Editor's Pick Karapatang Pantao

Panunupil at paglaban sa Bikol


Nagpakilala sila, mga sundalo, bilang mga alagad ng gobyerno: mga katuwang umano ng Department of Agriculture sa pagkuha ng sensus sa Brgy. Sinungtan, Guinobatan, Albay. Gusto raw nilang malaman kung sino ang pinakamahihirap na pamilya sa lugar. Pero ang sine-sensus pala nila, ayon sa sinumpaang salaysay ng mga sibilyang residente sa lugar, ay kung sino […]

Nagpakilala sila, mga sundalo, bilang mga alagad ng gobyerno: mga katuwang umano ng Department of Agriculture sa pagkuha ng sensus sa Brgy. Sinungtan, Guinobatan, Albay. Gusto raw nilang malaman kung sino ang pinakamahihirap na pamilya sa lugar.

Pero ang sine-sensus pala nila, ayon sa sinumpaang salaysay ng mga sibilyang residente sa lugar, ay kung sino ang mga sumusuporta raw sa mga rebelde. Tilang sinasabi nila na kung sino ang pinaka-mahihirap sa lugar, sila rin ang sumusuporta sa mga rebelde, kundi man mga rebeldeng New People’s Army (NPA) mismo.

Hangad ay hustisya. Protesta ng mahigit 1,000 mamamayan ng Guinobatan, Albay kontra sa militarisasyon, noong Peb. 25. (KR Guda)
Hangad ay hustisya. Protesta ng mahigit 1,000 mamamayan ng Guinobatan, Albay kontra sa militarisasyon, noong Peb. 25. (KR Guda)

“Ginamit nilang base ang barangay hall,” sabi ni Fernando Paloyo, magsasaka mula Brgy. Sinungtan. Hulyo 22, 2011 ito naganap. Sumunod na araw, sinimulan na ng mga militar na patawagin ang “mahihirap na mga residente.”

Nang panahon na ni Fernando, para magreport sa mga militar, hindi na siya nagmatigas at pumunta agad sa barangay hall. Pero rito, mistulang isinailalim siya sa interogasyon. Pagpasok ni Fernando, binagsak ng isang sundalo ang pinto at pinaupo siya. Ang bungad sa kanya, aminin daw niyang NPA siya, at siya araw ang “Ka Pando.”

Mariing itinanggi ito, siyempre, ni Fernando. Sa kabila nito, pinilit siya ng mga militar na hawakan ang isang plakard na may nakasulat na “Ka Pando” at “MGB”. Parang preso, parang kriminal, kinuhanan siya ng litrato. Pagkatapos, pinapirma siya at pinamarka ng thumbprint sa isang blangkong papel — para “malinis daw ang kanyang pangalan.”

Hanggang sa pagkakasulat ng artikulong ito, nananatili pa rin ang mga militar sa lugar nina Fernando.

Ayon sa mga magsasaka sa iba’t ibang lugar sa Kabikulan, laganap at tumitindi pa ang militarisasyon sa kanilang mga lugar. Walang ibang paraan ang mga magsasaka para ihayag ang kanilang pagtutol sa presensiya ng militar sa mga komunidad kundi ang magprotesta.

Nagkaisang boses

Noong Pebrero 25, sa ika-27 anibersaryo ng pag-aalsa sa EDSA, nagrali ang libu-libong magsasaka at miyembro ng militanteng mga grupo sa Bikol. Sabay-sabay, sa apat na probinsiya, bumulwak sila patungo sa mga sentrong bayan para magpahayag: Hindi umano sila patatahimikin ng nakaumang na mga baril. Batid nila ang karapatan nila, at igigiit nila ito sa kabila ng paninikil, sa harap ng pananakot.

Sa Guinobatan, Albay, umabot sa 1,500 magsasaka at militante ang nagprotesta. Sa Sorsogon, umabot pa ito ng 3,000. Sa Bula, Camarines Sur, 350. At sa Daet, Camarines Norte, 300. Kinakatawan nila ang mga sibilyan ng 20 munisipalidad ng rehiyon na napapasailalim sa lagim ng Community Peace and Development Teams ng militar. Kasama sa mga nagprotesta ang mga miyembro at lider ng Karapatan-Bikol, Bagong Alyansang Makabayan, Kilusan ng Mamamayan Laban sa Militarisasyon sa Kabikulan, at iba pa.

Sabi ni Vince Casilihan ng Karapatan-Bikol, nakapagtala sila ng 37 sibilyan – marami sa kanila’y mga aktibista – na pinaslang magmula nang umupo sa puwesto si Pangulong Aquino. Sa mga kasong ito, pawang iba’t ibang elemento ng militar ang suspek. Bukod pa ito sa malawak na paglatag ng iba’t ibang yunit ng Philippine Army sa sibilyan na mga komunidad. Takot ang bumabalot sa maraming mga komunidad sa mga probinsiya ng Albay, Sorsogon, Camarines Sur at Camarines Norte.

“Marami sa amin, hindi na makapagsaka, umalis na sa kanilang mga sakahan at bahay dahil sa takot,” kuwento ni Felix Paz, pinuno ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa Bikol.

Malagim na alaala

Maliban sa anibersaryo ng pag-aalsang EDSA – na nagpatalsik pa sa diktadurang Marcos, bagamat nanatili ang mapanupil na mga pamamaraan nito – ginunita rin ng mga militante ang unang taong anibersaryo ng masaker ng pamilyang Mancera sa Sitio Mapatong, Purok 6, Brgy. Malaya, Labo, Camarines Norte.

Pebrero 24 nang paputukan ang bahay ng pamilyang Mancera ng pinaghihinalaang mga miyembro ng 49th Infantry Battalion ng Philippine Army na may hinahabol umanong mga gerilya ng New People’s Army. Napaslang sa pamumutok si Benjamin Mancera, gayundin ang magkapatid na anak niyang sina Richard at Michael.

“Kasuklam-suklam ang di pa rin pagkamit ng hustisya (para sa pamilyang Mancera) dahil sa culture of impunity na bumabalot sa bansa, laluna kaugnay ng mga kaso ng mga paglabag sa karapatang pantao,” sabi ni Maricel Delen, coordinator ng Karapatan-Camarines Norte.

Hanggang sa kasalukuyan, sabi ni Delen, nababalot pa rin sa teror ang mga mamamayan ng Brgy. Malaya. Mistulang ginawang kampo na ng mga sundalong miyembro ng “Peace and Development Teams” ng 49th IB ang barangay hall ng naturang barangay. Bahagi ang mga tropang ito ng Charlie Company na namamalagi sa Malaya at karatig na barangay na Pag-asa.

“Iyung kumander nito, si 2nd Lt. Dominic Olayvar, ay responsable sa ilegal na reyd sa mga tanggapan ng Karapatan-Camarines Norte at Kilusang Magbubukiod ng Pilipinas noong Nobyembre 22, 2010,” sabi pa ni Delen.

Sa kabila nito, at sa tulong ng mga organisasyon at mamamayang nagkakaisa para sa paghangad ng hustisya at paglaban sa militarisasyon, desidido ang asawa ni Benjamin na si Leonisa Mancera na papanagutin ang mga maysala.

Ipinakita ni Leonisa, at ng mga magsasakang nagprotesta kabilang si Fernando, na sa halip na matakot, lalong tumatapang silang pinagkakaitan ng karapatan at hustisya. Natututo silang pag-isahin ang boses, para lumaban.