Bawat hakbang sa martsa ng hustisya
Sa gitna ng matinding klima ng karahasan, nariyan pa rin ang mga institusyon at mga tanggol-karapatan upang itaguyod ang mga karapatang pantao sa gitna ng masalimuot na sitwasyon nito.
Labintatlong taon nang bahagi ng Karapatan ang kasalukuyang secretary general ng Hustisya na si Ofelia Beltran-Balleta o mas kilala bilang Ka Ofel. Isa siya sa mga anak ng yumaong lider-manggagawa at kinatawan ng Anakpawis Partylist sa Kamara na si Crispin “Ka Bel” Beltran.
Si Ka Ofel ay ina ni Jane Balleta, isa sa mga manggagawang pangkalusugan na tinaguriang Morong 43 na ilegal na inaresto sa Morong, Rizal habang nagsasagawa ng pangkalusugang pagsasanay. Ikinulong din ang kanyang yumaong asawa na si Santiago Balleta, isang lider-manggagawa dahil sa gawa-gawang kaso.
Mababakas sa kanilang pamilya ang karahasan ng estado. Marahil ito ang naging pangunahing dahilan kung bakit tinahak niya ang ganitong uri ng gawain at patuloy siyang nakikibaka para sa pagtataguyod ng karapatang pantao.
Inilarawan ng Human Rights Watch ang kasalukuyang estado ng karapatang pantao sa ating bayan.
Ayon sa kanilang ulat, laganap pa rin sa ilalim ni Ferdinand Marcos Jr. ang mga pamamaslang, arbitraryo at ilegal na aresto, ilegal na detensiyon, sapilitang pagkawala, panunupil sa mga aktibista, pambubusal sa mga mamamahayag, at paglabag sa mga pandaigdigang batas ng digmaan at international humanitarian law (IHL).
Gayunpaman, binigyan-diin din nila na malaki ang kaibahan ng retorika ni Marcos Jr. sa pagtalakay ng mga usapin sa karapatang pantao kung ikukumpara sa nakaraang administrasyon.
Ipinangako noon ng pangulo sa isang pagpupulong kasama si dating United Nations Resident Coordinator Gustavo Gonzalez na sinisiguro nito ang pananagutan para sa mga paglabag sa karapatang pantao.
“Binanggit [ni Marcos Jr.] ang kahalagahan ng mataas na lebel ng pananagutan sa usapin ng karapatang pantao,” pahayag ni Gonzalez.
Dagdag pa ni Ka Ofel, isa pa sa mga nagtutulak sa kaniya na gampanan ang mga gawain ng isang tanggol-karapatan ang hubog na kasaysayan niya sa ilalim ng iba’t ibang mga sektor kagaya ng kababaihan at manggagawa na siyang naging rason ng pagbuo ng Crispin B. Beltran Resource Center.
“Hindi simple na maghapon kang nasa opisina. Hindi madali ang araw-araw na trabaho bilang isang katuwang ng organisasyong lumalaban para sa karapatan at katarungan. Maraming pagkakataon na nandito ako, kadarating ko lang ay kailangan ma-i-QRT (quick response team), may hinuli at kailangan malaman kung saan nandoon, saan dinala tapos kailangan ma-kontak ‘yong family,” kuwento niya.
Habang inaalala niya ang mga tagpo sa kanyang buhay bilang isang tanggol-karapatan, hindi niya maiwasang matawa bago isalaysay ang kanyang karanasan sa loob ng mahigit dalawang dekada.
“Bago pa lang dito, ang baptism of fire sa akin ay ‘yong nangyari kay Recca [Noelle Monte] sa Abra, IHL case ito kung saan nakubkob ‘yong kanyang lugar. Bagong bago ako dito, fact-finding mission agad. Hindi ko alam kung ano ‘yong gagawin,” natatawa niyang sambit.
Bago humalili bilang secretary general ng Hustisya si Ka Ofel, nagsilbi siya bilang paralegal sa Karapatan. Humawak ng iba’t ibang kaso at naging kaagapay ng mga pamilyang biktima ng paglabag sa karapatang pantao.
“Bantag ako sa mga ganoong insidente sa hanay ng mga aktibista at saka sa mga ordinaryong mamamayan na nagiging biktima ng estado. No’ng nandito ako sa human rights group mismo sa Karapatan, sa Hustisya ngayon, nakita ko kung ano ‘yong itsura ng mga pinatay na mga biktima. Kung ano ‘yong itsura ng mga magulang na naghahanap ng kanilang mga nawawala anak. Makikita mo talaga sa kanila ‘yong takot na baka kasi pati kami madamay,” ani Ka Ofel.
Laban sa retorika ng estado
Importante ang mga fact-finding mission ng mga progresibong organisasyon at mga akademikong institusyon sapagkat pinabubulaanan nito ang mga huwad na datos na pinapalabas ng estado.
Isang salik ng pangako ng pangulo sa pagtataguyod ng karapatang pantao ang pagiibang mukha ng kaniyang “war on drugs” na inilarawan niya bilang “bloodless drug war” kung saan nakatuon ang kanyang programa sa rehabilitasyon ng mga biktima ng droga imbis na paslangin ang mga ito.
“Sa laban sa mapanganib na droga, ang walang dugong giyera natin ay sumusunod, at patuloy na susunod, sa ‘8 Es’ ng epektibong estratehiyang kontra ilegal na droga. Ang pagpaslang ang hindi isa dito,” aniya.
Ngunit ikalawang taon pa lang sa kanyang termino, patuloy pa rin ang pamamaslang ng estado sa mga pinaghihinalaang gumagamit at nagtutulak ng ilegal na droga. Madugo pa rin ang giyera ng pangulo.
Ito ang sinusubaybayan, tinatala at sinusuri ng Dahas Project ng Third World Studies Center ng University of the Philippines (UP) Diliman.
Ayon sa kanilang ulat, mahigit 342 ang naitalang kaso ng pagpaslang kaugnay ng ilegal na droga sa unang taon ng pagkapangulo ni Marcos Jr.
Mahigit 115 sa mga kaso na ito ang isinagawa ng Philippine National Police (PNP) alinsunod sa kanilang mga operasyong kontra droga. Tataas ang bilang na ito sa 146 kung bibilangin ang mga kaso ng pagpatay ng mga elemento ng estado labas sa mga operasyon.
Kung ikukumpara, malaki ang kaibahan nito sa mga datos na ibinibigay ng PNP. Ayon kay dating PNP chief Rodolfo Azurin Jr., mahigit 46 na tao ang napatay sa mga kontra drogang operasyon, 32 dito mula sa mga pulis at 14 dito mula sa mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Mahalaga ang mga inisyatiba kagaya ng Dahas Project dahil ito lang ang mga institusyon na pinasisinungalingan sa mga datos ng estado sa mga pamamaslang mula noong administrasyong Duterte.
Ayon kay Sol Iglesias, guro ng political science sa UP Diliman, hindi mapagkakatiwalaan ang datos ng PNP sapagkat hindi ito nagbibigay ng mga karagdagang impormasyon kagaya ng mga kabuuang bilang na pinatay noong mga nakaraang taon, pati na ang mga ikinamatay nito na nagbubukas ng maraming tanong kaysa kasagutan.
“Baka itinutuloy lamang ng gobyerno ang kakulangan nito sa paglalahad ng katotohanan kagaya ng mga nakaraang administrasyon o baka mas malabo pa,” aniya.
Banta sa mga tanggol-karapatan
Aminado si Ka Ofel na nakataya ang kanilang kaligtasan sa ganitong uri ng trabaho. Hindi mawawala ang mga insidente ng paniniktik sa kanilang opisina at pandarahas ng mga armadong pwersa ng estado habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Hindi mawawala ang intimidasyon ng pulisya o n militar. Aniya, may mga pagkakataong harap-harapan silang kinukuhanan ng retrato ng ahente o hindi kaya’y bantay-sarado ng militar ang bawat galaw at kilos.
“Kami dito sa HR (human rights), sa Karapatan, sa Hustisya natatakot din naman kami. Tao lang, pero dahil maraming hinuhuli, marami nabibiktima ng sistemang ito na marahas, kailangan naming lakasan [ang] loob namin dahil umaasa din naman sa amin ‘yong [mga] family,” aniya.
Sa ilalim ng kasalukuyang rehimen, minana ng anak mula sa diktadura ng kanyang ama ang mga pamamaraan ng panunupil sa taumbayan. Isa na dito ang sapilitang pagkawala o enforced disappearance sa wikang Ingles na pinupuntirya ang mga progresibo at radikal na boses sa ating bayan.
Ayon sa ulat ng Karapatan, mahigit 14 ang naitalang kaso ng sapilitang pagkawala sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Mula noong 1970s, kasagsagan ng diktadurang Marcos Sr. hanggang sa kasalukuyan, mahigit 2,300 ang kabuuang bilang ng mga naitalang kaso.
Kaakibat nito ang red-tagging na binigyang kahulugan ni Dr. Sadia Jamil, isang propesor sa University of Nottingham, bilang isang porma ng pangha-harass o pang-uusig sa mga taong binabansagan ng mga ahente ng estadong bilang kasapi ng mga komunistang grupo na siyang nagdudulot ng panganib sa buhay at karapatan ng inaakusahan.
Bukas na ipinahayag ng mga biktima ng sapilitang pagkawala kagaya nina Rowena Dasig at Eco Dangla ang kanilang karanasan ng red-tagging sa ilalim ng estado bago pa man sila dukutin na siyang nag patuloy pa rin sa kasalukuyan.
Isang partikular na kaso na siyang nagpapakita ng panganib na dala ng red-tagging ang kasong isinampa ng Department of Justice noong 2018 na nagtangkang ideklara ang Communist Party of the Philippines at New People’s Army bilang teroristang organisasyon kasama ang listahan ng mahigit 600 na indibidwal na sinasabi ng estado na parte nito.
Kasama sa listahang ito si Dexter Capuyan, isang tanggol-katutubo mula sa hilagang Luzon na dinukot ng estado at may patong na P1.85 million na pabuya. Hindi pa rin naililitaw si Capuyan hanggang sa kasalukuyan.
Binibigyang imahen ng Ateneo Human Rights Center (AHRC) sa kanilang Anti-Redtagging Monitoring Project ang lawak ng mga kaso ng red-tagging.
Ayon sa kanilang komprehensibong ulat, mayroong naitalang 456 na kaso ng red-tagging mula Enero hanggang sa kasalukuyan na hati sa mga kaso ng mga online na insidente na inookupahan ang mayorya ng bilang at ang mga offline na insidenta na may 6 lamang.
Dagdag pa rito, ang sektor ng kabataan ang may pinakamaraming naitalang kaso na kalahati sa kabuuang sakop ng mga datos. Sa Pangasinan, Cagayan at Metro Manila ang tatlong lugar na may pinakamaraming naitalang kaso ng red-tagging.
Ayon sa pananaliksik ng AHRC, bagaman hindi kilala ang kasarian ng karamihan ng kaso, ipinapakita ng kanilang datos na mas maraming kababaihan na biktima ng red-tagging na may mahigit 16.1% na kaso kumpara sa 5.7% ng kalalakihan. Kaakibat nito, marami rin naitalang kaso ng pagbabanta ng sexual harassment, assault at rape sa mga kababaihang aktibista.
Binigyang-diin ng AHRC na ang PNP, Armed Forces of the Philippines at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ElCAC) ang mga pangunahing puwersa ng institusyonal na red-tagging.
“[Bagamam] PNP sa mga istasyon ng mga munisipyo [o] lungsod ang gumagawa sa karamihan ng mga kaso ng red-tagging, ang kanilang mga plataporma ang mas higit na nagpapakalat ng mga content sa mga social media users nito,” ipinaliwanag ng pananaliksik.
Sa kabila nito, ipinahayag kamakailan lang ni Marcos Jr. na hindi siya naniniwala na ang estado ang nagsagawa ng mga kaso ng red-tagging at wala siyang nakikitang rason upang buwagin ang NTF-Elcac bilang isang institusyon.
“Ang sinasabi, dahil mayroon raw red-tagging na ginagawa. Hindi naman gobyerno gumagawa noon. Kung sino-sinong iba ang gumagawa noon,” aniya.
Partikular sa karapatan ng mga obrero, isang halimbawa ang Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) sa mga organisasyon ng mga karapatang pantao sa bansa.
Pangunahing gawain ng CTUHR ang pagsasaliksik at dokumentasyon sa mga kaso ng paglabag sa mga karapatang pantao partikular sa hanay ng mga manggagawa tulad ng karapatan sa pagbuo ng unyon at iba pang karapatan sa paggawa.
“Mula sa mga tanggalan, mga hindi pinapasahod nang tama, mga overworked o ‘yong mga nagkakaroon ng sakit o aksidente sa trabaho hanggang sa mga pinakamalalala o ‘yong paglabag do’n sa karapatan sa pag-oorganisa sa tipo ng harassment, threat hanggang, mga abduction at pamamaslang,” paliwanag ni CTHUR deputy director Kamz Deligente.
“Kadalasan talaga ay naka-deploy kami sa iba’t ibang lugar, sa iba’t ibang unions [ay] bumibisita [kami] para kumustahin ‘yong mga kalagayan o sa ibang regions din paminsan kasi pambansa ‘yong saklaw ng CTHUR,” dagdag niya.
Gayunpaman, biktima rin ang CTHUR mismo ng red-tagging ng NTF-Elcac na pinangalanan ang organisasyon sa isang programa nila na tinatalakay ang kilusang paggawa at ang CPP-NPA na binigyang-diin ang welga na isinagawa ng mga rider ng J&T Express sa Cabuyao, Laguna.
Dahil dito, nagsampa ng pormal na reklamo ang CTUHR laban sa NTF-Elcac at ipinahayag ang kanilang pagkaalarma sa sitwasyon ng mga karapatang pantao sa bansa.
“Mula sa aming trabaho, nakita namin kung paano naging mapanganib ang buhay ng mga tao, ang organisasyon at ang kanilang pamilya. Dinokumento at binantayan namin ang mga ‘di makatuwirang pag-aresto, sapilitang pagkawala at extrajudicial killings ng mga unyonista at organisador na biktima ng red-tagging,” pahayag ng CTUHR.
May dalang panganib ang makatuwirang pagtatanggol sa mga karapatang pantao ng mamamayan. Mula sa ama hanggang sa anak, makasaysayan ang pamamaraan ng panunupil ng estado sa mga tanggol-karapatan ng bayan.
Bagaman pilit iniiba ang imahen ng kalagayan ng mga karapatang pantao ng kasalukuyang administrasyon, patuloy pa rin ang pagdanak ng dugo ng mga biktima.
Gutom sa hustisya ang mga tanggol-karapatan at mga pamilya ng biktima. Mula noon, hanggang ngayon, nagpupurisigi silang maningil ng pananagutan bagaman ang mapanganib na sitwasyong kinakaharap nila.