Oplan Bayanihan, ipinrotesta ng kababaihan at grupong pangkarapatan
Kasabay ng isinasagawang pulong ng United Nations Human Rights Committee sa New York kung saan nakatakdang pag-usapan ang kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas, nagsagawa kahapon ng isang piket-protesta ang iba’t ibang grupo sa harap ng headquarters ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Kampo Aguinaldo. Kanilang binatikos ang Oplan Bayanihan, ang kontra-insurhensiyang programa […]

Kasabay ng isinasagawang pulong ng United Nations Human Rights Committee sa New York kung saan nakatakdang pag-usapan ang kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas, nagsagawa kahapon ng isang piket-protesta ang iba’t ibang grupo sa harap ng headquarters ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Kampo Aguinaldo. Kanilang binatikos ang Oplan Bayanihan, ang kontra-insurhensiyang programa ng administrasyong Aquino, at ang pawang “Noynoying” ng pangulo sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao.
Ayon sa mga grupong Gabriela, Salinlahi Alliance for Children’s Concerns at Karapatan, naaabuso at nalalagay sa malaking panganib ang kababaihan at mga bata sa pagpapatupad ng Oplan Bayanihan. Inihalimbawa nila ang pagkakapaslang ng apat na bata sa loob lamang ng unang tatlong buwan ng taon at ang panggagahasa ng dalawang kababaihan, isa rito ay menor-de-edad, sa magkakahihiwalay na insidenteng kakagawan umano ng mga miyembro ng AFP.

Sa kabila ng pagmamalaki ng administrasyong Aquino na sentro ang paggalang sa karapatang pantao ang kanyang kontra-insurhensiyang programa, wala umano itong pinagkaiba sa ipinatupad ni dating pangulong Gloria Arroyo na Oplan Bantay Laya.
“Nasa anyong maamong tupa ang Oplan Bayanihan, ngunit nakadisenyo itong manlinlang upang isipin ng mga tao na nagbago na ang militar at iginagalang na ang karapatang pantao. Sa totoo lang, masahol din ito sa Oplan Bantay Laya,” ayon kay Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.
Nakapagtala na rin ang Gabriela ng anim na kababaihang biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang. Mula Enero hanggang Hunyo ng taong 2011, nakapagtala naman ang grupo ng 13 kaso ng panggagahasa na diumano’y kagagawan ng mga pulis at sundalong militar.
Samantala, binatikos naman ng grupong Karapatan ang mensahe ni Pangulong Aquino sa pagtatapos ng mga kadete sa Philippine Military Academy. Ayon kay Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng Karapatan, patuloy na umiiwas si Pangulong Aquino sa usapin ng karapatang pantao. Ibinigay niyang halimbawa ang patuloy na pagtatago ng puganteng si Jovito Palparan, na sa kabila ng warrant of arrest na ipinalabas ng korte ay hindi pa rin nahuhuli. “Parang pakitang-tao lang ang warrant of arrest,” aniya.

Sinabi pa ni Enriquez na patuloy ang pagtatago ng pangulo sa kampanyang anti-korapsiyon, “Bagaman pabor kami sa pagkakaroon ng mabuting gobyerno, dapat pinayuhan din ni Pnoy ang mga bagong graduates na huwag gayahin si Palparan. Pero iniiwasan niyang mabanggit ang karapatang pantao dahil itinataguyod ng kanyang Oplan Bayanihan ang baluktot na daan at lumilikha ng epekto na kapareho ng madugong Oplan Bantay Laya ni Arroyo,” ani Enriquez.
Hinamon naman ng Gabriela si Pangulong Aquino na maglunsad ng malalimang imbestigasyon sa mga kasong kinakaharap ng kasundaluhan.
“Bigung-bigo ang gobyernong Aquino na baguhin ang oryentasyon ng AFP at maging institusyon ito na rumerespeto sa karapatang pantao. Kung seryoso si Pnoy sa isyu ng karapatang pantao, dapat niyang gamitin ang kamay na bakal sa mga abusadong militar at bigyan ng katarungan ang mga biktima at kanilang pamilya,” ani Linaban.