Pagkakapaslang sa makakalikasan kinondena


Mariing kinondena ng mga aktibistang makakalikasan ang pinakahuling pagpaslang sa kanilang hanay noong Mayo 6 sa lalawigan ng Compostela Valley. Ayon sa Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan-PNE), pinaslang ng di nakilalang mga lalaki si Frederick Trangia, 60 taong gulang at lider komunidad sa Brgy. Mainit, Nabunturan, Compostela Valley noong Mayo 6. Si Trangia […]

Mapa ng Compostela Valley

Mariing kinondena ng mga aktibistang makakalikasan ang pinakahuling pagpaslang sa kanilang hanay noong Mayo 6 sa lalawigan ng Compostela Valley.

Ayon sa Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan-PNE), pinaslang ng di nakilalang mga lalaki si Frederick Trangia, 60 taong gulang at lider komunidad sa Brgy. Mainit, Nabunturan, Compostela Valley noong Mayo 6.

Si Trangia ay matagal ng tagapagtanggol ng likas na yaman ng Mainit National Park laban sa malawakang pagmimina. Ang biktima ang ika-14 na aktibistang pangkalikasan na napatay sa ilalim ng administrasyong Aquino, at ang ika-10 sa rehiyon ng Mindanao. Siya ang tagapangulo ng Bgy.Council Committee for the Environment at ikalawang tagapangulo ng Mainit National Park Conservation Society.

“Ang Mainit National Park ay tahanan ng iba’t ibang uri ng hayop at halaman, kabilang ang Philippine civet, Philippine turtle at Green-winged ground dove. Tahanan din ito ng popular na Mainit Hot Springs. Ang mga ito ang pinoprotektahan ni Trangia mula sa tangkang pagpapalawak ng Mineral Processing Zone sa Mainit,” ayon kay Clemente Bautista, tagapag-ugnay ng Kalikasan-PNE.

Sinabi pa ni Bautista na ang Oplan Bayanihan ni Pangulong Aquino ang sistematikong nagiging daan ng paglabag sa karapatang pantao ng mga tagapagtanggol ng kalikasan. “Ang mga pamumuhunan sa malawakang pagmimina ay patuloy na pinoprotektahan ng mga militar at paramilitar, may mga kaso na rin ng panghaharas ng mga pribadong armadong pwersa sa mga komunidad na apektado ng mga pagmimina. Wala kaming ibang nakikitang may motibo para paslangin si Trangia kundi ang mga nagsusulong ng pagmimina,” paliwanag pa ni Bautista.