Magsasaka

Pagdagsa ng imported na bigas, ‘kolonisasyon’ muli ng agrikultura


Makakapasok sa bansa ang imported na bigas nang walang taripa, nang walang anumang sagka o limitasyon. Isa sa mga dahilan nito ay ang gobyernong US, na nagpetisyon sa World Trade Organization na huwag nang bigyan pa ng proteksiyon ang ating lokal na mga magsasaka.

Lokal na magsasaka ng palay, nanganganib ang kabuhayan sa pagdagsa sa merkado ng imported na bigas mula Estados Unidos? (PW File Photo/KR Guda)

Sa talumpati ni Pang. Benigno Aquino III sa komunidad ng mga Filipino-American sa Los Angeles sa pinakahuli niyang bisita sa Estados Unidos, kasama sa kanyang ipinagmalaki ang pagiging “self-sufficient” sa bigas pagdating ng 2013. Umano’y hindi na kailangan pang mag-import ng bansa ng bigas mula sa mga kapitbahay sa Asya.

Ang hindi niya nabanggit, sa katapusan ng buwan, inaasahang lalo pang dadagsa sa merkado ang imported na bigas. Ito ay dahil magtatapos na sa Hunyo 30 ang Quantitative Restrictions (QR) sa bigas na ipinagkaloob ng World Trade Organization (WTO) sa Pilipinas. Isang uri ng tinataguriang Special Treatment, nililimita ng QR ang bolyum ng bigas na maaaring angkatin ng bansa.

Sa isang pahayag, nagbabala ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), militanteng organisasyon ng mga magsasaka. “Makakapasok sa bansa ang imported na bigas nang walang taripa, nang walang anumang sagka o limitasyon,” ayon kay Antonio Flores, tagapagsalita ng KMP.

Ngayon pa lamang, ayon sa KMP, isa sa bawat limang subo ng kanin ay mula sa bigas na inangkat mula sa ibang bansa.

Ang hindi rin nabanggit ni Aquino, isa sa mga dahilan nito ay ang hakbang ng gobyernong US, na katatapos lamang niyang bisitahin ang presidente.

US, malaking exporter ng bigas

Noong Nob. 18, 2011, nagpetisyon ang Department of Agriculture (DA) sa WTO na palawigin pa ang QR sa bigas hanggang 2015, nang magsilbi itong proteksiyon sa lokal na mga magsasaka ng palay. Ngunit hinarang ang petisyon ng gobyernong US, isang malaking exporter ng bigas sa Pilipinas.

(Inihayag mismo ni Agriculture Sek. Proceso Alcala na posibleng “gumaganti” ang US sa inilabas ng ahensiya na Administrative Order (AO) 22, na naghihigpit sa pagpasok ng imported na mga frozen and chilled meat para masiguro ang kalidad nito. Isa ang US sa mga exporter ng karne na apektado sa nasabing kautusan ng ahensiya; inaapela ng gobyerno nito ang AO 22.)

Ang US na ang pangalawa sa pinakamalaking rice exporter sa buong mundo, kasunod ng Thailand. Mula 2000 hanggang 2010, nag-angkat ang bansa ng average na 60,900 metric tons (MT) kada taon mula sa US. Pinakamalaki ang inangkat noong 2001, na umabot sa 100,900 MT.

Sonny Africa ng Ibon Foundation (Ilang-Ilang Quijano)

Sa isang porum noong Hunyo 6 na pinamagatang Recolonization of Agriculture: Quantitative Restrictions and Free Trade Agreements, inihayag ni Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation, ang pagiging tagibang ng mga kasunduan sa WTO at iba pang mga FTA na tinatanggal ang mga taripa, o buwis sa inaangkat na mga produkto.

“Kung tatanggalin ang taripa, masisira ang pambansang industriya at agrikultura. Proteksyon ito mula sa murang produkto mula sa ibang bansa na may abanteng teknolohiya at subsidyo,” ayon kay Africa.

Matagal nang inalis ng gobyerno ng Pilipinas ang proteksiyong ito, bilang isa sa pinakauna at pinakamabilis na nagliberalisa sa ekonomiya—bago pa man ang WTO, bago pa man sumunod sa neo-liberal na mga patakarang pang-ekonomiya ang iba pang bansa sa Asya. Padausdos na ang mga taripa ng bansa simula pa noong maagang bahagi ng dekada ‘90. (Tingnan ang graph)

Source: Ibon Foundation

Katunayan, mas maliit pa ang taripang ipinapataw ng Pilipinas sa inaangkat nitong mga produkto, kaysa sa minimum na taripang itinatakda ng WTO. (Tingnan ang table) Ibig sabihin, mas mabilis pa sa ninanais ng mauunlad na bansa ang pagliliberalisa ng gobyerno sa ating industriya at agrikultura.

Sa ngayon, dahil sa QRs, may minimum na limitasyon ang pag-angkat ng bigas na 350,000 MT kada taon. Ngunit ang gobyerno ng Pilipinas ang kusang lumalabag  dito: noong 2010, nag-angkat ang bansa ng 2.4 Milyong MT ng bigas. Tila balewala sa gobyerno maging ang mga konsensyon ng WTO para protektahan ang sariling ekonomiya, ang sariling mga magsasaka.

Pagbaklas sa WTO

Pinaniniwalaang ginagamit ng mauunlad na bansa ang WTO at mga multilateral at bilateral na FTA para puwersahin ang mahihirap na bansa na tanggalin ang mga proteksiyon o suporta ng gobyerno sa sariling industriya at agrikultura. “Ngunit sila mismo, gaya ng US, hindi sinusunod ang mga kasunduan. Nananatiling mataas ang mga subsidyo ng kanilang gobyerno,” ani Africa.

Sa datos ng US DA, lumalabas na umaabot sa US$ 234.7 kada ektarya kada taon ang direktang subsidyong ibinibigay ng gobyernong US sa mga Amerikanong magsasaka. Bukod pa ito sa samu’t saring pautang, subsidyo sa enerhiya, at subsidyo sa irigasyon na umaabot sa USD $210 Milyon kada taon.

Samantala, nananatiling atrasado ang agrikultura, at salat sa suporta ang mga magsasakang Pilipino. “Walang irigasyon ang may 1.3 milyong ektarya ng palayan. Tatlo sa apat na magsasaka ang walang sariling kapital, bukod pa sa walang sariling lupa…Kung gusto ng gobyerno ng food security o self-sufficiency, dapat palakasin ang lokal na produksiyon,” ayon kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano.

Sang-ayon dito si Africa. Kahit pa dinggin ng WTO ang petisyon ng Pilipinas na palawigin ang QRs sa bigas, “Walang saysay ang mga taripa kung wala namang suporta mula sa gobyerno para sa pagpapaunlad ng ating kakayanan sa industriya at agrikultura,” aniya.

Anakpawis Rep. Rafael Mariano (Ilang-Ilang Quijano)

Para kay Mariano, sa halip na ipetisyon ang ekstensiyon ng QRs, dapat nang kumalas ang bansa sa WTO. “Kung mapapalakas natin ang ating sariling agrikultura at industriya, magkakaroon ng purchasing power ang mga mamamayan. Lalakas ang domestic market, at ‘yun ang magiging leverage natin sa pakikipag-usap sa ibang bansa, sa mga kasunduan na mas patas,” aniya.

Ngunit sa ilalim ng administrasyong Aquino, tila malayong marinig ang panawagang ito. Noong Mayo, itinalaga ng pangulo si Arsenio Balisacan na bagong hepe ng National Economic Development Authority. Noong administrastong Arroyo, si Balisacan ang punong negosyador ng Pilipinas sa WTO at iba pang bilateral na kasunduan, bilang undersecretary ng DA.

Napag-iiwanan ng panahon?

Samantala, paparami nang paparaming bansa ang nagpapatupad ng mga proteksiyunistang hakbang sa ekonomiya.

Ayon sa Centre For Economic Policy Research, simula taong 2008, nagpatupad ang iba’t ibang gobyerno ng 1,055 na proteksiyunistang polisiya sa kanilang ekonomiya. Halos kalahati ng proteksiyunistang mga polisiyang ito ay ipinatupad ng mga bansang kabilang sa G20, o pinakamauunlad na bansa gaya ng US, Germany, Russia, at mga bansa sa Europa.

Hindi na rin totoo ang sinasabi ng gobyerno na “mapag-iiwanan” ang Pilipinas kapag hindi sumunod sa agos ng liberalisasyon. Ayon sa United Nations Conference on Trade and Development World Investment Report, noong taong 2000, nasa 147 o 98 porsiyento ng mga polisiya ang tungo sa liberalisasyon ng ekonomiya, at tatlo lamang tungo sa regulasyon o restriksyon. Pagdating ng taong 2010, nasa 101 na lamang ang tungo sa liberalisasyon, at nasa 48 ang tungo sa regulasyon o restriksyon.

Tinitingnan na dulot ito ng bigong mga pangako ng neo-liberal na ekonomiya. Sa halip na umangat ang kabuhayan at kalidad ng buhay ng mayorya sa mamamayan, tila lalo pang dumami ang mahihirap at nagugutom sa mundo. Samantala, lalo namang nakokonsentra ang yaman sa iilang indibidwal.

“Kaya nga nakapagtataka na heto pa rin si Pangulong Aquino na todo-todo sa liberalisasyon ng ekonomiya. Siya ang totoong napag-iiwanan ng panahon,” ani Africa.