Singil sa rehistrasyon, di nakaka-engganyo sa mahihirap na botante


Nanawagan si Gabriela Rep. Liza Maza sa Commission on Elections (Comelec) na gawing mas madali at abot-kaya sa mga botante ang proseso ng rehistrasyon lalo sa mahihirap.   Sa paglulunsad ng “Babae Ka, May Sey Ka!”, kampanya para maengganyo ang kababaihan na bumoto sa 2010 elections, sinabi ng kongresista na mahirap lalo para sa mga first-time […]

Nanawagan si Gabriela Rep. Liza Maza sa Commission on Elections (Comelec) na gawing mas madali at abot-kaya sa mga botante ang proseso ng rehistrasyon lalo sa mahihirap.  

Sa paglulunsad ng “Babae Ka, May Sey Ka!”, kampanya para maengganyo ang kababaihan na bumoto sa 2010 elections, sinabi ng kongresista na mahirap lalo para sa mga first-time voters na makamit ang mga rekisitos ng Comelec gaya ng valid identification, barangay certificates, at NBI/police clearances.

Batay sa mga ulat na natanggap ng kanyang opisina, umaabot sa mahigit-kumulang P200 ang kailangang bayaran ng kababaihan sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan na nais maging botante.

Sa Quezon City, umaabot ito sa P269.25 :  community tax certificate (CTC)(P59.25), barangay clearance (P60.00) at NBI/police Clearance (P150.00). Sa Caloocan, P211.00: CTC (P6.00), barangay clearance (P25.00) at NBI/police clearance (P180.00). Sa Maynila, P160.00: CTC (P5.00), barangay clearance (P15.00), at NBI/police clearance (P140.00).

Ipinaliwanag ni Maza na maraming kababaihan sa mga komunidad ang pumipili na lamang na bumili ng pagkain at tustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

“Katumbas ng mga singil na ito ang isa hanggang dalawang araw ng pagkagutom ng kanilang mga anak,” aniya.

Idinagdag ni Maza na dahil sa nasabing mga singil, para na ring tinanggalan ng gobyerno ang karapatan bumoto ng mahihirap nitong mamamayan.

Sinabi ng Gabriela Women’s Party na pangungunahan nito ang panghihikayat sa kababaihan sa mga eskuwelahan, pabrika, opisina, at komunidad na gamitin ang kanilang karapatan na bumoto sa 2010 halalan.