Pumanaw na progresibong kongresista pinarangalan sa Kamara
Nagpasa ng resolusyon ang Kamara na nagpapahayag ng pakikiramay sa pangpanaw ng isang namumunong miyembro ng “progressive bloc” sa Kongreso sa ilalim ni Pang. Corazon Aquino.

Nagpasa ng resolusyon ang Kamara na nagpapahayag ng pakikiramay sa pangpanaw ng isang namunong miyembro ng “progressive bloc” sa Kongreso sa ilalim ni Pang. Corazon Aquino.
Inisponsor nina House Speaker Feliciano Belmonte, Majority Leader Neptali Gonzales II at Minority Leader Edcel Lagman ang House Resolution 184 na nakikiramay sa kaanak ng dating Rep. Venancio Tuazon Garduce, na namatay sa atake sa puso noong Oktubre 11, sa edad na 80.
Naging kongresista ng ikalawang distrito ng Samar mula 1987 hanggang 1992 si Garduce. Isa siya sa tatlong kandidato ng Partido ng Bayan (PnB) na nagwagi sa halalan matapos mapatalsik ang diktadurang Marcos noong 1986.
Kasama sa mga paninindigang itinulak ng tinaguriang “conscience bloc” o “progressive bloc” na kinabilangan ni Garduce ang pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo, pagbasura sa automatic appropriations sa pagbayad ng utang panlabas at iba pang dikta ng International Monetary Fund, pagbasura sa baseng militar ng US at iba pang progresibong mga panukalang batas.
Kabilang ni Garduce ang iba pang kongresista tulad nina Bonifacio Gillego, William Claver, Oscar Rodriguez at ang kasalukuyang Budget Sec. Florencio Abad, sa mga unang nagsumite ng panukalang batas hinggil sa repormang agraryo matapos ang pag-aalsa sa Edsa.
Pinagbatayan ng panukalang batas nina Garduce ang panukalang binuo ng Congress for a People’s Agrarian Reform (CPAR). Kabilang sa CPAR ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), ang pambansang organisasyon ng mga magbubukid na kalauna’y kasama sa mga nagtatag sa mga grupong party-list tulad ng Bayan Muna at Anakpawis.
Pinangunahan din nina Garduce at Gillego ang pagsagawa ng walkout sa mga deliberasyon hinggil sa panukalang repormang agraryo, nang malusaw at mapahina ito ng maraming pag-amyenda na pinangunahan ng mga panginoong maylupa na dominante na rin noon sa Kongreso.
Umupo rin si Garduce bilang pangalawang tagapangulo ng House Human Rights Committee, na nag-imbestiga sa lumalalang paglabag sa mga karapatang pantao sa ilalim ng administrasyon ni Corazon Aquino.
Kabilang sa mga inimbestigahan ng naturang komite ang mga kontra-koministang vigilante, ang low-intensity conflict na estratehiyang kontra-insurhensiya ni Aquino, gayundin ang mga pampulitikang pamamslang noon.
Nakaburol ang labi ni Garduce sa St. Peter’s Memorial Chapels sa Quezon Avenue, Quezon City hanggang sa Sabado, October 15. Naulila niya ang kanyang asawang si Felina, pitong anak at mga apo.