pang atensiyong medikal,” ani Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng Karapatan.