Health worker sa Zamboanga del Norte, inaresto at kinasuhan ng ‘gawa-gawang’ kaso
Inaresto at sinampahan ng kasong murder ang isang health worker at lider-kababaihan sa Zamboanga del Norte. Ayon sa Barug Katungod Mindanao, organisasyong nagtataguyod ng karapatang pantao sa lugar, inaresto ang biktimang si Helen Igloria sa kanyang tahanan ng pinagsanib na elemento ng kapulisan intelligence units ng militar noong Abril 25. Sa pahayag ng grupo, tumatayong […]

Inaresto at sinampahan ng kasong murder ang isang health worker at lider-kababaihan sa Zamboanga del Norte.
Ayon sa Barug Katungod Mindanao, organisasyong nagtataguyod ng karapatang pantao sa lugar, inaresto ang biktimang si Helen Igloria sa kanyang tahanan ng pinagsanib na elemento ng kapulisan intelligence units ng militar noong Abril 25.
Sa pahayag ng grupo, tumatayong administrative officer si Igloria ng institusyong Community Based Health Services (CBHS) sa Zamboanga del Norte at isa sa mga nagtatag ng Gabriela sa lugar.
“Nakakapagtaka ang pag-aresto kay Igloria dahil walang anumang subpoena ang korte laban sa kanya. Sana nasagot niya at ng kanyang mga abogado ang gawa-gawang kaso,” pahayag ng grupo.
Ayon sa grupo, nasa Tangub City Jail si Igloria na nakaranas umano ng hypertension dahil sa interogasyon sa kanya.
Iginiit ng grupo na ang kasong murder ay gawa-gawa umano tulad ng nangyari sa grupong Morong 43.
“Patunay din ito sa patuloy ang harassment at vilification sa mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao rito sa rehiyon ng Zamboanga (na nagaganap na nitong) nakaraang anim na taon,” pahayag pa ng grupo.
Sinabi din ng grupo na mula pa noong 2010, nakakatanggap na si Igloria ng mga banta sa kanyang buhay dahil sa diumano’y nasa order of battle siya ng mga militar.
“Napilitan siyang mag-lielow dahil sa mga pagbabanta sa kanya, tulad din ng mga paralegal at health worker na kinakasuhan ng mga gawa-gawang kaso,” dagdag pa ng grupo.
Nananawagan ang Barug Katungod sa Department of Justice o DOJ na imbestigahan ang pagsampa ng mga gawa-gawang kaso at bigyang proteksiyon ang mga nagtataguyod ng karapatan o human rights defenders.