Yakap ng Pagpapakamanhid
Nabasa ko ang “What We’re Not Saying About Kristel Tejada,” isang sanaysay na nakalagay sa Notes sa Facebook ng isang Aya Tantiangco. Nabahala ako na maraming nagbahagi o nag-share ng sulating ito sa Facebook – lampas 3,000 nang makita ko. Hindi ko kilala si Bb. Tantiangco, at may positibo sa ganitong kalagayan: Matutugunan ko ang […]
Nabasa ko ang “What We’re Not Saying About Kristel Tejada,” isang sanaysay na nakalagay sa Notes sa Facebook ng isang Aya Tantiangco. Nabahala ako na maraming nagbahagi o nag-share ng sulating ito sa Facebook – lampas 3,000 nang makita ko. Hindi ko kilala si Bb. Tantiangco, at may positibo sa ganitong kalagayan: Matutugunan ko ang isinulat niya nang hindi personal, kundi nang itinuturing ang sanaysay niya na kinatawan ng isang kulumpon ng pag-iisip tungkol sa pagpapakamatay ni Kristel.
Una, kulang at paiwas sa impormasyon ang sulatin. Nagpakamatay si Kristel nang ang itinuturong dahilan ay ang kawalan ng kakayahan ng kanyang pamilya na magbayad ng matrikula. Nakagatong ang pagtanggi ng administrasyon ng Unibersidad ng Pilipinas-Manila sa pagsusumamo ng mga magulang niya para pautangin sila. Gayundin ang pagpwersa sa kanyang mag-Leave of Absence dahil hindi siya nakabayad ng matrikula. Lalo na ang pagkumpiska ng UP sa ID niya para hindi siya makapasok sa kampus.
“Dahil lang sa matrikula?” Iyan ang agad na tanong ng iba. Ang ugat ay ang kahirapan ng kanyang pamilya. Drayber ng taxi ang kanyang ama, at masasabi siguro natin: Kahit sinong drayber ng taxi, mahihirapang magpaaral ng anak sa UP. At dahil kahirapan ang ugat, hindi lang ito usapin ng isang-bagsakang pagbabayad sa matrikula. Usapin ito ng kulang na baon, kawalan ng pampa-Xerox ng mga babasahin, pagrenta ng kompyuter para makapagpasa ng papel, at iba pa. Mga problemang mahapdi, mabigat sa araw-araw.
Pinapalabas ng sulatin na itinatanggi ng mga aktibista na “depressed” si Kristel kaya nagpakamatay. Baka iniiwasan lang nilang maging sikolohiya at hindi sistema ang usapin. Anu’t anuman, maaaring kilalaning na-depress si Kristel. Lahat yata ng nagpakamatay ay dumaan sa ganoon. Ang totoo, kausap niya ang kanyang ulirang guro, si Prop. Andrea Martinez, tungkol dito. Ang tanong: Ano ang nagdulot ng depression? Hindi kailangang manghula, maliwanag na nasabi ni Kristel: kahirapan at matrikula.
Mula sa pag-iwas sa mga impormasyon, umalagwa ang sulatin sa mga maling ispekulasyon. Kung nagpakamatay si Kristel dahil bumagsak sa klase, sinipa sa paaralan o kung ano pa, tiyak na iba ang isyu. Pero kahirapan at matrikula ang itinuro niyang dahilan. Kung nagpakamatay siya nang walang mapagkalingang kausap, magiging isyu rin iyun. Pero mayroon siyang kausap. At dahil mayroon siyang kausap, kailangang kilalaning itinuring niya talagang napakabigat ng mga itinuturo niyang problema.
Ikalawa, umiiwas ang sulatin sa mga usaping panlipunan. Bumabagay at sumasalalay ito sa kamangmangan. “Kung magrarali tayo para sa mga bagay na libre, sino naman sa mundo ang magbabayad noon? Ang Diyos?” Kaya naman humahantong ito sa mga kagyat at simpleng “solusyon”: Kumplikado raw ang pagpapakamatay pero yakap o hugs lang ang sagot. Dito rin mauunawaan ang mga kontra-aktibistang hirit ng sulatin, dahil mga aktibista ang nag-uugnay ng nangyari sa mga isyung panlipunan.
Batbat ng kontradiksyon ang mga pahayag. Tinutuligsa ang kawalang-pakialam at kawalang-malasakit ng mga tao sa isa’t isa, pero hindi inuunawa ang mga isyung panlipunan na nagpapahirap sa kanila. Ayaw tanggaping matrikula at kahirapan ang sanhi ng pagpapakamatay ni Kristel at sinabi pang “kumplikado” ang pagpapakamatay. Pero pagdating sa mga aktibista, handang magbigay ng simpleng sanhi: Ginagamit si Kristel sa “krusada,” bilang ehemplo para sikaping bigyang-katwiran ang mga prinsipyo.
Hindi sapat na patampukin ang mga kontradiksyong ito. Mahalaga ang paalala ng progresibong intelektwal na si Adam Kotsko: Sa pagsusuri sa mga propaganda ng mga konserbatibo, maraming makikitang kontradiksyon, pero ang lahat ng ito, naglilingkod sa isang konsistent na estratehiya. Sa kaso ng konserbatismo, ang “patibayin at, kung kinakailangan, muling igiit ang mga ‘tradisyunal’ na istrukturang pangkapangyarihan.” Huwag magpatali sa detalye kundi tanawin ang pangkalahatang layunin ng propaganda.
At anu-ano ang mga layunin ng sulatin ni Bb. Tantiangco? Ang ihiwalay at ilayo ang pagpapakamatay ni Kristel sa mga isyung panlipunan na mahigpit na kaugnay nito. Ang alisin sa hinagap ang pagiging panlipunan ng mga problemang personal. Ang ikulong ang pakikialam at pagmamalasakit sa kapwa sa pagharap sa mga problemang personal lang, “malaya” sa pagsangkot sa mga isyung panlipunan. At ang ilihis ang pananagutan sa nangyari at ang hamon ng pag-aksyon mula sa gobyerno patungo sa karaniwang tao.
Madaling makita ng mga mapanuri at may nalalaman sa pulitika ang mga problema ng sulatin, at ituturing nila itong pag-insulto sa kanilang talino. Pero may yayakap dito – ang mga walang pakialam sa mga isyung panlipunan. Pampatulog nila ito, pabalik sa kanilang pagkakahimbing na niyanig ng nangyari kay Kristel. Binibigyan sila nito ng palusot – “Nagmamalasakit naman kami sa mga mahal namin sa buhay, ah!” – para huwag kumilos, bumalik sa normal nilang buhay ng kawalang-pakialam sa lipunan.
Walang ibang masaya at makikinabang sa sulatin ni Bb. Tantiangco kundi ang gobyernong Aquino at mga naghaharing uri sa bansa. Mulat man siya o hindi, at may batayang isiping mulat siya, binibigyan niya ng armas ang gobyernong Aquino para pahupain ang pagkabigla, pagkabahala, kalungkutan at galit na idinulot ng pagkitil ni Kristel sa sariling buhay. Pansinin natin: Ito na ang pinakamalaganap na propaganda na kumokontra sa mga tumutuligsa sa gobyerno at sistema kaugnay ng isyu ni Kristel.
Pero hindi mapipigilan ng sulatin ang pagdami ng mga kritikal at galit sa gobyerno at sistema. Taliwas sa pagpapalaganap at paghikayat nito ng kamangmangan, madaling makitang nakaugat ang nangyari kay Kristel sa mga patakaran ng gobyerno – sa edukasyon, empleyo, at ekonomiya. Gayundin ang katotohanang nakaugat sa lipunan ang maraming suliraning personal. Taliwas sa pagpapamanhid nito na nagpapanggap na pagmamalasakit, ang malasakit sa kapwa tumutungo sa komunidad, uri at bayan.
Nagtatangka ang sulatin ni Bb. Tantiangco na sawatain ang pag-aasam nating mga Pilipino ng mas maunlad na hinaharap para sa ating bayan. “Kulang lang si Kristel ng pagkausap at pagkalinga” – parang nakapako sa kasalukuyan ang paghusga niya. Pero taliwas sa kanya, ang gusto natin sa hinarahap ay isang maunlad na lipunan, isang masaganang bayan, na magbabalik-tanaw sa nakaraan at walang gatol na huhusgang ang nangyari kay Kristel ay dulot ng bulok at maka-iilang lipunan na kanyang inalpasan.
22 Marso 2013