Asal ng bagong konsulado sa Macau, nakababahala
Nagpahayag ng pagkabahala ang mga OFW (overseas Filipino workers) sa dumaraming reklamo hinggil sa asal ng bagong konsulado ng Pilipinas sa Macau kaugnay ng pagbibigay nito ng serbisyo sa mga migranteng Pilipino. Ayon sa Migrante-Macau, kung patuloy na darami ang mga ganitong reklamo at hindi aaksiyon ang mga opsiyal ng embahada, nangangamba silang magiging pabigat […]
Nagpahayag ng pagkabahala ang mga OFW (overseas Filipino workers) sa dumaraming reklamo hinggil sa asal ng bagong konsulado ng Pilipinas sa Macau kaugnay ng pagbibigay nito ng serbisyo sa mga migranteng Pilipino.
Ayon sa Migrante-Macau, kung patuloy na darami ang mga ganitong reklamo at hindi aaksiyon ang mga opsiyal ng embahada, nangangamba silang magiging pabigat pa ang konsulado sa halip na makatulong sa mga Pilipino sa Macau.
Ibinigay na halimbawa ng Migrante ang kaso ni Gaspar Rolido Arbis na isang biktima ng illegal recruitment sa Macau at nawalan ng pasaporte. Siningilan umano ng P35,000 bilang placement fee si Arbis subalit wala naman palang trabahong naghihintay sa kanya sa naturang bansa. Sa kasalukuyan, nagbabayad ng MOP500 (P3,000) si Arbis kasama ng isa pang OFW para sa kanilang tinutuluyan kung hindi ay sa parke sila matutulog.
Nang samahan umano ng Migrante si Arbis sa konsulado para humingi ng tulong, sinabihan umano ni Labor Attaché Leopoldo de Jesus ang biktima na umuwi na lamang. Pinapirma pa umano si Arbis na kailangan niyang magbayad ng MOP440 (P2640) sa DFA (Department of Foreign Affairs) sa Maynila kung mag-aaplay siya ng bagong pasaporte.
Sa kaso naman ni Sheila Dapiton, na humihiling ng awtentikasyon ng kanyang marriage and birth certificates, tinanggihan umano ni Violeta Adina, Visa Officer/ Authentication/ Notarials ng konsulado ito kahit pa sinabi ng DFA sa Maynila na maaari na itong awtentikahan ng konsulado bilang pormalidad.
Maliban sa mga nabanggit na kaso, nakatanggap rin umano ng reklamo ang Migrante-Macau kabilang na ang mga sumusunod: 1) pagwawalang-bisa sa mga pasaporte ng mga nakakulong na di-dokumentadong migrante kahit valido pa ang mga ito, sa halip ay pinagbabayad pa sila, 2) sapilitang pagpapasapi sa mga OFW sa OWWA (Overseas Workers Welfare Administration) kung mag-aaplay ng Overseas Employment Certificates, 3) hindi pag-aksiyon sa mga reklamo ng mga OFW na hindi dumaan sa POEA (Philippine Overseas Employment Agency), at 4) hindi pag-aksiyon sa mga reklamo ng mga domestic worker kung hindi dala ang kanilang kontrata sa paggawa.
Sa ilalim ng batas paggawa sa Macau, hindi kailangang may kontrata ang employer sa kanilang manggagawa pero may karapatan ang mga manggagawa na humingi ng kontrata kung nais nila.
Nakatanggap rin umano ng ulat ang Migrante-Macau na hindi na lamang dudulog sa konsulado ang mga OFW dahil sa kawalang-aksiyon ng konsulado.
Matagal nang hinihiling ng mga OFW na magkaroon ng konsulado sa Macau dahil buwanan lamang ang pagbisita ng konsulado ng Pilipinas sa Hongkong na siyang dating namamahala sa Macau. Subalit ayon na rin sa mga OFW, ang pagkakaroon ng konsulado sa Macau mula noong nakaraang taon ay nagiging sakit pa ng kanilang mga ulo.