Pangulong Aquino, pinaniniwalaang nagtutulak ng Charter Change


Duda ang iba’t ibang grupo at mambabatas na walang kinalaman si Pang. Benigno Aquino III sa panibagong tulak sa Kongreso para amyendahan ang mga ekonomikong probisyon ng 1987 Konstitusyon, na anila’y isang akto ng “pagbebenta” (sellout) ng pambansang soberanya. “Ito (ang Cha-Cha) ba ang kapalit ng mga pangakong pamumuhunan mula sa Estados Unidos at Japan?” […]

Pangulong Aquino III, sa pagpirma ng Memorandum of Agreement sa mga kompanyang Hapon sa kanyang official working visit sa Japan noong Set. 27, 2011. (Malacanang Photo Bureau)

Duda ang iba’t ibang grupo at mambabatas na walang kinalaman si Pang. Benigno Aquino III sa panibagong tulak sa Kongreso para amyendahan ang mga ekonomikong probisyon ng 1987 Konstitusyon, na anila’y isang akto ng “pagbebenta” (sellout) ng pambansang soberanya.

“Ito (ang Cha-Cha) ba ang kapalit ng mga pangakong pamumuhunan mula sa Estados Unidos at Japan?” tanong ni Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno, na tinutukoy ang mga byahe ni Aquino kamakailan.

Paliwanag ni Labog, “Hindi kami naniniwalang kumikilos ng mag-isa sina Senador Drilon. Alam natin na matagal nang tinutulak ang Cha-Cha ng malalaking kapitalistang bansa gaya ng US at Japan. Hindi namin maiwasang isipin na pumasok ang bilyung dolyar na pamumuhunan kapalit ng pangakong Cha-Cha.”

Sa isang press conference kahapon, inanunsiyo nina Sen. Franklin Drilon, Senate President Juan Ponce Enrile, at House Speaker Feliciano Belmonte na pagdedebatihan at pagbobotohan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang mga panukalang batas hinggil sa pag-aamyenda ng Konstitusyon.

Kabilang sa mga panukalang baguhin sa Konstitusyon ay ang limitasyon sa dayuhang pag-aari ng lupa, mga yutilidad, paaralan, at mass media.

Agad namang inihayag ni Edwin Lacierda na naniniwala si Pangulong Aquino na “hindi kailangan ng Charter Change” para makaakit ng mga dayuhang pamumuhunan. Ngunit aniya, kokonsultahin umano ni Aquino ang kanyang mga kapartido sa Liberal Party hinggil sa Cha-Cha.

Para kay Randall Echanis, deputy secretary general ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), hindi katanggap-tanggap na “magiging bukas sa pagmamay-ari ng mga dayuhan ang mga lupain ng bansa, habang milyun-milyong magsasaka ang walang sariling lupa.”

Pasok din umano sa Cha-Cha ang polisiya ni Aquino hinggil sa pang-aakit ng dayuhang pamumuhunan. Kaya naman naniniwala rin si Echanis na “isang estratehiya lamang ni Aquino ang pagdidistansiya sa di-popular na Cha-Cha, habang hindi ito sinasalungat o nilalabanan.”

Samantala, inihayag ni Gabriela Rep. Luz Ilagan na “economic suicide” na wawasak sa lokal na ekonomiya ang pagpapalit ng probisyon sa 1987 Konstitusyon hinggil sa foreign ownership.

Tinawag din niyang “unpatriotic” ang mga nagtutulak ng Cha-Cha.

“Ngayon pa lamang, nagnenegosyo na ang malalaking dayuhang multinasyunal sa isang paborableng kondisyon at humuhuthot ng bilyun-bilyong dolyar na kita, habang umiiwas sa pagbabayad ng buwis at tinatalikuran ang mga pangako sa paglikha ng trabaho, paglipat ng kaalaman at teknolohiya, at tulong pang-ekonomiya,” ayon sa mambabatas.

Samantala, maging si Sen. Kiko Pangilinan, nagtataka sa biglaang tulak para sa Cha-Cha. Sa kanyang Twitter account, sinabi ng senador, “I am wondering why it is being reported that Congress already has a position on the issue of Charter Change…There has been no Senate caucus to discuss this. There have been no Committee nor plenary debates held on the issue.”

Ayon pa kay Pangilinan, “We should not take legal shortcuts to fast track Charter Change debates because to do so will be harmful in the long run.”