Ayuno hanggang SONA ni PNoy, ikinasa ng mga bilanggong pulitikal
Ikinasa ng mga bilanggong pulitikal ang isang pambansang koordinadong pag-aayuno bilang protesta sa nalalapit na ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino. Nagsimula kahapon, Hulyo 16, hanggang araw ng SONA, lumahok sa pag-aayuno ang mga bilanggong pulitikal sa Camp Crame Detention Center, Calbayog Sub-Provincial Jail, Compostela Valley Provincial Jail, Central Command, Lahug, […]

Ikinasa ng mga bilanggong pulitikal ang isang pambansang koordinadong pag-aayuno bilang protesta sa nalalapit na ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino.
Nagsimula kahapon, Hulyo 16, hanggang araw ng SONA, lumahok sa pag-aayuno ang mga bilanggong pulitikal sa Camp Crame Detention Center, Calbayog Sub-Provincial Jail, Compostela Valley Provincial Jail, Central Command, Lahug, Cebu, Misamis Oriental, Panay, Cebu, Calbayog, Davao City at sa iba pang bilangguan sa buong bansa.
Sinabayan naman ng mga dating bilanggong pulitikal na miyembro ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda), mga kaanak ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao at mga nagtataguyod ng karapatan ang pag-aayuno o fasting. Bilang pakikiisa, nagpiket sila sa harapan ng Department of Justice (DOJ) at sa harapan ng Kampo Crame kung saan nakabilanggo ang ilang konsultant ng National Democratic Front (NDF).
Panawagan ng mga grupo na palayain ang lahat ng mga bilanggong pulitikal. Ayon sa Selda, may kabuuang bilang na 385 ang mga bilanggong pulitikal. Umabot sa 107 ang ilegal na inaresto at ikinulong sa loob lamang ng dalawang taong panunungkulan ni Aquino.
“Ipinagpatuloy lamang ni PNoy (Aquino) ang taktika ng Oplan Bantay Laya ni (dating Pang.) Gloria Macapagal Arroyo, sa kanyang Oplan Bayanihan,” ani Angie Ipong, pangkalahatang kalihim ng Selda. Patuloy umano ang pagsampa ng gawa-gawang mga kaso laban sa mga aktibista para supilin ang mga kritiko ng gobyerno.

Lumahok din sa pambansang pag-aayuno ang mga bilanggong konsultant ng NDF na sina Renante Gamara, Eduardo Serrano at Eduardo Sarmiento. Sa kanilang pahayag, sinabi nila na pinagkakaitan sila ng karapatan matapos nilang ibulgar ang pagmamaltrato sa mga kapwa bilanggong mga Muslim.
Kinondena rin nila ang pagmamaltrato sa iba pang mga konsultant tulad ni Tirso Alcantara na nakakulong sa Fort Bonifacio at si Ramon Patriarca, na nilipat sa isang kampo ng militar matapos mag-organisa siya ng protesta para manawagan taasan ang alawans ng mga bilanggo sa Cebu Provincial Jail.
Hinikayat ni Ipong si Pangulong Aquino na palayain na ang mga bilanggong pulitikal sa pamamagitan ng pagbibigay ng general, unconditional at omnibus amnesty.
“Wala kaming makitang dahilan kung ano ang hinihintay ng gobyerno. Malinaw naman na lahat ng mga bilanggong pulitikal, laluna ang mga maysakit, matatanda, mga matatagal na sa bilangguan at iyong mga mayroong joint agreement on safety and immunity (Jasig) ay napalaya na dapat noon pa,” aniya.
Dismayado rin ang grupo sa pagsasawalang-bahala sa kanila ni Aquino, na anak ng dating bilanggong pulitikal, samantalang ang mga nagdaang administrasyon ay nagawang magpalaya.
Dapat umanong magkaroon ng “political will” ang pangulo para mabigyan ng amnestiya ang mga bilanggong pulitikal.