Suhulan sa industriya ng gamot pakana ni GMA, Duque – Migrante
Malaki ang paniniwala ng Migrante International na si Pangulong Gloria Arroyo at Sec. Francisco Duque III ng Department of Health (DoH) ang siyang nagpakana ng suhulan para maantala ang pagpapatupad ng Cheaper Medicines Act. “Philhealth cards noon, Pfizer discount cards naman ngayon. Noong 2002, sa pamamagitan ng isang memorandum para kay Pangulong Gloria Arroyo, ipinalipat […]
Malaki ang paniniwala ng Migrante International na si Pangulong Gloria Arroyo at Sec. Francisco Duque III ng Department of Health (DoH) ang siyang nagpakana ng suhulan para maantala ang pagpapatupad ng Cheaper Medicines Act.
“Philhealth cards noon, Pfizer discount cards naman ngayon. Noong 2002, sa pamamagitan ng isang memorandum para kay Pangulong Gloria Arroyo, ipinalipat ni Duque ang P530 M pondo ng Overseas Workers Welfare Administration (Owwa) para magamit sa eleksiyong 2004,” ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.
Matatandaang ibinulgar kamakailan ni Senate President Juan Ponce Enrile na nagsuhol umano ang Pfizer, isang higanteng kompanya ng gamot, sa pamamagitan ng pag-aalok ng 5-M discount cards na nagkakahalaga ng 100 million para sa DoH.
“Ganitong-ganito rin ang naganap noong 2004 habang pangulo pa ng Philhealth si Duque. Hindi malayong si Duque rin at si Pangulong Arroyo ang nasa likod ng panunuhol ng Pfizer sa Malacañang para ikutan ang bagong batas hinggil sa pagpapababa ng presyo ng gamot,” ani Martinez.
Binanggit pa ni Martinez na nakasaad sa naturang memo ni Duque noong 2002 na gagamitin ang pondong kukunin sa Owwa para sa kampanya ni Pangulong Arroyo sa eleksiyong 2004.
“Sariwa pa sa alaala ng lahat nang magpamudmod ng Philhealth cards si Pangulong Arroyo noong eleksiyong 2004. Pawis at dugo ng mga Overseas Filipino Workers ang ginamit nila rito para lamang pabanguhin ang imahe ni Pangulong Arroyo,” sabi pa ni Martinez.
“Matatapos na lang ang termino ni Pangulong Arroyo ay ipagkakanulo pa pati ang kalusugan ng mamamayan. Malinaw na ito ang iiwanang pamana ni Gng. Arroyo sa siyam na taon niyang panunungkulan – pandaraya sa eleksyon at pangungulimbat sa kabang yaman ng bayan,” pagwawakas ni Martinez.