Obrero, negosyante vs mataas na singil sa kuryente
Manggagawa man o maliit na negosyante, labis na naaapektuhan sila ng mga pagtaas sa singil ng kuryente. Kung kaya nanawagan ang mga lider-obrero at lider-negosyante sa administrasyong Aquino na gumawa ng mga hakbang upang mapababa ang singil dito.

Manggagawa man o maliit na negosyante, labis na naaapektuhan sila ng mga pagtaas sa singil ng kuryente. Kung kaya nanawagan ang mga lider-obrero at lider-negosyante sa administrasyong Aquino na gumawa ng mga hakbang upang mapababa ang singil dito.
Pabigat kapwa sa mga manggagawa at negosyante ang patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente, anila sa sa isang porum sa Unibersidad ng Pilipinas – Diliman.
“May domino effect ang mga pagtaas na ito sa presyo ng iba pang batayang bilihin at serbisyo,” ani Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno (KMU).
Lubhang nakakabahala din para sa mga maliliit at panggitnang negsoyante ang patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente, ayon kay Fernando Martinez, chief executive officer ng Eastern Petroleum at presidente ng Independent Philippine Petroleum Companies Association o IPPCA.
“Sa retail industry, 10-15 sa gross operating income ang napupunta sa energy. This can be worse sa mga power-intensive industry tulad ng manufacturing,” paliwanag ni Martinez.
Sinabi naman ni Soluta na aabot sa 10 porsiyento ng buwanang sahod ng manggagawa ang napupunta sa pagbabayad sa konsumo ng kuryente. “(Aabot sa) 90 porsiyento na lamang ang pinaghahati sa iba pang gastusin at lumiliit ang purchasing power ng mga manggagawa,” ani Soluta.
Sang-ayon si Martinez na ang maliliit na konsiyumer ang pinaka-apektado. “Kung ang 10 porsiyento sa income ng isang household ay napupunta sa kuryente, ano pa ang gagamitin niyang pantustos sa ibang bagay, tulad ng pagkain at sa pag-aaral? Kaya hindi nakapagtataka na lumalaki ang bilang ng mga nagugutom, despite the conditional cash transfer.”
Pinakamataas
Sinabi kamakailan ng isang international energy consultant na nakabase sa Australia ang kanilang pag-aaral na sa buong Asya, ang Pilipinas ang may pinakamataas na singil sa kuryente.
Ngayong Nobyembre lamang, itinaas ng Meralco sa 44 sentimo kada kilowat hour ang generation charge nito. Katumbas nito sa konsyumer ang karagdagdang P44 sa kada 100 kilowat hour na konsumo ng kuryente.
Paliwanag ni Arnold Padilla, public information officer ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), na ang “di-makatarungang batas” na Energy Power Industry Reform Act (Epira) na isinabatas noong 2001 ang dahilan ng patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente.
Sinabi niyang sa loob ng 10 taong implementasyon ng batas, hindi nito pinababa ang singil sa kuryente. Bagkus, mas lalo pa itong tumaas.
Hindi umano inalis ng batas na Epira ang mga di-parehas na mga kontrata ng mga Independent Power Producers (IPP) at pinanatili nito ang paniningil sa Power Purchase Agreement (PPA).
“Pinababayaran sa mga konsiyumer ang mga IPP, kahit wala silang nalilikhang enerhiya. Pinalitan pa ng Epira ang PPA ng iba’t ibang cost recovery schemes,” ani Padilla.
Ilan sa mga iskemang ito: Generation Rate Adjustment Mechanism o Gram na kinukuha ng Napocor kada tatlong buwan; Automatic Adjustments of Generation Rates o Agra; at Systems Loss, na kinukuha naman ng mga distributor na nagmamay-ari ng mga IPP tulad ng Manila Electric Co. (Meralco) kada buwan.
Dagdag pa rito ang Incremental Currency Rate Adjusment o Icera na ipinapasa sa mga end users o konsiyumer. Nagdudulot ito ng pabagu-bagong palitan ng piso kontra sa ibang dayuhang pera (foreign exchange o forex).
Bukod dito, sinisingil pa ng mga distributor ang mga konsiyumer ng mga dagdag-singil labas sa nakonsumo nitong kuryente. Halimbawa nito: systems loss charge na 65 sentimo kada kilowat hour; 11.63 kwh sa missionary electrification charge; at environmental charge na 0.25 sentimo.
Pabigat na VAT
May porsiyento rin na binabayaran sa Value Added Tax o VAT ang mga konsiyumer para sa generation, transmission, distribution, systems loss, lifeline subsidy, at franchise tax ng mga distributor.
Kaya naman ipinanawagan ng grupo na kagyat na mabigyan ng solusyon ng administrasyong Aquino ang patuloy na taas-singil sa kuryente.
“Kailangang mabigyan ng immediate relief ang mga konsiyumer sa mataas na singil ng kuryente,” ani Padilla.
Isa sa panukala ng Bayan ang kagyat na pag-alis sa PPA, GRAM at lahat ng mga mekanismo na ipinapataw sa singil sa mga konsiyumer na hindi naman nila pinakinbangan. Ipinanawagan din ng militanteng grupo na irebyu at kanselahin ang mga di-pantay na kontrata sa mga IPP, alisin ang VAT sa enerhiya at repasuhin o ibasura ang batas na Epira.
Panukala naman ni Martinez na kailangang maghanap ng mas murang pagkukunan ng enerhiya. “Kailangang tingnan ng gobyerno ang mga murang baseload power tulad ng coal, natural gas, hdydro(electric power) at iba pang renewable energy,” aniya.
“If we do go renewable, there should be a maximum cap of P7 per kilowatt-hour and reject the more expensive technologies until their prices go down,” dagdag pa niya.
Dumalo rin sa porum ang ilang kinatawan ng Filipino-Chinese Chamber of Commerce, mga pederasyon sa ilalim ng KMU at ang grupong Kontra-Trapo.