Malawakang protesta vs nagtataasang presyo, pribatisasyon ikinasa sa Marso 20
Isang malaking “protestang bayan” ang ikinasa ng iba’t ibang sektoral na mga organisasyon sa Marso 20 para tutulan ang pagtaas ng presyo ng batayang mga serbisyo, produkto at iba pang bayarin na dulot umano ng patakarang pribatisasyon ng gobyerno. Sa isang press conference, sinabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU), na tampok […]

Isang malaking “protestang bayan” ang ikinasa ng iba’t ibang sektoral na mga organisasyon sa Marso 20 para tutulan ang pagtaas ng presyo ng batayang mga serbisyo, produkto at iba pang bayarin na dulot umano ng patakarang pribatisasyon ng gobyerno.
Sa isang press conference, sinabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU), na tampok sa protestang bayan ang mga protesta sa mga komunidad ng mga maralita, karaban ng mga drayber patungong Department of Energy (DOE) at road blockades sa ilang piling lugar sa Metro Manila.
Kasama sa nagtataasang mga singil na pinapasan ng mga mamamayan ang kuryente, tubig, pasahe sa tren, presyo ng langis, matrikula at iba pa.
Kasama rin sa kanilang protesta ang diumano’y kapalpakan ng gobyerno sa paglutas sa krisis sa Sabah na nagdudulot ngayon ng ibayong hirap sa mga mamamayang Pilipinong nasa Sabah.
“Pigang piga na ang sahod at kita ng karaniwang tao,” sabi ni Labog. Aniya, sawang-sawa na ang mga manggagawa at maralita sa di-maawat na pagtaas ng mga presyo dulot ng pribatisasyon.
Isa sa tinutulan ng mga militante ang pagtaas sa singil sa kuryente ngayong Marso.
Ipinataw ngayon ang 19.38 sentimos para sa universal charge ng Power Asset and Liabilities Management Corporation (Psalm) na naglalayong bawiin ang tinaguriang stranded cost. Mangangahulugan ito ng karagdagang singil na 10.1 sentimo ng Manila Electric Co. (Meralco) sa mga mga konsiyumer nito.
Ayon sa grupo, babalikatin ng mga konsiyumer ang dagdag-singil sa kuryente para lamang mabawi ang P53 Bilyon na pagkakautang ng National Power Corporation (Napocor) sa independent power producers o IPP.
Ayon pa sa grupo, maliban sa taas-singil sa kuryente, ipoprotesta rin nila ang nakaambang pagtaas sa singil ng tubig sa susunod na mga buwan.
“Malalaking kapitalista lang ang nakikinabang sa ipinagyayabang ni [Aquino] na paglago ng ekonomiya. Sila ang gumaganansiya sa nagtataasang presyo at pribatisasyon. Palobo nang palobo ang tubo nila, habang pabagsak ang sahod at kita ng mga mamamayan,” sabi ni Labog.

Kasama rin sa protesta ang mga drayber ng pampublikong transportasyon. Sinabi nila na kahit na nagrolbak ang mga kompanya ng langis ng presyo nitong mga nagdaang linggo, hindi umano ito sapat.
Sa pagtaya ng Pagkakaisa ng mga Drayber at Opereytor Nationwide (Piston), aabot pa rin sa P10 ang overpricing ng mga kompanya ng langis sa mga produktong petrolyo.
Sinabi ni Steve Ranjo, tagapagsalita ng Piston na kulang at kapiranggot pa rin ang rolbak sa presyo ng produktong petrolyo, samantalang pababa naman daw ang presyuhan sa internasyunal na pamilihan.
“Para silang nagsasayaw ng cha-cha — urong-sulong, pero mas malaki ang pagsulong,” sabi ni Ranjo patungkol sa mga rolbak ng mga kompanya ng langis.
Sa pagtaya ng Piston, muling magtataas ang mga produkto ng langis sa pagpasok ng Semana Santa kung kailan malaking bulto ng mga mamamayan ang uuwi sa mga probinsiya.
Para naman sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), magsasagawa sila ng road blockades sa ilang piling lansangan.
Tinututulan nila ang pagsasapribado ng mga pampublikong ospital. Ayon kay Gloria Arellano ng Kadamay, unang tatamaan ng pribatisasyon ang mga maralitang umaasa lamang sa libreng serbisyo medikal.
“Patatakbuhin ang mga ospital ng gobyerno bilang negosyo sa halip na magbigay ng abot-kayang serbisyong pangkalusugan. Magdudulot ito ng mas miserableng kalagayan ng mga walang kakayahang magbayad,” sabi ni Arellano.
Kinondena rin ng grupo ang administrasyong Aquino sa diumano’y palpak na pagharap nito sa krisis sa Sabah at “pagtraydor” ni Aquino sa soberanya ng bansa.
Sinabi ni Labog na usapin ng buong bayan ang nagaganap sa Sabah at hindi lamang usapin ng Sultanato ng Sulu. “Hindi natin dapat abandonahin ang usapin na ito,” ani Labog.
Sinabi naman ni Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan, na hindi sana umabot sa madugong komprontasyon ang hidwaan ng gobyerno ng Malaysia at mga puwersa ng Sultanato kung maagap at mahusay na hinarap ni Aquino ang usapin.
“Maaari sanang nalutas ang hidwaan kung tumindig ang gobyerno (Aquino) laban sa isinagawang pag-atake ng Malaysia,” aniya. Sabi pa ni Crisostomo, kung sinuportahan ni Aquino ang unilateral ceasefire ng puwersa ng Sultanato, maaaring napigilan ang madugong bakbakan at hindi na madamay ang iba pang sibilyang Pilipino sa Sabah.
Binatikos din ng grupo si Loretta Ann Rosales, tagapangulo ng Commission on Human Rights (CHR), na nagsabi sa midya na maghinay-hinay sa pag-uulat sa nagaganap sa Sabah.
“CHR ito ng Pilipinas, pero pinagtatanggol niya ang gobyerno ng Malaysia at sinusuhayan ang paglabag sa karapatan ng midya na iulat sa mga mamamayan ang nagaganap sa Sabah,” sabi ni Crisostomo. Dagdag pa ni Crisostomo, dapat umanong tutukan ng CHR ang maraming ulat ng paglabag sa karapatang pantao ng gobyerno ng Malaysia.
Ayon sa grupo, ang mga lugar na sentro ng mga protesta sa darating Marso 20 ay sa Batoda Commonwealth, Monumento, Cubao, Litex-Commonwealth, Airport Road, Puregold Sta. Mesa at Zapote s. Dagdag pa ng grupo, magkakaroon din ng kahalintulad na protesta sa Vigan, Baguio City, ilang lugar sa Visayas at Mindanao.
May ulat ni Junelle Narra